Ulo, ni Roberto T. Añonuevo

 Ulo
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Nauuna kang lumabas 
 sa mundo, 
 at kapag nahanginan 
 ay tumitigas ang buto,
 umaangas na wagas,
 para ipagmagara
 ang utak
 na pagdating ng araw
 ay itatawag sa iyo
 sa dami ng mga balak.
 Maaaring taglay mo
 ang bumbunan
 na paliparan ng lamok;
 ang buhok
 na kung hindi pintado
 ng bahaghari
 ay pugad ng ahas;
 ang kambal na puyó
 na sirkito ng simbuyó;
 ang malapad na noo
 na kaiinggitan ng tanga;
 at ang mukha
 na kapilas ng maskara
 upang ilihim
 ang lalim at budhi.
 Magsisilang ka
 ng mga sinag o sungay
 gaya ng higanteng busto,
 bibiruing kulót o unát
 sa ngalan ng uri,
 mag-iiwi ng mga planeta
 ng gunita o kamalayan,
 at putungan man
 ng gintong lawrel o tinik
 ay korona pa rin
 ng iyong dunong o bait
 sa kabila ng pagtataksil
 ng matatapat na kaibigan.
 Tatawagin kang sira
 para kutusán
 kung ayaw maging utusán,
 o para hugasan ka
 sa likás na kasalanan.
 At kapag sinuway mo
 ang utos ng pangulo,
 magtataka ba kami
 sa tadhana ng palakol
 o tinitingalang bibitayan?
 Pugutan ka
 at lalo kang darami;
 barilin ka sa pilipisan
 at mauutas ang salarin;
 at kung sakali’t tistisin
 ay magpapasikat ka pa
 ng mga doktor at bayani.
 Manggugulo ka
 sa ngalan ng bayan
 o dahil sa kasintahan,
 ngunit mauuntog
 sakâ matatauhan——
 na taliwas 
 sa kakambal mo
 sa ibaba
 na pumipintog lalo
 kapag ginagalit 
 o ibig na manloob.
 Hampasin ng tubo
 sa harap ng publiko
 ay wala sa iyo
 kung sintigas ng bato——
 habang ang mga saksi
 ay panatag na naghihinguto.
Alimbúkad: Poetry energy, poetry soul. Photo by cottonbro on Pexels.com