Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoAwit
Umaalimbúkad ang lupain
sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
ang pandama para umibig:
ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
ng isang ngumingiti habang kumakanta.
Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
na naglalaro sa damuhan
at sa mga kahuyan
na hitik at mayamungmong,
sariwa, mumunting supling ng dahon
na nagpapatalbog ng liwanag,
pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
at may banayad na dibinong
himig na lumulukob nang walang tinag
sa mukha ng mga bagay.
Nagbabago ang mga mundo—
at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi.
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com
Napakahuhusay ng mga salin Sir. Salamat po at malaking bagay ito sa kursong Pagsasalin ng mga medjor sa Filipino
LikeLike
Ginagawa ko talaga ang pagsasalin para makatulong sa mga estudyante at guro. Gamitin ninyo ito sa inyong mga pag-aaral.
LikeLike