Pagkaraang makinig kay Julian Bream
Roberto T. Añonuevo
Tsinelas sa gilid ng pintuan ang naghihintay marahil sa iyong anino. Isang tasa ng umaasóng kape ang panahon na waring kausap ng naulilang gitara si Fernando o si Mauro, na may halimuyak ng taberna ang alaala ngunit may lawak ng lupalop ang pananabik. Lumilipad ang mga papel, at ang mga nota’y hindi makaliligtas sa matatalas ang pandinig. Ang gabi’y hindi laan sa kabiyak; ang gabi’y paghahanap sa pambihirang tunog na nakababagabag at kumikilapsaw sa puso. Sa loob ng kapilya, ano ang umaalunignig? Maaaring bugso ng malamig na simoy o tikatik ng ulan. Parang magaspang na tunog ng gramopono, ang musika ay sinasaliwan din ng mga lagitik ng nayapakang siit o sitsit ng kuliglig, at likás lámang. Kung hindi’y ang inaasahang masagap sa kinukuyumos na matatandang pahina ang bibitin sa pinilakang kilay at lumalapad na noo. May laud na giniginaw sa makulimlim na silid. At hindi naiwasang ibulalas ng sandali: “Julian, ikaw ba iyan?” Naglaho ang iyong tsinelas, ngunit dumadalaw sa guniguning silid ang ritmo ng mga kaluskos sa sahig.
Alimbúkad: Boundless poetry imagination for humanity. Photo by Sudhith Xavier