SandataRoberto T. Añonuevo
Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
at ginagamit ka
laban sa lahat ng hindi namin
gusto.
Kasangkapan upang patumbahin
ang katunggali,
ikaw din ang laging instrumento
sa pagsupil ng salot o sakít.
Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
at sinuman o alinmang salungat
ang agos
ay kaaway at kaaway na tunay
at kailangan ka upang ipagtanggol
ang puwesto at pangalan.
Ikaw ang malinaw na linya at kulay
sa bakbakan ng lakas at kasarian.
Ikaw ang timbang at sustansiya
sa taggutom at walang habas
na kasakiman ng iilan.
Ikaw ang agimat laban sa kulam,
at ang sumusuway sa pangaral
ng diyos ay may katumbas
na parusa at kapahamakan.
Hindi ba ikaw ang nakalakip
at isinasaulo sa aming mga dasal?
Parang sumpa, ikaw ang panagot
sa aming katangahan——
ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
isinasaliw tuwing may kampanya
sa darating na halalan——
at kapag angkin ka ninuman
ay pupurihin kahit ng madlang
walang kamuwang-muwang,
walang malasakit o pakialam
sa puwang o karunungan.
Naririnig ka namin sa brodkaster
at parang dapat ipagmalaki pa
kung nagkulang ang diksiyonaryo
para sa mga konseptong
ikakabit sa mga dapat tapatan
ng salita at gawa.
Hinahamak kami kapag lumitaw
ka sa mga banta at paninindak,
gaya sa talumpati ng pangulo,
at sinumang may kapangyarihan
ay mababaligtad ang kahulugan
ng batas.
Kung umibig ba kami’y dapat kang
hasain at laging sukbit saanman?
Sawâ na kami sa rido at patayan.
Nagbibiruan tuloy kaming huwag
nawa kaming maging makata
na maláy ang guniguni’t napopoot.
Baká ang bawat ipukol naming salita
ay magpaluhod
sa nang-aapi at bumubusabos
sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
Ngunit hindi kami makata,
at hindi ka rin namin kaaway,
o mahal na kataga.
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com