Ang Kakatwang Nilalang sa Daigdig, ni Nâzim Hikmet

Salin ng “Dünyanin en tuhaf mahluku,” ni Nâzim Hikmet ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kakatwang Nilalang sa Daigdig

Para kang alakdan, kapatid,
duwag kang namumuhay sa dilim gaya ng alakdan.
Para kang maya, kapatid,
na pumapagaspas gaya ng maya.
Para kang talaba, kapatid,
nakapinid ang takupis at panatag na panatag.
At nakatatakot ka, kapatid,
gaya ng bunganga ng patay na bulkan.

Hindi isa,
. . . . . . . . . hindi lima,
. . . . . . . . . . . .  .  .bagkus milyon-milyon ang bilang mo.

Para kang tupa, kapatid,
kapag itinaas ng nakabalabal na pastol ang patpat,
mabilis kang sumasapi sa kawan
at tumatakbo, halos nagmamalaki, pa-katayan.
Kakatwa kang nilalang sa daigdig
higit na kakatwa sa isda
na hindi makita ang karagatan para sa tubig.

At ang kaapihan sa daigdig na ito
. . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . .ay ipinagpapasalamat mo pa.
At kung tayo man ay nagugutom, pagod, duguan,
at dinudurog na tila mga ubas para maging alak,
kasalanan mo iyan—
. . . . . . . . . .na hindi ko kayang bigkasin—ngunit
ang karamihan ng sala ay dahil sa iyo, kapatid!

Alimbúkad: Uncensored poetry imagination for humanity. Photo by Mita Park.