Ang Karpintero
Roberto T. Añonuevo
Magdamag na pag-ulan ang pumasok sa aking silid.
Bumaba ang mga ulap upang magsilang ng anghel—
taglay ang diwa ng robotikong artipisyo at buhangin.
Nang dumilat ang anghel,
sanlibong ilog ang nag-aklas sa mga higanteng dam,
na tila masaklap na pagbibiro ng salot at tagsalat.
Unti-unting kumampay ang kaniyang mga pakpak,
namuo pagkaraan ang ipuipo at kumulog-kumidlat,
at nang siya ay umiyak nang umiyak, ang bagyo
ay isang pangulong nagkakamot ng ulo at naghahasik
ng nakalalangong digmaan laban sa sangkatauhan
sa ngalan ng aniya ay labis na pag-ibig sa watawat.
Umapaw ang mga kalansay sa aking silid, umapaw—
waring pinipilit ako na lumikha pa ng mga bagong silid.
Alimbúkad: Poetry challenge for a better tomorrow. Photo by Ricky Kharawala @ unsplash.com