Tanawin sa Gabi, ni Paul Verlaine

Salin ng “Effet de nuit,” ni Paul Verlaine ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawin sa Gabi

Gabi. Ulan. Binubutas ng palaso at toreng hungkag
Ang malinaw na anino ng nilalagnat na ulap
Sa malayo, doon sa patay na gotikong kalungsuran.
Kapatagan. Naaagnas na mga bangkay ang bitayan,
inuugoy, binubutas ng mga tuka ng mga uwak,
Patayon-tayon sa himig ng gabi habang nginangasab
ng mga lobo ang mga paang nakabitin sa hangin.
Sa likuran, nakabalangkas ngunit hindi pa aakalain—
Nagsalabid ang mga balag sa putikan—yumayabong
Ang lagim sa kaliwa; sa kanan, ang multong palumpong.
Doon, naglalakad ang tatlong bilanggo—pawisan,
Marungis, nayakapak—habang ang pulutong ng kawal
Na papalapit at sintigas ng maso ay kumikislap
ang tangang palakol, na waring ulan ng mga sibat.

Alimbúkad: Poetry vision, poetry imagination. Photo by Noemí García Reimunde @ unsplash.com

Ang Ikalawang Pulô, ni Derick Thomson

Salin ng “An Dàrna Eilean,” ni Derick Thomson [Ruaraidh MacThòmais] ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Ikalawang Pulô

Nang marating natin ang pulô’y
nakalatag na ang takipsilim
at kay gaan ng ating kalooban,
ang araw ay nahihimbing
sa ilalim ng kobrekama ng dagat
at sumisilang muli ang pangarap.

Ngunit pagsapit ng umaga’y
inalis natin ang talukbong
at sa puting liwanag
ay nakita ang lawa sa pulô,
at ang pulô sa lawa,
at natuklasan nating
tumakas palayo muli sa atin ang pangarap.

Walang katiyakan ang mga tuntungang bato
sa ikalawang pulô,
nangangatal ang batong
nagbabantay sa mga bignay,
naaagnas ang lipote,
wala na sa atin ngayon ang samyo ng damong-marya.

Support Alimbúkad Translation Project: Spread the word. Spread poetry.  Photo by Mikk Tõnissoo @ unsplash.com

Pananabik, ni Roberto T. Añonuevo

Pananabik

Roberto T. Añonuevo

1
Ang pananabik ay naikukubli sa paghuhugas ng pinggan
at baso, na tila hindi maubos-ubos doon sa lababo.

Magmamantika ang mga palad mo, at iisipin na lámang
na ang bulâ ng sabon ay balikbayan mula sa ibayo.

2
Ang pananabik ay walang espasyo at panahon.
Minsan, nagpapakita ito sa gitna ng trabaho,
nagbibihis ng papeles na tambak sa harap mo.

Ngunit kay gaan ng iyong puso sa ritmo ng daigdig.

3
Ang pananabik ay napakahaba, napakabagal
na pila, na parang isang kilometrong sawá,

at kung ikaw ang nasa dulo ng buntot,
maiisip ang walang katuparang pangako—
gaya ng mula sa politiko na ibinulsa ang ayuda.

4
Magpapahaba ka ng buhok dahil sa labis na inip,
at di-alintana kung pumuti ang bigote o balbas.

Ngunit kapag sumusuot sa guniguni ang inaasam,
pipiliin mong maging hubad at kalbong naglalakad,

na parang iyon na ang pangwakas na araw
ng lahat ng salon at barberya.

5
Naantalang kartero o sulatroniko ang pananabik.
Silip ka nang silip mula sa bintana,
at bumubungad sa paningin mo ang mga sáko
ng basurang hahakutin ng mga basurero.

Maiinggit ka, sapagkat hindi ikaw ang hinakot nila.

6
Kapag may narinig kang eroplanong nagdaan,
ang akala mo’y dumating na ang hinihintay.

Maririnig sa iyo ang paboritong “Sana, sana. . . “
at hindi na muling manonood ng Koreanobela.

Bakit luluha kung sakali’t wala ang sinisinta?

7
Nakababaliw ang pananabik, kayâ naititindig
ang pinangarap na bahay,
at nakalilikha ng hardin ng mga gulay o bulaklak.

Magninilay ka sa inilatag na mga graba sa daan,
sa munting talón malapit sa pader,
at kapag may naligaw doon na paruparo o maya
magpaparaya ka sa kanilang pulut-gatâ—

na parang ikaw ang Bathala nilang lumuluha.

8
May samyo ng umaasóng sinaing ang pananabik.
Nakahanda ang hapag-kainan at naghihintay.

Susulyapan mo ang selfon at magkukunwari
na ang mahal ay dumating, at ngayon ay kapiling.

9
Mabibigo kang itala sa isip ang iyong pananabik.
Susulat ka nang susulat, kahit sa sahig o dingding,
para tawagin bilang sining,
para tawagin bilang tula,
at lilikha ka ng libong talinghaga hindi man makata.

Sapagkat siya ang iyong walang hanggang pag-ibig.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Jack Sloop @ unsplash.com

Ang Anyo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Anyo

Roberto T. Añonuevo

Tinawag siyang parisukat ngunit kung umasta’y tatsulok
na sindikato ng liwanag tubig buhangin—
nakayayamot unawain gaya ng panghuhula sa darating.
Itinuring siyang kahon ng awtoridad ng kaayusan
at seguridad, binalangkas na bartolina ng sibilisasyon,
gayong inililihim niya ang rebolusyon ng mga planeta.
Silang nakababatid ng kasaysayan at establesidong rikit
ay parang isinilang kasabay at alinsunod sa nahukay
na serye ng mga petroglifo o dambuhalang palasyo,
nagkakasiyá sa subók na taguri, krokis, at lohika,
at hindi nila malunok ang nilalang na sadyang kakaiba.

Bakit siya lapastangan wari at sumasalungat sa batas?
Paano kung maging modelo siya ng umiinom ng gatas?
Ang nagkakaisang salaysay nila ang kuwadro ng simula,
ngunit para sa kaniyang tatlo ang tinig at apat ang panig
bukod sa angking olográfikong hulagway kung paiikutin,
ang larawan niya ay kombinasyon ng wagás-lagás-gasgás,
nililikha paulit-ulit imbes na ituring na Maylikha,
hinuhugot mula sa laboratoryo ng mga eksperimento,
sinusubok itanghal patiwarik pana-panahon,
sinisinop itinatago itinatapon kung saan-saan,
banyaga sa takdang moralidad ngunit malalahukan
ng sagradong likido at linyadong pananalig,
ang bantulot na pedestal na walang sinasanto
at humuhulagpos sa arkitektura ng bahay kubo,
at sumusuway sa ningning at pagsamba sa mga bituin.

Habang lumalaon, dumarami ang kaniyang pader:
oktagono ng kagila-gilalas na diyamante
at kulang na lámang na lapatan ng mga numero,
pala-palapag na palaisipan, o zigzag ng paglalakbay.
Kahit siya’y nagsasawà na sa tadhanang nahahalata;
at ang gayong kapalaran ang kaniyang ikinababahala.
Ituring siyang itim at magpapaliwanag ng bahaghari.
Ituring siyang puti at maglalantad ng pagkakahati.
Sakali’t uyamin muli siyang parisukat ng awtoridad,
hahagikgik na lámang siya at magiging mga tuldok—
tumatakaták—na parang pagsasabi  nang tapat at payak.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Kian Chow @ unsplash.com

Dióna, ni Uten Mahamid

Salin ng “กลอนสามบรรทัด,” ni Uten Mahamid ng Thailand
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dióna

Sa isang pook na liblib,
ang pagpaslang sa pusa mo’y
guniguning abot-langit.

Alimbúkad: Poetry imagination beyond borders. Photo by Zane Lee @ unsplash.com

Mga Layanglayang, ni Pedro Serrano

Salin ng “Golondrinas,” ni Pedro Serrano ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Layanglayang

Nakakuyom sa mga kable na animo’y sampayan,
mumunting kanaway na yari sa kahoy,
maliksi at maliit na salungat sa balasik ng bughaw,
nakatakda sa tanghali, sila’y bumubulusok nang isa-isa,
pinakikislot ang mga damit, kamay, ngiti,
puting súso, itim na lambong,
nakahanay ang mga tuwid na pakpak, gusót
nang kaunti ang mga balahibo,
hanggang lumipad ang mga ito maliban sa isa—
na iimbulog pagdaka’y bubulusok pabalik,
gaya ng kisapmatang pamamaalam,
sukdulang pinalalaya ang umaga.
Mananatili ang mga kable, magpaparaya ang langit
na waring kasalan sa nayon kapag linggo,
at pagkaraan ay maglalaho nang ganap.

Alimbúkad: Poetry beautiful, poetry so cool. Photo by Vincent van Zalinge @ unsplash.com

 

Mga Bunganga, ni Aimé Césaire

Salin ng “Cratères,” ni Aimé Césaire ng Martinique, France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Bunganga

Ang diwa ng mabilis na kalutasan ay pinawalang saysay ng kawalan ng lava, sa kahabaan ng mga ilog na labis na mabato upang hindi maarok ng úhaw ng mga ulupong.

Sabik pumatay na Ewmenides ang walang habas na sumusuyod sa mga dawag hanggang kusang maupos sa ulop ng taglagas.

Hindi ako malilinlang.

Ang hapis ay hindi mapapagod na lumundag-lundag sa malalalim na bunganga, bagaman maililipat yaon nang matagal-tagal para sa kaliwanagan ng nagpapatiwakal na bulkang bumubuga.

Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Simply sophisticated. Photo by Silas Baisch @ unsplash.com

Ilang Silbi ng Dahon, ni Don McKay

Salin ng “Some Functions of a Leaf,” ni Don McKay ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ilang Silbi ng Dahon

Bumulong. Pumalakpak sa hangin
at ikubli ang pipit.
Hulihin ang liwanag
at paganahin ang payak na gayuma ng fotosintesis
(paumanhin, ginoo, kung isa lamang ang salita)
na nagpapabanyuhay dito na maging kahoy.
Maghintay
na handang magpakain
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at maging pagkain.
Mamatay nang may estilo:
gaya ng punongkahoy na umurong sa loob ng sarili,
ipinipinid ang mga balbula
sa mga galamay nito
. . . . . upang gutumin sa teknikolor, at pagkaraang
magsilbi nang dalawang oras sa tumpok ng dahon
ng mga bata ay marahang
kakanawin ang mga bitamina nito tungo sa lupa.

Upang maging alagad ng sining ng mortalidad.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Vanessa von Wieding @ unsplash.com

Marina, ni T.S. Eliot

Salin ng “Marina,” ni T.S. Eliot ng USA at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marina

Ano ang pook na ito, anong
rehiyon, anong panig ng mundo?

Anong dagat anong pampang anong abong bato at anong isla
Anong tubigan ang kumakandong sa proa
At samyo ng pino at ang pipit ay umaawit sa ulop
Anong hulagway ang nagbabalik
O aking anak.

Silang naghahasà ng ngipin ng áso, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang kumikinang sa kadakilaan ng kulagu, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nakaupo sa bakod sa kaluguran, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nagdurusa sa luwalhati ng mga hayop, na nangangahulugang
Kamatayan

Ay nagiging ampaw, na pinarurupok ng hangin,
Ang hininga ng pino, at ang lawiswis ulop
Na sa kabunyiang ito ay nalulusaw sa pook

Ano ang mukhang ito, malabo-labo at higit na malinaw
Ang pitlag sa bisig, mahina-hina at higit na malakas—
Bigay o hiram? Higit na malayo sa mga talà at kay lapit tingnan

Bulungan at hagikgikan sa mga dahon at nagmamadaling paa
Na nahihimbing. Na tagpuan ng lahat ng tubigan.

Nabiyak na bawpres sa yelo at pinturang inagnas ng init.
Nilikha ko ito, nakalimutan
At nagugunita ko.
Ang marupok na lubid at ang naaagnas na kambas
Sa loob ng isang Hunyo at isa pang Setyembre.
Ang lumikha nitong katangahan, halos malay, lingid, na angkinin ko.

Tumatagas ang tabla ng bangka, dapat tapalan ang mga gilid.
Ang anyong ito, ang mukhang ito, ang buhay na ito
Umiiral para mabuhay sa mundo ng panahong higit sa akin, hayaang
Isuko ang búhay ko sa ganitong búhay, ang wika ko sa di-masambit,
Ang gisíng, bukang labì, ang pag-asa, ang bagong mga barko.

Anong dagat anong pampang anong granateng isla tungo sa aking
. . . . . kahuyan
At ang pipit ay sumisipol paloob sa ulop
Aking anak.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Khamkéo Vilaysing

Ang Sabi ng Epal

Ang Sabi ng Epal

Nasasabik ka rito para sa pagmamahal
sa katwirang mahal ang bayan,
ngunit ang mga tao’y nalilipol
gaya ng libo-libong anay at langgam
nang walang kamuwang-muwang
nang walang kalaban-laban
nang walang taros, walang patawad
kapag sumasalakay ang mga alagad
ng kawalang-batas
at lumulubha ang pulmonya ng bansa.
Lumusog ba ang ekonomiya sa digma
laban sa taumbayan?
Kung bagong lipunan ang pagdurog
sa oligarkiya,
bakit dumarami yata ang iyong kakosa?
tanong ng rumarapidong komentarista.
Ikaw na may karapatan para sa buhay
ay napaglalaho ang mga karapatan
ng lahat ng sumasalungat sa iyo.
Ubusin ang adik at ubusin ang tulak
ay pag-ubos din sa abogado at aktibista,
sa guro at trabahador,
sa alkalde at negosyante,
sa pahayagan at network ng telebisyon,
sa lahat ng kritiko at reklamador,
at kung ang mga ito’y guniguni,
ano’t nasasaksihan namin
sa mga sumisikip na bilangguan
at sa mga katawang tinatakpan
ng mga peryodiko
ang espektakulo ng kabangisan?
Umuurong ang bayag ng mga politiko
sa pambihira mong paninindak,
kaya dumarami ang mga tuta mo’t kuting.
Digma ka nang digma
at nakaiinis na ang talumpati sa mga dukha.
Naubos na ang aming mga luha.
Naubos na ang aming pagtitimpi.
At kung ubos na rin ang pagtitiwala,
bakit magtataka kung ibig ka naming
bumaba mula sa iyong paniniwala
na ikaw ang trono, at sandatahang lakas
ang magtatakda ng iyong pananatili
sa puwesto at singil gaya sa impuwesto?
Mahal mo ang bayan; at ikaw, wika mo,
ang bahala sa iyong masunuring tropa.
Tinuruan mo sila sa yaman ng estadistika
ng mga bangkay, hindi alintana
ang mga naulila at nawasak ang dangal.
Pinalusog mo sila sa mga pangako
ng ayuda at sandata
upang ibalik sa amin ang pagwawakas.
At kapag nagsalita ang batas,
hindi ba ang hukom ay maaaring matodas?
Ikaw na aming tinitingala
ang sapatos na yuyurak sa aming mukha.
Ngunit dahil isa ka ring inutil
sa harap ng barkong Intsik at diplomasya
ng suhol at kawanggawa,
tutulungan ka namin sakali’t magkasakit.
Nararapat sa iyo ang regalong himagsik—
sa anyo man ng karikatura at gusgusing
karatula at pagtiktok kahit sa kubeta,
sa anyo ng apoy at ulan ng mga salita
na gaya nito’y nagtatangkang maging tula.

Alimbúkad: Poetry voice matters. Photo by Chris Curry @ unsplash.com.