Kuwentong Buday-buday
ni Roberto T. Añonuevo
Nakaputong sa kaniya ang ginintuang
kaharian,
ngunit panatag siyang nakapikit,
waring lumulutang sa langit,
at natigatig ako nang siya’y matagpuan.
“Ikaw ba ang anak ng emperador?”
at kinusot ko ang aking paningin.
Sa isip ko’y nagtatambol ang talón
sa di-kalayuan. Sumisipol ang amihan,
at nagsimulang umambon
ng mga dahon.
Nagpapahinga ang kalabaw sa sanaw.
Dumilat siya; at nang tumitig siya
sa akin ay tila nadama ko ang bigat
ng ginintuang putong,
at ang mga gusaling aking tiningala
ay ano’t naging kalansay
ng dambuhalang palasyo sa gubat.
Walang ano-ano’y hinubad niya
ang korona.
At ngumiti
ang matabang singkit na kalbo
na ngayon ay mundong nasa kamay ko:
ang alkansiyang kumakalansing sa barya.
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Pixabay on Pexels.com