Salin ng “Funeral Blues,” ni W.H. Auden ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Kundiman Libing
Itigil ang orasan, putlin ang telepono
Sawayin mo ang aso at alukin ng buto;
Busalan ang piyano at sa sikil na tambol,
Nagluluksa’y tawagin — ilabas ang ataul.
Eroplano’y hayaang lumipad, umatungal
At isulat sa langit na Siya ay Namatay,
Kalapati’y damitan ng láso na makutim
Ipasuot sa pulis ang guwantes na itim.
Siya ang aking timog, at silangan, hilaga,
At kanluran, trabaho, at araw sa paggala,
Ang hápon, hatinggabi, huntahan ko at awit;
Mali ang akala ko: Walang wakas umibig.
Mga tala’y patayin at di na kailangan;
Isilid pa ang buwan at baklasin ang araw;
Ibuhos yaong dagat at hiklatin ang gubat;
Wala na ngayong bagay ang hihigit, sasapat.
Alimbúkad: Empowering Filipino language through translation. Photo by Rene Asmussen on Pexels.com