Oras
Roberto T. Añonuevo
Nag-iimpok ng luha ang gabi,
kumukuliglig nang walang humpay
sa abandonadong hardin,
waring ibinubulong
ang aking pangalan,
at pumukaw ka sa aking pag-iisa
nang buklatin ko ang mga retrato
sa aking alaala:
Isang lungsod na halos isang milyon
ang populasyon,
ngayon ay parang multong naglalakad
sa kalyeng katumbas ng sampung
siksikang ospital.
Wari ko’y nagasgas ang aking puso.
Umaalulong ang mga askal——
marahil sa gutom, marahil sa simoy.
Nagkalat ang mga tuyong dahon
sa aking paanan,
at nang tingnan ko ang relo
ay parang magugunaw ang mundo.
Humahagibis ang ambulansiya,
sumisigaw ang masipag na sirena,
parang pinauuwi ako, pinauuwi
sa kung saang destinasyon,
ngunit nang sumilay ang ngiti mo
sa aking balintataw,
naglaho ang kilabot ng pagpanaw.
Nahihilam ang mga mata sa pagod,
hindi tulad ng titig mong humahagod.
Naaamoy ko sa malayo
ang bagong lutong pansit bato;
at marahil, kung naririto ka,
may isang tasa ng umaasóng kape
ang naghihintay sa rabaw ng mesa.
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Engin Akyurt on Pexels.com