Pananabik
Roberto T. Añonuevo
1
Ang pananabik ay naikukubli sa paghuhugas ng pinggan
at baso, na tila hindi maubos-ubos doon sa lababo.
Magmamantika ang mga palad mo, at iisipin na lámang
na ang bulâ ng sabon ay balikbayan mula sa ibayo.
2
Ang pananabik ay walang espasyo at panahon.
Minsan, nagpapakita ito sa gitna ng trabaho,
nagbibihis ng papeles na tambak sa harap mo.
Ngunit kay gaan ng iyong puso sa ritmo ng daigdig.
3
Ang pananabik ay napakahaba, napakabagal
na pila, na parang isang kilometrong sawá,
at kung ikaw ang nasa dulo ng buntot,
maiisip ang walang katuparang pangako—
gaya ng mula sa politiko na ibinulsa ang ayuda.
4
Magpapahaba ka ng buhok dahil sa labis na inip,
at di-alintana kung pumuti ang bigote o balbas.
Ngunit kapag sumusuot sa guniguni ang inaasam,
pipiliin mong maging hubad at kalbong naglalakad,
na parang iyon na ang pangwakas na araw
ng lahat ng salon at barberya.
5
Naantalang kartero o sulatroniko ang pananabik.
Silip ka nang silip mula sa bintana,
at bumubungad sa paningin mo ang mga sáko
ng basurang hahakutin ng mga basurero.
Maiinggit ka, sapagkat hindi ikaw ang hinakot nila.
6
Kapag may narinig kang eroplanong nagdaan,
ang akala mo’y dumating na ang hinihintay.
Maririnig sa iyo ang paboritong “Sana, sana. . . “
at hindi na muling manonood ng Koreanobela.
Bakit luluha kung sakali’t wala ang sinisinta?
7
Nakababaliw ang pananabik, kayâ naititindig
ang pinangarap na bahay,
at nakalilikha ng hardin ng mga gulay o bulaklak.
Magninilay ka sa inilatag na mga graba sa daan,
sa munting talón malapit sa pader,
at kapag may naligaw doon na paruparo o maya
magpaparaya ka sa kanilang pulut-gatâ—
na parang ikaw ang Bathala nilang lumuluha.
8
May samyo ng umaasóng sinaing ang pananabik.
Nakahanda ang hapag-kainan at naghihintay.
Susulyapan mo ang selfon at magkukunwari
na ang mahal ay dumating, at ngayon ay kapiling.
9
Mabibigo kang itala sa isip ang iyong pananabik.
Susulat ka nang susulat, kahit sa sahig o dingding,
para tawagin bilang sining,
para tawagin bilang tula,
at lilikha ka ng libong talinghaga hindi man makata.
Sapagkat siya ang iyong walang hanggang pag-ibig.
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Jack Sloop @ unsplash.com
Napakagandang tula, sir! Napansin ko lang po iyong ikalawang taludtod mula po doon sa ikalimang saknong. Iyon po ba ay dapat na “silip ka nang silip” sa halip na “silip ka nang silid”? Ang ganda pong imahen. Iyan po ang pinakapaborito kong saknong.
Salamat po sa mga tula at salin ninyo, sir. Mabuhay!
LikeLike
Tama ka, Marvin. Salamat at nakita mo ang tipograpikong mali sa aking teksto. Binago ko na, at makaaasa kang higit na akong mag-iingat sa pagtipa.
LikeLike
Ay, walang anuman po. Lagi po akong nakasubaybay sa mga sulatin ninyo dito, Sir. At nagpipilit po, kahit paanong masundan ang iba pang manunulat sa Filipino na di ko po natutuhan noong nag-aaral pa sa hay-iskul at kolehiyo. May kopya po ako ng aklat ninyong Liyab sa Alaala. Totoo po ang sabi ni Almario, napakatahimik po ninyong makata. Taon po yata ang aabutin lalo na ng gaya kong baguhan lámang sa pagbása ng panitikang Filipino bago mapaglimian ang isang aklat ng tula na gaya po ng likha ninyo. Maganda pong ehersisyo para magpatalas ng pandamdam.
Salamat, Sir sa pambihira’t ’di-matatawarang pagsisikap.
LikeLike
Walang anuman, Marvin. At asahan mong ipagpapatuloy ko ang sinimulang himagsikan sa himpapawid, para palaganapin ang henyo ng wikang Filipino, mula man sa panitikang Filipinas o panitikang pandaigdig.
LikeLike