Salin ng “Aus goldenem Kelch. Barrabas,” ni Georg Trakl ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang ginintuang Kalis: Barrabás
Isang Pantasya
. . . . . .Naganap iyon sa parehong oras, habang inilalabas nila ang Anak ng Tao tungo sa Gólgota; ang pook na pinagdadalhan sa mga magnanakaw at salarin para bitayin.
. . . . . .Naganap iyon sa parehong dakila at maningning na oras, habang natutupad ang kaniyang gawain.
. . . . . .Naganap iyon, nang sa parehong oras, ang makapal na lipon ng mga tao ay tumatawid sa mga lansangan ng Jerusalem at naghihiyawan—at sa gitna ng mga tao ay naglalakad si Barrabás na salarin, at taas-noo sa himagsik.
. . . . . .At sa palibot niya ay naroon ang mga puta na bihis na bihis, pulang-pula ang mga labì at de-pulbo ang mga pisngi, at hinablot siya. Naroon din ang mga lalaking lango sa alak at bisyo. Ngunit sa kanilang pananalita’y nakakubli ang kasalanan ng kanilang lamán, at sa kabulukan ng kanilang muwestra ay nakahimlay ang pahayag ng kanilang iniisip.
. . . . . .Marami sa nakakita sa lasing na prusisyon ay nakihalubilo at sumigaw: ‘Mabuhay si Barrabás!’ At naghiyawan lahat sila: ‘Hayaang mabuhay si Barrabás!’’ May kung sinong sumigaw ng ‘Osana!’ May isa pang tao, gayunman, na pinaghahataw nila—dahil ilang araw lámang ang nakalilipas nang sumigaw sila ng ‘Osana!’ sa isang Tao na pumasok bilang hari sa bayan, at may mga sariwang palaspas sa kaniyang nilalakaran. Ngunit ngayon ay lumikha sila ng tirintas ng mga pulang rosas at malugod na nagsisigaw: ‘Barrabás!’
. . . . . .At nang lumampas sila sa palasyo, narinig nila ang pagpapatugtog ng mga bagting at ang halakhakan at ang ingay ng pagdiriwang. At lumabas sa bahay na ito ang isang kabataang nakabihis para sa pagsasaya. Ang kaniyang buhok ay kumikinang sa mahalimuyak na langis at ang katawan ay may pabango ng pinakamahal na oleo ng Arabia. Kumikislap ang kaniyang mata mula sa tuwa sa pista at ang kaniyang ngiti ay may pagnanasa mula sa mga halik ng kaniyang mangingibig.
. . . . . .At nang makilala ng kabataan si Barrabás, humakbang siya pasulong at nagwika sa ganitong paraan:
. . . . . .‘Pumasok sa aking bahay, O Barrabás, at makahihiga ka sa pinakamalambot na unan; pumasok, O Barrabás, at ang aking mga alipin ay lalangisan ang iyong katawan sa pamamagitan ng mamahaling nardo. At sa iyong paanan ay magpapatugtog ng pinakamayuming melodiya ng laud ang dalagita at mula sa pinakamahal kong kopa ay ihahain ko sa iyo ang aking malinamnam na alak. At mula sa alak na ito ay ilulubog ko ang aking kahanga-hangang mga perlas. O Barrabás, tumuloy ka bilang panauhin ngayon—at ang aking sinta’y laan para sa aking panauhin ngayon, siya na higit na marikit sa madaling-araw ng tagsibol. Pumasok, O Barrabás, at hayaang putungan ka ng mga rosas, magdiwang sa araw na ito sa sandaling dapat siyang mamatay na ang ulo’y kinoronahan ng mga tinik.’
. . . . . .At makaraang magsalita ang kabataan, ang mga tao’y sumigaw sa kaniya sa labis na tuwa at umakyat si Barrabás sa mga baitang na marmol gaya ng isang nagwagi. At ang kabataan ay kinuha ang mga rosas at ipinutong sa ulo nang abot hanggang kilay ni Barrabás, na salarin.
. . . . . .At pagkaraan ay kasáma niyang pumasok sa bahay si Barrabás, habang naglulundagan sa tuwa ang mga tao.
. . . . . .Humilig si Barrabás sa malalambot na unan; nilangisan ng mga alipin ang kaniyang katawan mula sa piling nardo at sa kaniyang paanan ay mayuming tumipa ng mga bagting ang dalagita, at sa kaniyang kandungan ay umupo ang babaeng sinta ng kabataan, ang babaeng higit na marikit sa madaling-araw ng tagsibol.
. . . . . .Umalingawngaw ang halakhak—at ang mga panauhin ay nalasing sa di-akalaing kaluguran, silang lahat na pawang kaaway at manlilibak sa Isang Natatangi—ang mga fariseo at basalyo ng mga pari.
. . . . . .At sa itinakdang oras ay nag-utos ng katahimikan ang kabataan at huminto ang panawagan. Pagdaka’y sinalinan ng kabataan ang kaniyang ginintuang kopa ng pinamalinamnam na alak, at sa sisidlang ito ang alak ay naging tulad ng kumikinang na dugo. Inihagis niya rito ang perlas at inialok ang kopa kay Barrabás. Ang kabataan, gayunman, ay tangan ang kopa na yari sa kristal at itinaas niya ito para kay Barrabás:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At lahat ng nasa silid ay sumigaw sa galak:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At nagsigawan ang mga tao sa mga lansangan:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At biglang naglaho ang araw, nayanig ang lupa hanggang pinakapundasyon nito, at ang makapangyarihang sindak ay naglandas sa buong daigdig. Lahat ng nilalang ay nangatal. At sa parehong oras, naganap ang gawain ng pagliligtas!
Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Jametlene Reskp @ unsplash.com