Ang Bayabas
Roberto T. Añonuevo
Ano ang nakita niya sa akin na hindi makikita sa iba?” Ito ang tanong ng bunga ng bayabas, nang minsang humilatâ ang isang binatà at lumílim sa yamungmóng ng mga dahon. Maaaring ang lalaki’y si Juan, at supling nina Fabio at Sofia, ngunit hindi mahalaga kung sino siya. Siya na nakahigâ, nakatítig, nakangangá ang marahil nag-iisip sa kaganapan ng punò o batas ng gravedad; ang nagninilay sa bilóg na bilóg, hinóg na hinóg na sukdulang pag-íral; ang nagugútom at tatangá-tangá ngunit humaharap sa pinakamapait na parusa ng uod at kaliwanagan. “Ang kaniyang bungangà ay sinlalim ng walang hanggang dilim,” sambit ng bayabas. “Ang kaniyang mga mata ay sumasalamin sa akin para mapigtal sa tangkáy at sumanib sa bituka o lupain. Hindi ako sintatág ng tagâ-sa-panahong bodhi, at ni walang budhî, para sa sinumang tumitingala sa akin. Gayunman, siya na titíg na titíg sa akin ay wala nang ibang nakikita, walang ibang naririnig, walang ibang nadarama, kundi ako na nakabitin, at sasayáw-sayáw sa himig ng hangin. Kung siya ang aking kamalayan, kung siya ang aking kapalaran, hindi ko ba pipiliing pumaloob sa kaniyang katawan, at maging bahagi ng kaniyang katauhan?”
