Salin ng “Surat Dari Masyarakat Burung Kepada Datuk Bandar,” by Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoLiham mula sa Pamayanan ng Ibon para sa Butihing Alkalde
Mahal na Butihing Alkalde,
kami, na kapisanan ng mga ibon, ay tumawag ng pulong
isang maaliwalas na umaga
sa bubungan ng abandonadong gusali ng Batasan.
Bawat isa’y nagpasugo ng matalas ang isip,
maliban sa mga uwak, dahil labis silang abala
sa pagdadalamhati sa kanilang mga mahal, na binaril
at inanod ang mga bangkay sa Ilog Kelang.
Dumating ang mga piling panauhin bilang mga saksi,
isang delegasyon ng mga paruparo,
na pawang sangkot sa usapin.
Mahal na Alkalde,
bagaman wala kaming kapangyarihang ihalal ka
yamang ang prangkisa ay hindi para sa mga ibon,
pinupuri ka pa rin namin dahil sa iyong pangako
na bumuo ng Lungtiang Lungsod.
Ay, nilapastangan nila ang lungtiang kalikasan
upang sambahin ang kulay ng dolyar;
nang maging kongkreto ang putikang Kuala Lumpur,
kaming mga ibon ay tahimik na nagdurusa.
Napisâ ang tariktik nang mabagsakan ng punò;
niloko si Merbuk ng nagngangalang Padang Merbuk.
Habang siya at mga kauri niya’y bilanggo sa hawla
ang delegasyon ng mga pipit ay nagpoprotesta
laban sa uyam na palaman ng iyong kawikaan:
“Ang paking na pipit ay magugutom sa tag-ulan.”
Nadarama ng kapuwa pipit at punay
na hindi angkop sa inyong banggitin pa
ang maseselang bahagi ng katawan
sa katumbas nitong taguri, yamang batid ninyong
ang inyong pipit at punay ay hindi nakalilipad.
(Nasaktan po ang aming kalooban
habang pinatatayog ninyo ang sariling kabunyian.)
Mahal na Butihing Alkalde,
hiling ng liham na ito na sa bisa ng inyong dunong
ay pangalagaan ang bawat sanga, bawat ugat,
bawat dahon, bawat talulot, bawat bulaklak,
dahil yaon ang kanlungan namin sa paglipas ng siglo,
at ang mga ito rin ang makatutulong sa tao,
makapagpapalusog sa kaniya at magdudulot ng saya,
ng kapayapaan ng isip;
at hayaang ang kalikasan at iba’t ibang rikit
ay mamukadkad sa tanglaw ng maningning na araw.
Alimbúkad: World poetry translation project unlimited. Photo by Somya Dinkar on Pexels.com