Wally’s Blues(Paumanhin kay WG)Roberto T. Añonuevo
Nilalagnat ang huklubang lungsod, at ngayong gabi
ay hinihila ng mga anino ang mga pangalang
binaklas at tinastas sa mga bilbord at ospital,
at kumakalas sa diskurso ng simbahan at motel.
Humihishis ang siyansi at gasera ng tindera,
at napakatumal kung bibili ng isang kausap.
Sinisinok ang makina ng pagal na dyip at katawan,
tumitiktok ang gusgusing musmos na amoy-alak,
at ako na hinahanap mo
ay naghahanap ng trabaho’t kabalbalan,
sa krosword ng pulis, tekas, at mukhang adik,
kumakain ng mga titik at sasaluhin kahit lintik
sa pusod ng tag-araw,
sapagkat ito, ito ang mundong bumabaligtad
ang pang-unawa.
Wala akong alam na politika, walang alam
ang sikmura kundi maghanap ng pamatay-gutom
at pamatay-lungkot, at hindi ba ito
ang rotunda na iniikot-ikot para sabihing
may silbi ang umaasang imburnal at pusali
samantalang hinihintay ang tag-ulan,
may kahulugan ang mga gusali,
na dati’y siksik, liglig, umaapaw
ngunit ngayon ay hungkag at simbigat ng ampaw?
Ang mga bangketa, na dating pinaghalong perya
at palengke, ay sinlamig ng mga nitso——
tuliro, lutáng, nakanganga——
na waring kakainin ka para sabihing,
“Halika, nagugutom ako!”
Kay linis ng lungsod, at nawawala ako
o narito ako at walang-wala ang mundo.
Nagugutom kahit ang bangketa
sa ngalan ng kuwarentena, at nananabik
sa mga kaluluwa ng empleado’t emperatris,
sa mga isinusukang estudyante’t propesor,
sa molino ng kutsero’t kuwentong kutsara.
Sinasamyo dati ang pares o mami o kape,
habang nagpapaypay ng lumang diyaryo
ang pagod na mag-inang kay sipag maglako,
nagsusunog ng baga sa nagyoyosing kotse,
upang pagsapit ng hatinggabi
ay maging maluwag na dormitoryo ng palaboy
at puta ang sementadong kalye,
magpapaubaya sa mga bagitong marinong
sumasandal sa pag-asa at pagsakay sa barko
habang rumoronda ang mga lamok, at inaantok
ang namumuwalang mga trak ng basura.
Kung ito ang unibersidad,
ito ang imperyal, pontinpiko, at selestiyal
na utak, ang nanamnamin ko sa plasa
ng mga baligtad na pangarap,
ang laberinto ng aklatan at pagsisikap,
para sa bayan
para sa hangal
na gaya kong
umaasa para mapaghilom ang sugat sa puso
at guniguni,
nang matagpuan ang kamalayan
nang higit sa paggising at paghinga,
nang higit sa ulat ng pangulo’t panaderya.
Nananatiling nakapirmi ngunit kumakawag
ang kalooban, sino ako
para ambunan ng mga tinapay o ayuda?
Kahit sino'y aayaw sa sopistikadong buwakaw,
sasalatin ang kabuluhan sa mga poster
at poste ng ilaw,
uusisain kung iyon ba ang katumbas
ng politiko na simple kung mangulimbat
na parang nagparetrato nang nakahubad,
sasagutin ang sulat sa pader at tatanggapin
ang kubeta sa likod o tadyang ng bantayog,
na kumikindat sa iyo, o kumikindat sa akin,
at nagbubunyag ng pagkatiwalag
sa Bagumbayan, para sa lahat at para sa isang
gaya kong iiling kahit sa salitang “mahál.”
Alimbúkad: Imageless poetry, ageless poetry. Photo by Ferdie Balean on Pexels.com