Salin ng “Shapes,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Mga Hugis
kung ang mga puso’y
may hugis lámang ng mga bituin
at káyang maghayag ng kalidad
ng bituing-dagat
upang pasuplingin muli
ang naglahong bahagi
sa sandaling ito’y mabakli
Salin ng “Love You to Life,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Sabik Magmahal
Heto ang aking mga lalaki.
Makasarili ako sa piling nila
at labis na mapagsanggalang
sa atas ng pangangailangan.
Nanaisin kong sabihin nilang
ibig nilang mabuhay para sa akin
kaysa mamatay para sa akin.
Mamahalin ko sila habambuhay
hangga’t makakaya ko.
At kung hahayaan nila ako’y
itatrato sila nang mabuting-mabuti.
Bubusugin sila ng pagkain habambuhay
at iibigin nang hindi nila naranasan noon.
Ngunit malimit nila akong iniiwan
kayâ mahigpit akong nakakapit sa isa
hanggang maglaho rin siya.
Alimbúkad: Rebuilding life through poetry. Photo by Mark Walz on Pexels.com