Salin ng “Teoria e Prática do Poema,” ni Haroldo de Campos ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Teorya at Praktika ng Tula
I
Mga ibong pilak, ang Tula
ay dumudukal ng teorya sa sariling paglipad.
Filomela ng nagbanyuhay na bughaw,
sukát na heometra
ang Tula na nagninilay sa sarili nito
gaya ng bilog na nagninilay ng sentro
gaya ng rayos na nagninilay sa bilog
ang kristalinang fulkro ng paggalaw.
II
Ginagaya ng ibon ang sarili sa bawat paglipad
ang rurok ng garing na ang nakayayanig
na pagkabalisa ang arbitro
sa mga puwersa ng linya ng paggalaw.
Nagiging ibon ang ibon sa paglipad,
ang salamin ng sarili, ang tigulang
na orbit
na umaabang sa Panahon.
III
Mapagtimpi, ang Tula ay isinasantabi ang sarili.
Leopardong pinagninilayan ang sarili sa paglundag,
ano ang mangyayari sa biktima, ulop ng tunog,
mailap
na usa ng mga pandama?
Ang Tula ay nagpapanukala sa sarili: ang sistema
ng mababagsik na hatag,
ang ebolusyon ng mga pigura laban sa hanging
ahedres ng mga bituin. Hunyango ng panununog
na naghahamon, nananatiling malayong masaktan,
lumulubog ang araw sa sentro nito.
IV
At paano ito nagaganap? Anong teorya
ang gumagabay sa mga espasyo ng sariling paglipad?
Anong balastro ang pumipigil dito? Anong bigat
ang kumukurba sa tensiyon ng paghinga?
Sitara ng wika, paano nakikinig ang isang tao?
Hinubog sa ginto, gaya ng nakikita natin,
nasa proporsiyon nito ang Kaisipan.
V
Masdan: nabiyak sa dalawa
ang mahanging pagsasanib ng paggalaw
na namamahingang baylarina. Akrobata,
pag-iral ng madaling paglipad,
plenilunyong prinsesa ng kaharian
ng mga lambong ng pamilihan: Simoy.
Saan nag-ugat ang impulsong humahatak sa kaniya,
na mapagmataas, sa panandaliang pangako?
Hindi tulad ng ibon
na umaayon sa kalikasan
bagkus ito’y bathala
contra naturam sa pag-imbulog.
VI
Gayon ang Tula. Sa larang ng ekilibriyong
eliseo na pinapangarap nito
ay lumalawig ang lahat dahil sa angking husay.
Ang maliksing atletang may bagwis
ay nakatuon sa trapeseo ng abentura.
Hindi isinasaharaya ng mga ibon ang sarili nila.
Pinagninilayan ng Tula ang lahat bago maganap.
Sinusundan nito ang yugto ng walang hanggang
astronomiya at doon nagiging mga balbuning Oryon.
Kumbaga, siya mismo ang arbitro at hukom,
si Lusbel na lumundag pabulusok sa kailaliman,
malaya,
sa harapan ng dakilang hari
ang haring mababa kaysa dakila.
Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Gaston Roulstone