Awit, ni António Botto

 Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Awit
  
 Umaalimbúkad ang lupain
 sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
  
 Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
 ang pandama para umibig:
 ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
 ng isang ngumingiti habang kumakanta.
  
 Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
 na naglalaro sa damuhan
 at sa mga kahuyan
 na hitik at mayamungmong,
 sariwa, mumunting supling ng dahon
 na nagpapatalbog ng liwanag,
 pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
 Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
 na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
  
 Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
 at may banayad na dibinong
 himig na lumulukob nang walang tinag
 sa mukha ng mga bagay.
  
 Nagbabago ang mga mundo—
 at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
  
 Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
 at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi. 
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com

Magnanakaw, ni Miyazawa Kenji

Salin ng tula sa Hapones ni Miyazawa Kenji ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Magnanakaw
 
Papusyaw pa lámang noon sa madaling araw
         ang mga bituin ng Kalansay:
Habang binabagtas ang nabibiyak na ningning
         ——ang nagsayelong putik——
ang magnanakaw na kumuha ng plorerang
        porselana mula sa tindahan
ay biglang inihinto sa paghakbang ang mahahaba, 
itim na binti, nagtukop ng kaniyang mga tainga,
at pinakinggan ang hugong sa kaniyang isipan.
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Pixabay on Pexels.com

Alak, ni Roberto T. Añonuevo

Alak
 
Roberto T. Añonuevo
 
Malalanghap ang mansanas, peras, at ubas,
ang pambihirang sebada na magluluwal
ng malta,
ang salamangka ng tubig sa lihim na batis
mula sa islang malayo sa paningin—
gaya sa pawis ng mga obrero’t trobador.
 
Pinahinog sa bariles ng pinong robledo,
ito ngayon ang ipinasusubasta sa madla
para tikman ng mga pribilehiyado o lasenggo
at pag-imbutan sa negosyo at elegansiya.
 
Maisasalin sa baso ang komunidad
ngunit mabubura ang karukhaan,
at liligwak sa isip ang langit, ang koleksiyon
ng pulang alak na edad pitumpu’t apat.
 
Isang milyong dolyar marahil ang katumbas,
matanda pa sa akin ngunit buháy na buháy,
magpapasulak ng dugo,
magpapatigas ng uten,
magpapaputok ng bátok,
ngunit makapapasá sa dila ng mga konosedor.
 
Paano ito nakaligtas sa digma, salot, tagsalat?
 
Sasagutin iyan ng espiritung maglalandas
sa lalamunan at maiiwan sa hininga,
palalawigin ng mga kuwento
at pakikipagsapalaran kahit kabulaanan,
ngunit kung ano man ang kasaysayan nito
ay hayaan para sa naghuhukay ng kalansay.
 
Nalilikha ang alak para malasing ang mga diyos
at sila’y minsan pang magbalik na mortal
o ito’y hakang marapat na ipawalang-saysay.
 
Kapag iniharap ang matandang wisking ito
sa aking lambanog na hinog na hinog,
ang suwabe ay sagradong niyugan at palaspas,
ang nunal na hindi mabura-bura ng mababangis
na bagyo, sakit, at pananakop
bagkus ay patuloy na bumabangon, tumatatag——
mula sa liblib na baybay o dalisdis ng bundok,
mula sa mga bisig na kumakarit ng mga bituin,
mula sa mga binting nanunulay sa alanganin,
mula sa mga himig na sumasayaw sa guniguni,
mula sa pag-asang subók sa iba’t ibang simoy.
 
Nakapapasò ang guhit at sumisipa
nang marahan,
ang lambanog na ito pagkalipas ng isang siglo
ay epiko ng komunidad na babalik-balikan ko.
Alimbúkad: Unspoken poetry imagination. Photo by Elina Sazonova on Pexels.com

Liham mula sa Pamayanan ng Ibon para sa Butihing Alkalde, ni Usman Awang

Salin ng “Surat Dari Masyarakat Burung Kepada Datuk Bandar,” by Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Liham mula sa Pamayanan ng Ibon para sa Butihing Alkalde
 
Mahal na Butihing Alkalde,
kami, na kapisanan ng mga ibon, ay tumawag ng pulong
isang maaliwalas na umaga
sa bubungan ng abandonadong gusali ng Batasan.
 
Bawat isa’y nagpasugo ng matalas ang isip,
maliban sa mga uwak, dahil labis silang abala
sa pagdadalamhati sa kanilang mga mahal, na binaril
at inanod ang mga bangkay sa Ilog Kelang.
 
Dumating ang mga piling panauhin bilang mga saksi,
isang delegasyon ng mga paruparo,
na pawang sangkot sa usapin.
 
Mahal na Alkalde,
bagaman wala kaming kapangyarihang ihalal ka
yamang ang prangkisa ay hindi para sa mga ibon,
pinupuri ka pa rin namin dahil sa iyong pangako
na bumuo ng Lungtiang Lungsod.
 
Ay, nilapastangan nila ang lungtiang kalikasan
upang sambahin ang kulay ng dolyar;
nang maging kongkreto ang putikang Kuala Lumpur,
kaming mga ibon ay tahimik na nagdurusa.
Napisâ ang tariktik nang mabagsakan ng punò;
niloko si Merbuk ng nagngangalang Padang Merbuk.
Habang siya at mga kauri niya’y bilanggo sa hawla
ang delegasyon ng mga pipit ay nagpoprotesta
laban sa uyam na palaman ng iyong kawikaan:
“Ang paking na pipit ay magugutom sa tag-ulan.”
Nadarama ng kapuwa pipit at punay
na hindi angkop sa inyong banggitin pa
ang maseselang bahagi ng katawan
sa katumbas nitong taguri, yamang batid ninyong
ang inyong pipit at punay ay hindi nakalilipad.
(Nasaktan po ang aming kalooban
habang pinatatayog ninyo ang sariling kabunyian.)
 
Mahal na Butihing Alkalde,
hiling ng liham na ito na sa bisa ng inyong dunong
ay pangalagaan ang bawat sanga, bawat ugat,
bawat dahon, bawat talulot, bawat bulaklak,
dahil yaon ang kanlungan namin sa paglipas ng siglo,
at ang mga ito rin ang makatutulong sa tao,
makapagpapalusog sa kaniya at magdudulot ng saya,
ng kapayapaan ng isip;
at hayaang ang kalikasan at iba’t ibang rikit
ay mamukadkad sa tanglaw ng maningning na araw.
Alimbúkad: World poetry translation project unlimited. Photo by Somya Dinkar on Pexels.com

Oras, ni Roberto T. Añonuevo

Oras
 
Roberto T. Añonuevo
 
Nag-iimpok ng luha ang gabi,
kumukuliglig nang walang humpay
sa abandonadong hardin,
waring ibinubulong
ang aking pangalan,
at pumukaw ka sa aking pag-iisa
nang buklatin ko ang mga retrato
sa aking alaala:
 
Isang lungsod na halos isang milyon
ang populasyon,
ngayon ay parang multong naglalakad
sa kalyeng katumbas ng sampung
siksikang ospital.
 
Wari ko’y nagasgas ang aking puso.
 
Umaalulong ang mga askal——
marahil sa gutom, marahil sa simoy.
Nagkalat ang mga tuyong dahon
sa aking paanan,
at nang tingnan ko ang relo
ay parang magugunaw ang mundo.
 
Humahagibis ang ambulansiya,
sumisigaw ang masipag na sirena,
parang pinauuwi ako, pinauuwi
sa kung saang destinasyon,
ngunit nang sumilay ang ngiti mo
sa aking balintataw,
naglaho ang kilabot ng pagpanaw.
 
Nahihilam ang mga mata sa pagod,
hindi tulad ng titig mong humahagod.
Naaamoy ko sa malayo
ang bagong lutong pansit bato;
at marahil, kung naririto ka,
may isang tasa ng umaasóng kape
ang naghihintay sa rabaw ng mesa.
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Engin Akyurt on Pexels.com

Ang Salaysay ng Templo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Salaysay ng Templo
 
Roberto T. Añonuevo
 
Kung paano nakapagsasalita ang templo
ay maaaring naitala noon ni Vyasa
at naging talinghaga mula sa lumilipad
na vimana at ugat ng laksang bathala:
Isda na lumalangoy sa kalawakan ng wala,
ang isdang naging huklubang pawikan,
at pawikang naging maliksing daga,
ang matatakuting dagang naging leon
at leon na nagbanyuhay na unggoy,
ang punong unggoy na naging tao,
ang tao na lumaboy na mangangaso,
ang mangangasong naging magsasaka,
ang magsasakang umangat na diktador.
Ang diktador, na kakatwang kahawig mo,
ay naging hunyango ang balát o kapisanan
(dilaw noon at berde mag-isip ngayon)
na tila biro ng masamang panahon.
Dumarami ang kaniyang galamay bawat saglit
at kumukulimbat ng mga planeta at bituin,
ang mga galamay ng tila pugitang dihital
sa loob ng utak na kabesado
ang milyon-milyong kahon at padron
ngunit nakalilimot sa taglay na puso
na wari bang pagbabalik ni Kalki
na lumabas sa antigong batong orasan.
Ang orasan ang huhula ng kalkuladong wakas
ng mga bulok, marahas, at gahaman;
at magsasauli ng katwiran at katarungan
sa paglalakbay tungo sa bagong kalawakan.
Hindi ka man si Darwin ay muling mamamangha
kung paano nakapagsasalita ang templong ito.
Alimbúkad: World-class Filipino poetry. Photo by Navneet Shanu on Pexels.com

Barkadang Lasing, ni Rumi

Salin ng tulang “ورلا Pقاس” [Drunken Brothers]  ni Rumi (Muhammad Jalal al Din al-Balkhi), batay sa bersiyong Ingles nina Nesreen Akhtarkhavari at Anthony A. Lee /
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Barkadang Lasing
 
Ikaw na humamak sa bilog na buwan
Pumunta ka rito at ako’y sinagan.
Ikaw na nagbuhos ng nektar sa diwa,
Halika, at ako’y lasingin sa tuwa.       
Ilabas ang alak, uminom nang sagad
Hanggang maabot ta ang sukdol na sarap.
Huwag kang huminto’t tunggain ang tamis,
nang malasing tayong parang magkapatid.
Sa labis kong lasing, ngalan mo’y nalimot
At hindi nakita ang mukhang kay lugod.
Ako ay naliglig sa iyong hiwaga’t
Sinagip ng alak sa lungkot at hiya.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kelly Lacy on Pexels.com

Ayaw ng Gulo, ni Luis Chaves

Salin ng “En son de paz,” ni Luis Chaves ng Costa Rica  /  Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ayaw ng Gulo

Nakaaakit ang magandang araw upang plantsahin ang aking maong na pantalon. Nakaaakit ang isang magandang araw upang putulin hanggang tuhod ang pantalon. “Galit sa atin ang mga impresór,” sabi ni Isabella.  “Isabella,” tugon ko, “anong gandang aporismo o anuman. Masama ang naiisip ko sa mga tao na naglulustay ng oras sa písina nang hindi man lang natitigmak ang mga ulo. Gaya mo. Gaya ko.”

Pinagbukod tayo ng liwanag at ng tunog ng paghinga sa ilalim ng tubig. O sa ilalim ng puso. O sa mga impresór. Ay, ang salitang hinahanap-hanap ko kanina’y “apotegma.”

Ayaw ko ng gulo, pagdaka’y nagbago ang isip.

Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Bago Sumapit ang Bagyo, ni Louise Glück

Salin ng “Before The Storm,” ni Louise Glück ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Bago Sumapit ang Bagyo
 
Uulan búkas, ngunit maaliwalas ngayong gabi ang langit,
kumikinang ang mga bituin.
Gayunman, darating ang ulan,
at sapat marahil para lunurin ang mga binhi.
Hayun ang habagat mula sa laot na itinutulak ang mga ulap;
Ngunit bago mo makita yaon, madarama ang simoy.
Mabuting tanawin ngayon ang kabukiran,
tingnan ang anyo nito bago lumubog sa baha.
 
Kabilugan ng buwan. Kahapon, nagtago ang tupa sa kahuyan,
at hindi lámang basta tupa—ang barako, ang buong hinaharap.
Kapag nakita muli natin ito, tanging kalansay ang masisilayan.
 
Lumawiswis ang mga damo; tumawid marahil doon ang hangin.
At nangatal sa parehong paraan ang mga bagong dahon ng olibo.
Mga daga sa kabukiran. Kung saan naninila ang tumánggong
ay doon din matatagpuan ang dugo sa damuhan.
Ngunit ang bagyo—huhugasan ng bagyo ang lahat ng iyon.
 
Sa tabi ng isang bintana, nakaupo ang isang bata.
Maaga siyang pinatulog—napakaaga,
at iyon ang kaniyang kuro. Kayâ umupo siya sa may bintana—
 
Lahat ay panatag ngayon.
Kung nahan ka ngayon ay doon din matutulog, at magigising sa umaga.
Nakatirik na parola ang bundok, upang ipagunita sa gabi na umiiral
ang daigdig, na hindi ito dapat ibaon sa limot.
 
Sa ibabaw ng dagat, namumuo ang dagim at bumubugso ang hangin,
binabasag ang mga ulap, binibigyan ng wari’y dahilan.
 
Búkas, hindi sasapit ang madaling-araw.
Hindi na babalik na langit ng araw ang langit; maghuhunos itong gabi,
maliban sa kukupas ang mga bituin at maglalaho pagsapit ng bagyo,
at tatagal marahil hanggang sampung oras.
Ngunit ang daigdig gaya noong dati ay hindi na magbabalik.
Isa-isa, ang mga ilaw sa nayon ay kukulimlim
at niningning sa dilim ang bundok na may bumabandang sinag.
 
Wala ni ingay. Tanging mga pusa ang naghaharutan sa pintuan.
Naaamoy nila ang simoy: panahon para lumikha ng iba pang pusa.
Pagkaraan, maglalagalag ang mga ito sa kalye, ngunit ang samyo
ng hangin ay bubuntot sa kanila.
Gayundin sa kabukiran, na nalito sa amoy ng dugo,
bagaman ngayon tanging simoy ang umaahon; pinaghunos
na pinilakan ng mga bituin ang bukid.
 
Kay layo man sa dagat, natutunugan pa rin natin ang signos.
Isang nakabukas na aklat ang gabi.
Ngunit ang daigdig na lampas sa gabi ay nananatiling mahiwaga.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kat Jayne on Pexels.com

Hinggil sa Karahasan, ni Bertolt Brecht

Salin ng “Über die gewalt,” ni Bertolt Brecht ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Hinggil sa Karahasan
 
Tinaguriang marahas ang rumaragasang batis
Ngunit ang kama ng ilog na kumukulong dito
Ay hindi tinatawag na marahas ng sinuman.
 
Ang bagyong nagpapayuko sa mga adebul
Ay maluwag na tinatanggap na marahas
Ngunit paano naman tatanawin ang bagyo
Na nagpapakuba sa mga manggagawa sa kalye?
Alimbúkad: No to dictatorship. No to Martial Law. Yes to Filipino. Yes to poetry. Photo by Emre Kuzu on Pexels.com