Alalay
Roberto T. Añonuevo
Nang humangin sa loob ng kaniyang utak, ang ulap ay dumikit sa pader. Pagdaka’y ang pader, na retoke ng mga baság na bote at lastág na tisà, ay naghunos na muralyang iginuhit na banig. Tumitig siya sa hindi ko nakikita, at ang natuklasan ay artsibo ng palasyo at palakol na pawang isinalaysay ng kaniyang mga kamay. Ang mga kamay! Ang kanan ay dumudukal sa hukay; ang kaliwa’y kuyom ang sanlibong panginoon! Pumikit siya, at humiging wari ko sa pandinig ang helikopter at alpabeto ng kalamidad. Ngunit sumisilang siyang tápis ng takúpis, sapagkat hindi man niya aminin, siya ang bahagsúbay ng silakbo at kamalayan. Siya ang akto ng pagguhit ngunit hindi kailanman ipagmamalaking siya ang gumuhit. Siya ang aking binabantayan, ngunit ang tingin marahil niya sa akin ay estatwang kumikinang, parang batong nakausli sa gulod na ang gilid ay tinampukan ng mga asul na baláy, sirkito ng mga lingam, at isang marmol na monasteryong nabubuntis sa mga panikì: pundí ang guniguní. Sumakay siya sa ulap at ito ang aking kutob. Lumulutang siya, at habang umuulan ng mga siyap sa bakuran, bumabahâ sa aking kalooban, waring sinasabing makipaghuntahan sa walang katapusang aklatan, na kinaroroonan ng kaniyang pangalan at kapiling ang mga lihim na salita sa sarkopago—na sikapin man ay tiyak kong tatanggí na maunawàan.
