Fischer Random Thoughts
ni Roberto T. Añonuevo
1
Ang daigdig ay hindi tatsulok o bilog
bagkus animnapu’t apat na parisukat
sa loob ng daigdig na parisukat.
At sa loob nito ay umiiral ang mga prinsipyo
at batas na hindi dapat mabali
gaya ng utos ng hari.
2
Lumilipas ang panahon, at kung nagninilay
kang gaya ng nasa loob ng kahon
ay dapat magsimulang magtanong,
halimbawa,
kung bakit karaniwan ang henosidyo
o pagpapatiwakal.
3
Ang daigdig ay dalawang kaharian
ngunit magwawakas sa isang
kahungkagan
kapag nagkaubusan ng mga hukbo.
Sino ang nag-isip ng henyo ng budóng?
4
Nakababato at parang sirang plaka
ang kaayusan
ng kaharian,
at marahil, ito ang sandali
para sa guló na hindi inaasahan.
5
Nakahanay ang mga kawal
para isubo na gatong.
Inuutusan ang mga kabalyero
na lumundag
sa bangin, o kaya’y sagasaan
ang nakaharang.
Susugod o aatras ang mga obispo
nang pahilis,
gaya ng linyado nilang doktrina’t
pag-iisip.
Sintigas ng mga tore
ang babanggain o gigibain
para magtindig ng bagong tore.
Abala ang reyna sa salamangka.
At ang hari, asahan mo,
ay tutugisin ng mga palaso, maso,
at patalim
upang dakpin o patumbahin.
6
Ang isang hakbang ay tungo sa ibang kaharian
upang sakupin ito
o kaya’y burahin ang bakás nito sa mundo.
Maniwala, kahit wala ang mahal na reyna.
7
Sukulin ang hari.
Ngunit bago ito maganap, matutong sumalakay
makaraang mabatid ang puwersa
ng armas, mapa, at simoy ng panahon.
8
Sumusugod ang peon,
at isinasakripisyo para sa espasyo at bentaha
ng paglusob.
Sumusugod ang peon,
at ang pagdakip sa kaniya, kung minsan,
ay matamis na lason o pugad ng mga sibat.
9
Ilang bilyong kombinasyon ng mga hakbang
ay higit sa dami ng newtron—
tanungin si Hemachandra o Fibunacci
ngunit aantukin lamang ang inyong kamahalan
bago maabot ang sagot.
10
Nagsisimula sa hapag ang ehersisyo ng digma.
Pumapayat ang magkalaban
gayong nakaupo, gaya ng yogi,
at walang tinag nang napakatagal.
11
Sa larangang ito,
walang dapat pagtiwalaan kundi sarili.
Ang oras ang kalaban mo
kung hindi nakatitiyak
sa mga tira mo.
12
Mga kabisote, bakit pa mag-iisip?
Mga maya, manggaya gaya ng putomaya!
Sabihin ito
at sasampalin ka ng uyam at pambubuska.
13
May visa ang espiya.
May bisà ang espinghe.
14
Ang arogansiya ng piling lahi
ay bakit hindi tutumbasan
ng sukdulang pag-aglahi
kung pinalalaki tayo
sa katwiran ng ubusan ng lahi
at pataasan ng ihi
para sa parisukat na pamanang lupain?
Nadama ko ito
habang ang isang paa ay nasa hukay
at mariing nakatitig sa Tore ni David.
15
Masikip na bilangguan ang kaharian
sa hari na nagtatalumpati sa ilang.
Naisip ko ito habang nakabartolina
at nangangatal.
16
Naghahapunan ng yelo ang destiyero
ngunit humahabol ang mga kabalyero.
At ako sa aking trono
ay aawit ng “Bayan ko!”
Alimbúkad: Quality poetry isolation under pandemic. Photo by Francesco Sgura on Pexels.com