Ang Mito ng Lihim, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Mito ng Lihim

Roberto T. Añonuevo

Itinuro isang araw ng mga langaw ang namamahòng lihim, at kung marunong magbilang ang lupa, maaaring ang namatay ay ikatatlumpung libo sa listahan ng mga lumpen at kriminal, ayon sa pahayagan, na itatatwa ng awtoridad. Umaapaw na basurahan, siya ang hinahanap ng mga alagad ng batas na kataka-takang inunahan ng mga asesino, mula nang ihasik ang opisyal at sukdulang digmaan laban sa mga drogang ilegal.

Binubura ng mga uod ang mga bakás ng pagpaslang, naibulong mo sa sarili, at kung minsan, sinasaksihan ng palaisdaang magpapalusog sa mga hito at dalag, hanggang sa di-makita ng mga ulila o imbestigador, at pagkaraan, ang kalansay ay magiging alaala sa huntahan ng mga lasenggo ngunit hindi kailanman mailalahok sa mga sangguniang aklat. Kung naiiwan ang tato sa hangin—ang tato ng kapatiran sa pagtutuwid—may DNA ba ito, naisip mo, na babasahin ng huwes, at dodoktorin sa mga ulat at dokumento?

Naglalaho ang lahat kahit ang palaisipan sa rabaw ng balát.

Nagtatalumpati ang pangulo sa labis na pagmamahal sa bayan. Tingnan mo nga naman, sabi ng mga tambay, parang may rido sa madidilim na kalye, at ang mga pulis ay nasa ilalim ng tulay—naniniktik, naninigarilyo, nag-iisip sa mga de-kahong kuwento. Para sa bayan, dumarami ang mga bangkay na bumabangon sa mga bangungot at pumapatay nang paulit-ulit sa mga natitirang gisíng.

Ibig mong manahimik at magpalamig, ngunit ang paglipol sa mga tulak at adik ay pakikinig nang higit sa maipapahiwatig ng bagyo ni Vivaldi: lumalampas sa apat na panahon, at ang pangwakas ay maniobra wari ng lumalaboy na maykapal. Kahihindikan mo iyon bagaman katakam-takam para sa tsismis o balita, at kinokonsumo bawat araw bilang bahagi ng aliwang intelektuwal.

Hanggang sa dumating ang pandemya. At ang pangulo ay ano’t nakikidigma sa hindi nakikita; at dahil imbisibol ang kalaban (na taliwas sa mga tao na hinahagad ng batas), imbisibol din ang plano sa paggugol ng pondo, pansin nga ng numero uno niyang kritiko, para sa pagpapatakbo ng ospital o gobyerno, na tila ang lahat ay naglalaro ng bínggo at walang nananalo. May vayrus na pumasok sa iyong utak, na nginangasab wari nang unti-unti, at naunawaan mo ang halaga ng natitirang sandali.

Nagtataka ka kung bakit hindi man lang kumakabog ang iyong dibdib. Wala ka namang sála, ngunit kinatatakutan, nilalayuan. Positibo kang mag-isip, bagaman may sentimyento ng pasyenteng malubha ang sakit. Araw-araw, nagmumultiplika ang iyong mga karanasan, isinisigaw ng libo-libo, milyon-milyong binigo ng kani-kanilang gobyerno—at mahuhulog ka sa bangkô kapag lumusob ang mga bangaw upang takpan ang bagong lihim, habang pinipigil ng ilong mo ang alingasaw ng lansa at lagim.

Alimbúkad: Unlocking the genius of Filipino language through poetry. Photo by Stefan Steinbauer @ unsplash.com

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.