Salin ng “Nyanyian duniawi,” ni W.S. Rendra ng Indonesia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Makalupang Himig
Habang katabi ng ubaning mayamang babae ang buwan,
hinihimas ko naman ang isang dalaga sa manggahan.
Ilahás at maalab ang kaniyang puso
na káyang yapakan at lapastanganin ang gutom at uhaw.
Dahil sa labis na kahirapan ay sinikap naming abutin
ang dilim at inihiyaw ng aming anino ang alab ng himagsik.
Ang kaniyang mabagsik na halakhak
ay lalo lámang ikinalugod ng aking dibdib.
Sa lilim ng mga punongkahoy
ay kumikislap ang kaniyang katawan
gaya ng bulawang usa.
Ang kaniyang namumurok na súso
ay bagong pitas na manibalang na bunga.
Ang halimuyak ng kaniyang katawan
ay gaya ng sariwang mga damo.
Niyakap ko siya
nang tila yumayapos sa búhay at kamatayan,
at ang kaniyang mabilis, humahabol na paghinga
ay mga bulóng sa aking tainga.
Namanghâ siya
sa bahagharing nasa ilalim
ng may tabing na talukap ng mga mata.
Ang aming sinaunang mga ninuno’y
nagsilitaw sa gitna ng karimlan,
lumapit nang lumapit sa amin
at suot ang gulanit na mga damit,
sakâ tumalungkô
habang kami’y matamang pinagmamasdan.
Alimbúkad: Poetry passion typhoon. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com