Motif IV, ni Subagio Sastrowardoyo

Salin ng “Motif IV,” ni Subagio Sastrowardoyo ng Indonesia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Motif IV

Ibig kong bumili ng Walkman
o munting radyo na malakas
ang tunog. Kailanman naisin
ay madadala ko iyon saanman.
Kailangan ko ang ingay sa bawat
sandali, kumpas man ng musika
o satsat ng mga tao. Mabuting
magkaroon ng nakabubulahaw
na talumpati o rakrakang nakatutulig.
Nalalasing ako sa ingay.
Hayaang magwala ang daigdig
dahil takot ako sa katahimikan.
Natatakot ako sa tinig ng kalooban.
Tuhan, kailan ka ba papanaw?

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Mick Haupt @ unsplash.com

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita, ni Gendun Chopel

Salin ng tula sa Sanskrit ni Gendun Chopel ng Tibet
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita*

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita.

Itong sukdulang dunong na Sarasvatī
Ang nagpapatanglaw sa pagsasalita;
Punuin mo nawa ang aking lalamunan
Ng mga salitang maglilinaw sa daigdig.

Supling ng dagat, siya ang nag-aakay
Sa mga tagasunod sa supremong daan
Ng sagradong sigasig at pagmumuni
Sa ibabaw ng masaganang purāņas.

Ang lawak ng kaniyang karunungan
Ay kalangitang di-abot ng mga bituin;
Walang lugar para sa isang hagdang
patungo sa nakasisilaw na araw.

________
*Mula sa “Mga Aral ng Maestrong Walang Disipulo,” na nasa aklat na pinamagatang In the Forest of Faded Wisdom (Sa Gubat ng Pumusyaw na Karunungan) ni Gendun Chopel (1903–1951), batay sa bersiyong Ingles ni Donald S. Lopez, Jr.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Petr Sidorov @ unsplash.com

Lagay ng Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Lagay ng Panahon

Roberto T. Añonuevo

Nagsilindro ang mga anino sa tanghaling-tapat,
nakinig ang palaboy na askal
sa tabi ng tindahan,
at pagkaraan, ang pagkamangha ay naibulsa
ng mga multong naglalakad sa bangketa.
Lumipad ang kumakatal na matandang himig
na bumubuga ang guniguni sa mga traysikel,
at tumawid ang ambulansiya na parang sigà.
Isinapelikula ng mga tambay na paslit ang inip;
naghihintay ng suki ang latag ng prutas, gulay
ngunit bumibili lámang sa sulyap at takam
ang sinumang mapadaan.
Nagtinginan ang mga bilbord ng mga negosyo
na kung mga politiko’y magsisilid ng kamay
sa hungkag na kahon.
Nagbibilang wari ng mga maysakit ang hangin.
Naglaho ang mukha kapalit ng libong maskara.
Nangarap ng videoke ang kalapati sa poste.
At maya-maya’y nagkaulap ng pangamba
habang tahimik na papalapit nang papalapit
ang mga unipormadong tagawalis at tanod.
Saka nagtalumpati na tila sangganong pangulo
ang radyo—sa uyam ng silindro ng mga anino
na ayaw pasindak sa bilibid, uhog, at ulan—
para sa hanapbuhay ng pagsusunog ng bangkay.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Ramadan Morina