Salin ng “Von den Gleichnissen,” ni Franz Kafka ng Czech Republic
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Maraming nagrereklamo na ang mga salita ng paham ay malimit nasa anyo ng parabula at walang silbi sa pang-araw-araw na búhay, na siyang tanging búhay na angkin natin. Kapag winika ng paham na: “Humayo ka,” hindi niya ibig sabihing tawirin ang isang tiyak na pook, na magagawa naman natin kung sapat ang pagsisikap; ibig niyang ipahiwatig ang kung anong kagila-gilalas na pagdako kung saan, ang bagay na lingid sa atin, ang bagay na hindi niya maisaad nang may katiyakan, at samakatwid ay hindi makatutulong sa atin dito kahit paano. Lahat ng parabula ay nakaayon para sabihin lámang na ang di-maarok ay hindi maaarok, at batid na natin iyan. Ngunit ibang usapan na ang pakikibaka sa mga pang-araw-araw na alalahanin.
Hinggil sa bagay na ito, winika ng isang lalaki: Bakit may pagbabantulot? Kung sinunod mo lámang ang mga parabula, ikaw mismo ay magiging parabula, at sa gayon ay wala ka nang pakialam sa pang-araw-araw na búhay.
Sumingit ang isa pang tao: Pusta ko’y isa rin iyang parabula.
Sabi ng una: Panalo ka.
Sabi ng ikalawa: Ngunit sa kasamaang-palad ay parabula lámang.
Sabi ng una: Hindi, sa realidad; sa parabula, talo ka.
