Anggulo, ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Asul na paningin sa kayumangging talukap, na binagayan ng malalantik pilik na itim at lilang kilay, bukod sa ilong na mamula-mula sa mapusyaw na puting pisngi at pink na labì, bakit ka dumidilat na sugat kapag tinamaan ng sinag ngayong nasa harap ko’t minamasdan? Bahaghari ang mukha mo kung iibigin, nasa pagitan ng payaso at supermodel, ngunit walang aasahang gusi ng ginto sa magkabilang dulo. Kapag nakukutuban kong umuulan sa iyong kalooban, waring abo ang lahat sa paligid. Abo ako, at abo ikaw, at sa isang iglap, ang newtral na kulay ay kawalan ng sinag. Kung isinilang akong bulag, ang masasalat ko’y walang hanggang dilim na kumakain at nagsisilang sa akin, ang isasaharaya kong orihinal na kulay mo rin na tangi kong alam, at marahil, magiging banyaga sa akin kung sumapit ang liwanag at pumutok ang selebrasyon ng mga kulay, mula man sa iba o sa iyong mga mata, na sa aking palagay ay mahirap ngunit dapat kong makilala.

Alimbúkad: Pure poetry passion unleashed. Photo by Ramona Duque on Pexels.com

Kundiman Libing, ni W.H. Auden

Salin ng “Funeral Blues,” ni W.H. Auden ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Kundiman Libing
 
Itigil ang orasan, putlin ang telepono
Sawayin mo ang aso at alukin ng buto;
Busalan ang piyano at sa sikil na tambol,
Nagluluksa’y tawagin — ilabas ang ataul.
 
Eroplano’y hayaang lumipad, umatungal
At isulat sa langit na Siya ay Namatay,
Kalapati’y damitan ng láso na makutim
Ipasuot sa pulis ang guwantes na itim.
 
Siya ang aking timog, at silangan, hilaga,
At kanluran, trabaho, at araw sa paggala,
Ang hápon, hatinggabi, huntahan ko at awit;
Mali ang akala ko: Walang wakas umibig.
 
Mga tala’y patayin at di na kailangan;
Isilid pa ang buwan at baklasin ang araw;
Ibuhos yaong dagat at hiklatin ang gubat;
Wala na ngayong bagay ang hihigit, sasapat.
Alimbúkad: Empowering Filipino language through translation. Photo by Rene Asmussen on Pexels.com

Kaluluwang Itim, ni Monique Ilboudo

salin ng “Black Soul,” ni Monique Ilboudo ng Burkina Faso
salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Kaluluwang Itim
 
Itim at babae
batid ng diyos
kung ako’y may kaluluwa
 
lalaki at babae
Sino ang nakababatid
kung ako’y may kultura
 
mayroon o wala mang kaluluwa
Batid kong
ako’y umiiral
 
mayroon o wala mang kultura
Batid ko
kung sino ako
Alimbúkad: World poetry imagination. Photo by Jackson David on Pexels.com

Pintakasi

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Tumilaok ang limampung tandang sa bakuran ng aking umaga, at parang magigiba ang bahay sa pagtawag sa aking pangalan. “Meron! Wala! Meroooon! Walaaaaa!” Ito ang sandali sa pagkilatis sa balahibo. Limampung tandang at limampung agahan ay limampung soltada ng pakikipagsapalaran ang naglalaro sa aking gunam-gunam. Malilimot ko ang pamilya at pangalan na parang iglap na paglipad at pagpupog, upang pag-uwi ay makapagpatayo ng bahay at makapagbalato sa mahabang pila na umaasa sa ayuda. Sa limampung sabungan, ilang kombinasyon ng parada ang maibibigay sa aking mga manok? Ay! Limampung pares ng pakpak. Limampung tari. Limampung tuka. Limampung sabungerong nakaaamoy ng pang-ilalim at pilay, ako na mukhang dehado ay kutob ang liyamado sa libong dibersiyon mula sa lingguhang pagdalaw ng mga tahor. Hindi ko maramdaman ang gutom, hindi gaya ng aking mga bulik, ngunit ang pananabik, kahit sa pinapatos na tupada, ay higit sa alak na nakaaadik. Susubaybayan ko ang bawat bitaw, hindi man batikang sentensiyador; at magtitiwala nang palihim sa potograpikong memorya ng kumpareng kristo—na nakapako wari sa akin ang mga paa at mata.

(Salamat kay Tatang Temyong)

Alimbúkad world-class prose poetry from Filipinas. Photo by Vincent Tan on Pexels.com

Pagtanaw, ni Rudolf Arnheim

Salin ng bahagi ng “Parables of Sun Light: Observations on Psychology, the Arts, and the Rest,” ni Rudolf Arnheim ng Germany at United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagtanaw

Nakikita natin ang mga kapuwa tao na pinakikilos ng kaluluwa, at samakatwid ang mga organ ng katawan ay sinasagap hindi bilang pisikal bagkus pangkaisipang funsiyon. Ang mga mata ay hindi gumagalàng sipat ng kamera bagkus isipang naghahanap, natatakot, nagnanasa. Ang bibig ay hindi butas para sa paglunok ng pagkain bagkus isipang ngumingiti, nayayamot, humuhubog na mga salita. Ang mga kamay ay isipang nagtuturo, nagpapabulaan, nangangasiwa, nagsisiyasat. Halos imposible para sa karaniwang tao na makita ang mga súso ng babae bilang mamíferong glandulang nakakabit sa katawan. Ang mga ito’y kambal na proa na pumapaspas, ang isipang umaabot pasulong sa sukdulang sigla (ex uberis). Natatangi ang titi sa pagkamalaya ng pagkukusa nito. Taliwas sa mga kamay at paa, ito ay hindi instrumento na ginagabayan ng isip sa utak ngunit may sariling isip, na nakapaloob sa isang udyok at intensiyon. Kaya kalokohan ang taguring nakatuon lámang ito sa iisang layon at gawi na halos hindi makatao.

7 Hulyo 1972

Support Alimbúkad World Literature Translation Project. Spread the word. Expand the world.