Mahal(para kay Maribeth)
Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
Sino akong nilalang upang hindi humangà?
Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál.
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.