Sap
Roberto T. Añonuevo
Pumipikit ang daigdig para sa pawis
At buwis, at kung ikaw ang nagigipit
Sa panahon ng epidemya’t tagsalat,
Ay kakagat sa pangako’t patalim
Na gumigilit sa leeg ng mga lintik.
Hihintayin gaya ng pagdalaw ng multo
At masuwerte kung ito’y nagkatotoo.
Aakalaing ginhawa ngunit ginhawa
Na mailap o makupad dumating,
At kung dumating ay unti-unti,
Tipid na tipid,
Dumaraan sa libong silid at hakbang,
nahahati kung minsan gaya ng tinapay
kahit mali,
pinipili ng mga kusinero sa burukrasya,
sinasabi ng batas para sa lahat
ngunit laging ang batas ang nababali,
At kung hindi nababása sa diyaryo,
namamatay ang kabayo, wika nga,
Nang nakahiga sa makapal na damo.
Dagta itong sinlapot ng mga pandakit,
At sa mga kamay ng namamahagi
Ay nagmamarka ng pangalan at daliri.
Sipsipin ito gaya ng dugo
Gaya ng pagsipsip ng manananggal
Sa katauhan mo,
At lulusog ka sa mesa ng pagkabuang
Na susukol sa natitirang pag-asa.
Katasin ito gaya ng sariwang gata,
At magugulat sa mga nakatala:
Mga multong nabuhay muli at pumila,
Mga multong nag-uuwi ng ayuda,
Mga multong nagbabalik sa kaban
Na para bang naghahanda sa halalan.
Ngayon, ang mamatáy nang dilat
Ay pagdilat din kung said na ang lahat.
Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Bryan Garces @unsplash.com
WOW! Kaganda sir!
LikeLike