Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo
Tumilaok ang limampung tandang sa bakuran ng aking umaga, at parang magigiba ang bahay sa pagtawag sa aking pangalan. “Meron! Wala! Meroooon! Walaaaaa!” Ito ang sandali sa pagkilatis sa balahibo. Limampung tandang at limampung agahan ay limampung soltada ng pakikipagsapalaran ang naglalaro sa aking gunam-gunam. Malilimot ko ang pamilya at pangalan na parang iglap na paglipad at pagpupog, upang pag-uwi ay makapagpatayo ng bahay at makapagbalato sa mahabang pila na umaasa sa ayuda. Sa limampung sabungan, ilang kombinasyon ng parada ang maibibigay sa aking mga manok? Ay! Limampung pares ng pakpak. Limampung tari. Limampung tuka. Limampung sabungerong nakaaamoy ng pang-ilalim at pilay, ako na mukhang dehado ay kutob ang liyamado sa libong dibersiyon mula sa lingguhang pagdalaw ng mga tahor. Hindi ko maramdaman ang gutom, hindi gaya ng aking mga bulik, ngunit ang pananabik, kahit sa pinapatos na tupada, ay higit sa alak na nakaaadik. Susubaybayan ko ang bawat bitaw, hindi man batikang sentensiyador; at magtitiwala nang palihim sa potograpikong memorya ng kumpareng kristo—na nakapako wari sa akin ang mga paa at mata.
(Salamat kay Tatang Temyong)
