Mga Liyab at Tikatik, ni Rachel Wetzsteon

Salin ng “Flames and High Rains,” ni Rachel Wetzsteon ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Liyab at Tikatik
  
 Gulayláy akong binalikan ang panaginip: nilamon
 ka ng apoy, at sinira ang lahat ng iyong katangian.
 Bakit ba kapag may ikatlong sumingit sa isip
 ay ibig kong wasakin ka?
  
 Ngunit ngayong gabi, habang binabagtas ang kalyeng
 maulan, kita kong nagmando ako ng nakamamatay
 na lagalab upang muli kang maibalik, habang bawat
 sulok ay masikip na taniman ng kahulugan,
  
 bawat nakaparadang kotse’y pumapatak na paalala,
 hindi ng mas mainit na motor kung saan, bagkus
 kung ano ang loob ng nakaparadang kotse: munti,
 kinakailangang bahagi ng pagsisikap panlungsod
  
 upang kulungin ka. Habang patuloy na naglalakad,
 tigmak ang pilik (ang tunay na paraan ng pagtingin),
 lahat ng madaling sakyan ko sa matapobreng loob
 ay sinasalungat:
  
 para sa kanilang ang gayak ay nagiging kredo'y
 nakangingitngit sa akin; anong lalim ang nilaktaw!
 Sa pananamit naman na tila tuldok, aaminin kong
 ito’y walang saysay na bighani, ngunit
  
 hindi dapat seryosohin. Kayâ kapag ang lungsod
 ay taglay ang iyong personal na tatak gaya sa
 pormal na envelop o mataong tuktok ng mayelong
 bundok, paano ko tatanggapin
  
 ang aking nakikita, o sasaksi sa kariktan nito?
 Madali, mahinahon. Ngayong gabi, lahat
 ng daan ay magsasalupong, at habang umaapaw
 ang tubig sa ganitong mga bukás na haywey,
  
 kahit silang sinisikil ang pagkamangha’y damá
 ang payak na kapangyarihan. Hindi tákot 
 ang nagpapakintab sa daan, o ang mga duklay
 ang naghahatid ng halimuyak pababa,
  
 bagkus ang maalab na galak na magsilbi
 sa diktador na mabuti dahil siya’y maykapal.
 O, punong mahistrado ng gabi, gawin mo
 akong tagapamagitan para sa mga kaluluwang 
  
 naglalakad sa iyong búrol, ni walang alam, 
 para sa mga gagong tumatakbo palayo sa ulan 
 at nagmumura. Hari sa madilim na paglusaw, 
 hayaang gumalà ako para sa iyong karangalan,
  
 makita ka sa sari-saring lalim ng gabi, 
 ang nakahihilong kompetisyon sa gitna
 ng mga poste ng ilaw at ng ulan, ang tandâ 
 ng ambulansiyang tumatawid, at umaawit. 
Alimbúkad: Poetry high rain for humanity. Photo by Aleksandar Pasaric on Pexels.com