Ang Anyo
Roberto T. Añonuevo
Tinawag siyang parisukat ngunit kung umasta’y tatsulok
na sindikato ng liwanag tubig buhangin—
nakayayamot unawain gaya ng panghuhula sa darating.
Itinuring siyang kahon ng awtoridad ng kaayusan
at seguridad, binalangkas na bartolina ng sibilisasyon,
gayong inililihim niya ang rebolusyon ng mga planeta.
Silang nakababatid ng kasaysayan at establesidong rikit
ay parang isinilang kasabay at alinsunod sa nahukay
na serye ng mga petroglifo o dambuhalang palasyo,
nagkakasiyá sa subók na taguri, krokis, at lohika,
at hindi nila malunok ang nilalang na sadyang kakaiba.
Bakit siya lapastangan wari at sumasalungat sa batas?
Paano kung maging modelo siya ng umiinom ng gatas?
Ang nagkakaisang salaysay nila ang kuwadro ng simula,
ngunit para sa kaniyang tatlo ang tinig at apat ang panig
bukod sa angking olográfikong hulagway kung paiikutin,
ang larawan niya ay kombinasyon ng wagás-lagás-gasgás,
nililikha paulit-ulit imbes na ituring na Maylikha,
hinuhugot mula sa laboratoryo ng mga eksperimento,
sinusubok itanghal patiwarik pana-panahon,
sinisinop itinatago itinatapon kung saan-saan,
banyaga sa takdang moralidad ngunit malalahukan
ng sagradong likido at linyadong pananalig,
ang bantulot na pedestal na walang sinasanto
at humuhulagpos sa arkitektura ng bahay kubo,
at sumusuway sa ningning at pagsamba sa mga bituin.
Habang lumalaon, dumarami ang kaniyang pader:
oktagono ng kagila-gilalas na diyamante
at kulang na lámang na lapatan ng mga numero,
pala-palapag na palaisipan, o zigzag ng paglalakbay.
Kahit siya’y nagsasawà na sa tadhanang nahahalata;
at ang gayong kapalaran ang kaniyang ikinababahala.
Ituring siyang itim at magpapaliwanag ng bahaghari.
Ituring siyang puti at maglalantad ng pagkakahati.
Sakali’t uyamin muli siyang parisukat ng awtoridad,
hahagikgik na lámang siya at magiging mga tuldok—
tumatakaták—na parang pagsasabi nang tapat at payak.
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Kian Chow @ unsplash.com