PawikanRoberto T. Añonuevo
Pahiram ng puso
nang mapalitan ang palyado
kong puso.
Lumalangoy, lumulutang ang panahon
ngunit dibdib mo’y nananatiling
artsibo ng mga barko at pulô——
hindi mamatáy-matáy,
sagupain man ang daluyong
o habulin ng mga taliptip.
Pahiram ng puso
na dukutin man ng kumatay
sa iyo at minsang paglaruan
ay pumipitlag pa rin sa palad
at tila sumisigaw ng kalayaan.
Pahiram ng puso
ngunit ilihim ang luha sa asin.
Marami akong dapat ibigin
bilang destiyero sa laot ng dilim.
Alimbúkad: Poetry freedom, freedom poetry. Photo by Belle Co on Pexels.com
Salin ng “Shopping Centre,” ni Tendai Kayeruza ng Zimbabwe
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoSentrong Pamilihan
Nakasusulások ang panghi ng mga ihì
sa likod ng mga tindahan ng alak;
gabundok ang talaksan ng basura sa likod
ng mga puwesto sa palengke,
habang abala sa suki ang mga tindera.
Isang bungangera ang bumuga ng mura
sa isang lasenggo na sakál-sakál ang bote
ng serbesa at nakalaylay sa mga labi nito
ang halos maupos na sigarilyo,
ngunit ni hindi ito makaganti ng salita.
Sabik na pumalibot ang mga bata sa lasing,
at ang iba’y pabirong pumukol ng bato.
Malapit sa tabi ng siraulo’y may kung sinong
abalang-abala sa trabaho, habang nililikom
ang mga upos ng sigarilyo at hungkag na lata.
Mag-ingat sa kaniyang walang habas na salita
na puwedeng lumabas sa bibig niyang kakatwa.
Doon sa sulok, lumitaw ang mga wáis kong ate,
na hapít na hapít ang kahanga-hangang damít,
kumekembot at pinaaalon ang mga puwit
na pinalakpakan ng mga lalaking nag-iinuman,
nang-uudyok ang mga titig
na handang magpatomà at mag-ihaw ng karne.
Mga kapatid ko’y paikot na nakaupo lahat
sa abandonadong terminal ng bus,
hali-haliling tumatagay ng bawal na serbesa
mula sa marurungis na basurahan,
samantalang nakikipagsugal
at paldo-paldo ang perang nakalatag sa sahig.
Hindi ko alam kung saan nila kinuha iyon,
gayong lahat naman sila ay tatambay-tambay.
Tumawid ako.
Alimbúkad: Hungry young poetry in search of humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com
Ano ang nakita niya sa akin na hindi makikita sa iba?” Ito ang tanong ng bunga ng bayabas, nang minsang humilatâ ang isang binatà at lumílim sa yamungmóng ng mga dahon. Maaaring ang lalaki’y si Juan, at supling nina Fabio at Sofia, ngunit hindi mahalaga kung sino siya. Siya na nakahigâ, nakatítig, nakangangá ang marahil nag-iisip sa kaganapan ng punò o batas ng gravedad; ang nagninilay sa bilóg na bilóg, hinóg na hinóg na sukdulang pag-íral; ang nagugútom at tatangá-tangá ngunit humaharap sa pinakamapait na parusa ng uod at kaliwanagan. “Ang kaniyang bungangà ay sinlalim ng walang hanggang dilim,” sambit ng bayabas. “Ang kaniyang mga mata ay sumasalamin sa akin para mapigtal sa tangkáy at sumanib sa bituka o lupain. Hindi ako sintatág ng tagâ-sa-panahong bodhi, at ni walang budhî, para sa sinumang tumitingala sa akin. Gayunman, siya na titíg na titíg sa akin ay wala nang ibang nakikita, walang ibang naririnig, walang ibang nadarama, kundi ako na nakabitin, at sasayáw-sayáw sa himig ng hangin. Kung siya ang aking kamalayan, kung siya ang aking kapalaran, hindi ko ba pipiliing pumaloob sa kaniyang katawan, at maging bahagi ng kaniyang katauhan?”
Alimbúkad: World-class poetry within your reach. Photo by Adrian Lang on Pexels.com
AntibakRoberto T. Añonuevo
:
:
S
Si
Si
Si
Sin
Sino
Sino ba
Sinibak
Sino bak
Sin, o bak?
Sino bakla
Sin! O bak!
Si, no vac!
Si, on back!
Zino vackhla
Zino babakli
Zino titibak
Zino babakbak
Zino babakuna
Zino babakulaw
Zino bak kik ba
Zino kik Vak va
Si! Sisi, sisi! si
Vi! Veerus! Viktori!
No! O, Nono, No! No!
Bá! Ba? Babâ! Bababà!
Ku! Ku! Kuku! Kukurakot!
Go! Go, Bak! Agogo! Go bak!
Bakla, bakli, bakuna, sino vac-
Lah, sino ang bakunadong babagsak?
Alimbúkad: Uncontrollable poetry beyond margins. Photo by Nataliya Vaitkevich on Pexels.com
Ang BanyagaRoberto T. Añonuevo
Sampung libong wika ang dumaan
sa aking dila,
bawat isa’y bantayog ng lupain
o hukay na napakalalim.
At nang minsang masalubong ko
ang pugad ng mga hantik
ay kinagat ako ng mga lintik.
Tumakbo ako, at bumanggâ
sa teritoryo ng mga putakti.
Napamulagat ako.
Ibig kong tumakas subalit binigo
ng namimitig na binti.
Wala akong nagawa
kundi pumikit at humalukipkip.
At tinanggap ko nang maluwag
ang lastag na kamangmangan
sa wika ng simoy at katahimikan,
habang tumitikatik at nagpuputik
ang daigdig.
Alimbúkad: Poetry silence. Poetry excellence. Photo by Kirsten Bu00fchne on Pexels.com
Salin ng tula ni Hafiz [Shams-ud-din Muhammad Hafiz] ng Iran
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa halaw sa Ingles ni Daniel LadinskyPag-usapan natin ang bagay na ito
May isang Marikit na Nilalang
na namumuhay sa guwáng na hinukay mo.
Kayâ tuwing sasapit ang gabi,
naghahandog ako ng mga prutas at butil
at mumunting palayok ng alak at gatas
sa tabi ng iyong tumpok ng lúad,
sakâ magpapakawala ng aking awit.
Ngunit aking sinta,
ayaw mong dumungaw man lang sa bútas.
Nahulog ang aking loob sa isang Tao
na nagkukubli sa kaloob-looban mo.
Dapat pag-usapan natin ang bagay na ito.
At kung hindi magkakagayon,
babantayan kita rito sa habang panahon.
Alimbúkad: Timeless poetry for humanity. Photo by Dany Teschl on Pexels.com
UloRoberto T. Añonuevo
Nauuna kang lumabas
sa mundo,
at kapag nahanginan
ay tumitigas ang buto,
umaangas na wagas,
para ipagmagara
ang utak
na pagdating ng araw
ay itatawag sa iyo
sa dami ng mga balak.
Maaaring taglay mo
ang bumbunan
na paliparan ng lamok;
ang buhok
na kung hindi pintado
ng bahaghari
ay pugad ng ahas;
ang kambal na puyó
na sirkito ng simbuyó;
ang malapad na noo
na kaiinggitan ng tanga;
at ang mukha
na kapilas ng maskara
upang ilihim
ang lalim at budhi.
Magsisilang ka
ng mga sinag o sungay
gaya ng higanteng busto,
bibiruing kulót o unát
sa ngalan ng uri,
mag-iiwi ng mga planeta
ng gunita o kamalayan,
at putungan man
ng gintong lawrel o tinik
ay korona pa rin
ng iyong dunong o bait
sa kabila ng pagtataksil
ng matatapat na kaibigan.
Tatawagin kang sira
para kutusán
kung ayaw maging utusán,
o para hugasan ka
sa likás na kasalanan.
At kapag sinuway mo
ang utos ng pangulo,
magtataka ba kami
sa tadhana ng palakol
o tinitingalang bibitayan?
Pugutan ka
at lalo kang darami;
barilin ka sa pilipisan
at mauutas ang salarin;
at kung sakali’t tistisin
ay magpapasikat ka pa
ng mga doktor at bayani.
Manggugulo ka
sa ngalan ng bayan
o dahil sa kasintahan,
ngunit mauuntog
sakâ matatauhan——
na taliwas
sa kakambal mo
sa ibaba
na pumipintog lalo
kapag ginagalit
o ibig na manloob.
Hampasin ng tubo
sa harap ng publiko
ay wala sa iyo
kung sintigas ng bato——
habang ang mga saksi
ay panatag na naghihinguto.
Alimbúkad: Poetry energy, poetry soul. Photo by cottonbro on Pexels.com
Wally’s Blues(Paumanhin kay WG)Roberto T. Añonuevo
Nilalagnat ang huklubang lungsod, at ngayong gabi
ay hinihila ng mga anino ang mga pangalang
binaklas at tinastas sa mga bilbord at ospital,
at kumakalas sa diskurso ng simbahan at motel.
Humihishis ang siyansi at gasera ng tindera,
at napakatumal kung bibili ng isang kausap.
Sinisinok ang makina ng pagal na dyip at katawan,
tumitiktok ang gusgusing musmos na amoy-alak,
at ako na hinahanap mo
ay naghahanap ng trabaho’t kabalbalan,
sa krosword ng pulis, tekas, at mukhang adik,
kumakain ng mga titik at sasaluhin kahit lintik
sa pusod ng tag-araw,
sapagkat ito, ito ang mundong bumabaligtad
ang pang-unawa.
Wala akong alam na politika, walang alam
ang sikmura kundi maghanap ng pamatay-gutom
at pamatay-lungkot, at hindi ba ito
ang rotunda na iniikot-ikot para sabihing
may silbi ang umaasang imburnal at pusali
samantalang hinihintay ang tag-ulan,
may kahulugan ang mga gusali,
na dati’y siksik, liglig, umaapaw
ngunit ngayon ay hungkag at simbigat ng ampaw?
Ang mga bangketa, na dating pinaghalong perya
at palengke, ay sinlamig ng mga nitso——
tuliro, lutáng, nakanganga——
na waring kakainin ka para sabihing,
“Halika, nagugutom ako!”
Kay linis ng lungsod, at nawawala ako
o narito ako at walang-wala ang mundo.
Nagugutom kahit ang bangketa
sa ngalan ng kuwarentena, at nananabik
sa mga kaluluwa ng empleado’t emperatris,
sa mga isinusukang estudyante’t propesor,
sa molino ng kutsero’t kuwentong kutsara.
Sinasamyo dati ang pares o mami o kape,
habang nagpapaypay ng lumang diyaryo
ang pagod na mag-inang kay sipag maglako,
nagsusunog ng baga sa nagyoyosing kotse,
upang pagsapit ng hatinggabi
ay maging maluwag na dormitoryo ng palaboy
at puta ang sementadong kalye,
magpapaubaya sa mga bagitong marinong
sumasandal sa pag-asa at pagsakay sa barko
habang rumoronda ang mga lamok, at inaantok
ang namumuwalang mga trak ng basura.
Kung ito ang unibersidad,
ito ang imperyal, pontinpiko, at selestiyal
na utak, ang nanamnamin ko sa plasa
ng mga baligtad na pangarap,
ang laberinto ng aklatan at pagsisikap,
para sa bayan
para sa hangal
na gaya kong
umaasa para mapaghilom ang sugat sa puso
at guniguni,
nang matagpuan ang kamalayan
nang higit sa paggising at paghinga,
nang higit sa ulat ng pangulo’t panaderya.
Nananatiling nakapirmi ngunit kumakawag
ang kalooban, sino ako
para ambunan ng mga tinapay o ayuda?
Kahit sino'y aayaw sa sopistikadong buwakaw,
sasalatin ang kabuluhan sa mga poster
at poste ng ilaw,
uusisain kung iyon ba ang katumbas
ng politiko na simple kung mangulimbat
na parang nagparetrato nang nakahubad,
sasagutin ang sulat sa pader at tatanggapin
ang kubeta sa likod o tadyang ng bantayog,
na kumikindat sa iyo, o kumikindat sa akin,
at nagbubunyag ng pagkatiwalag
sa Bagumbayan, para sa lahat at para sa isang
gaya kong iiling kahit sa salitang “mahál.”
Alimbúkad: Imageless poetry, ageless poetry. Photo by Ferdie Balean on Pexels.com
Wika ng Impostor ni Daedalus mula MyanmarRoberto T. Añonuevo
Iharang ang pader ng milyong sundalo,
Itutok ang baril, sindakin ang mundo;
Pigiling lumakad ang galít na plakard,
Dakpin ang sumuway sa huntang mataas.
Ikulong ang bawat politikong pulpol
Na handang magwika ng mga pagtutol.
Itutok ang kanyon sa mga pantalan,
Barko’y palubugin kung ito’y kaaway.
Negosyo ng dayo’y ipahintong bigla,
Kung makikialam sa kawsa ng madla.
Radyo’t telebisyon ay pilit kamkamin
Kung ayaw ihinto ang ulat ng lagim.
Taglay man ni Minos ang lakas at ngitngit
Hindi niya hawak ang lawak ng langit!
Alimbúkad: Poetry solidarity for humanity. Photo by Boris Ulzibat on Pexels.com