Salin ng “Mute,” ni Margaret Atwood ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Pipi
Magsalita o manahimik: muling lumilitaw ang tanong kapag namalayang lumabis na naman ang nasabi mo. Isa na namang kuyom sa mga pangngalan, isang dakot: masdan kung paano nila pinipili ang mga ito, ang mga mamimíli ng mga salita, kumukurot dito at doon upang tingnan kung may gurlis yaon. Hindi nakalalamáng ang mga pandiwa, iniikid nila ang mga ito, pagdaka’y ilalarga, pag-aagawan sa mesa, iikirin muli nang mahigpit, at malalagot ang ispring. Hindi mo matatanggap ang isa pang tula ng ispring, tatanggihan ang mga nakataling patinig, tatanggihan ang gasgas na salitang berde na taglay nito, hindi sa iyo, hindi sa mga langgam na gumagapang sa kabuoan nito, hindi sa ganitong pagkapeste. Merkado ito at may batik ng langaw; paano hinuhugasan ang wika? Naroon ang umpisa ng mabantot na amoy, maririnig mo ang mga atungal, may kung anong nilalamon, na nagiging malimit. Ramdam mong nabubulok ang iyong bibig.
. . . . . .Bakit ka makikisangkot? Makabubuti kung umupo sa gilid, sa bangketa sa lilim ng tabing, nakatukop ang mga palad sa bibig, tainga, mata, at may baso sa harap mo na huhulugan o hindi huhulugan ng barya ng mga tao. Pakiwari nila’y hindi ka makapagsalita, naaawa sila sa iyo, ngunit. Ngunit naghihintay ka ng salita, ang salita na sa wakas ay magiging tumpak. Isang tambalan, ang salinlahi ng búhay, putik, at liwanag.
Alimbúkad: World poetry solidarity for humanity. Photo by Radu Stanescu.