Salin ng “Y cuanto vive?,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
At gaano katagal mabuhay?
Gaano ba dapat katagal mabuhay ang tao?
Mabubuhay ba siya nang sanlibo o isang araw?
Isang linggo, o ilang siglo?
Gaano katagal niyang gugugulin ang pagyao?
Ano ang ibig sabihin ng “walang hanggan?”
Nalunod ako sa ganitong mga pagninilay,
kayâ sinikap ko na linawin ang mga bagay.
Sumangguni ako sa matatalinong saserdote,
hinintay silang matapos ang kanilang mga ritwal,
at tinitigan nang maigi ang kanilang mga lakad
tuwing dumadalaw sa Diyos at Diyablo.
Nabato sila sa aking mga tanong.
Sa panig nila’y kakaunti lámang ang alam nila;
hindi sila makaigpaw sa pagiging administrador.
Tinanggap ako ng mga mediko
nang maisingit sa mga konsultasyon,
habang tangan nila ang panistis,
tigmak sa aureomisina,
at napakaabalá bawat araw.
Natutunugan ko mula sa kanilang sinasabi
na ang problema ay ang sumusunod:
Hindi iyon hinggil sa pagkamatay ng mikrobyo
dahil nalilipol iyon nang tone-tonelada—
bagkus sa kakaunti na nakaligtas
na nagpamalas ng kalisyahan.
Iniwan nila ako nang nagigitla
kayâ sumangguni ako sa mga sepulturero.
Nagtungo ako sa mga ilog na pinagsisilaban nila
ng mga dambuhalang pintadong bangkay,
maliliit na patpating katawan,
mga nakabihis emperador
ng malalagim na sumpa,
mga babaeng nalagas nang kisapmata
sanhi ng daluyong ng kolera.
Naroon ang pampang ng patay
at ng mga abuhing espesyalista.
Nang magkaroon ako ng pagkakataon
ay pinukol ko sila ng matitinding tanong,
at nag-alok naman silang sunugin ako:
Iyon lámang ang lubos nilang nalalaman.
Sa bayan ko, ang mga sepulturero’y
tumugon sa akin, pagkaraang tumagay:
‘Maghanap ka ng mabuting babae—
at tigilan mo na iyang kabulastugan.’
Nakita ko kung gaano kasaya ang mga tao.
Umawit sila habang nagtatagay ng alak,
para sa kalusugan at kamatayan.
Mukha silang mga bigating hindot.
Umuwi ako ng bahay, at ganap na tigulang
makalipas tawirin ang daigdig.
Ngayon ay wala na akong inuusisang tao.
Ngunit kakaunti na ang aking alam bawat araw.
Alimbúkad: World Poetry Translation Project Marathon for Humanity. Photo by Ümit Bulut @ unsplash.com