Ang Araw, ni Roberto T. Añonuevo

 Ang Araw
  
 Itinitindig sa rabaw ng palad
 ang mga templo, at kung ito’y mito,
 nagaganap ang lahat sa kisapmata.
 Inilaan laban sa lindol at bagyo,
 o mababagsik na digma at salot,
 ang kagila-gilalas na impraestruktura
 ang magiging anyo mo
 at magiging amo ng susunod sa iyo:
  
 Planado ang mga haliging tugmâ’t sukát,
 na tinuklas marahil ni Pingala
 sa balangkas ng Maatra Meru,
 para itong reenkarnasyon o kombinasyon
 ni Hemachandra at ni Balagtas
 sa laberinto ng mauulap na payëw,
 inaagusan ng batis ng sinaunang lingam
 ngunit pagsusumundan gaya sa Darangën
 at balagtasan.
  
 Ang mga salita sa iyong mga kamay
 ay mamamatay at mabubuhay
 o mabubuhay at mamamatay
 nang paulit-ulit,
 madaragdagan, mababawasan
 ng libo-libong pahiwatig,
 ng libo-libong pakahulugan,
 mahuhulaan, at magiging muhon,
 hanggang suwayin muli ang wakas.
  
 Ang mga templo ay kukuyumin mo,
 at maglalaho nang kung ilang siglo—
 upang sa takdang araw
 ay muling sumilang sa ngalan mo,
 maalindog at imperyal,
 at itanghal sa isang pagdiriwang
 na susulatin kong epiko para sa iyo. 
Alimbúkad: Poetry passion unlimited. Photo by Chevanon Photography on Pexels.com