Sentrong Pamilihan, ni Tendai Kayeruza

Salin ng “Shopping Centre,” ni Tendai Kayeruza ng Zimbabwe
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sentrong Pamilihan

 Nakasusulások ang panghi ng mga ihì
 sa likod ng mga tindahan ng alak;
 gabundok ang talaksan ng basura sa likod
 ng mga puwesto sa palengke,
 habang abala sa suki ang mga tindera.
 Isang bungangera ang bumuga ng mura
 sa isang lasenggo na sakál-sakál ang bote 
 ng serbesa at nakalaylay sa mga labi nito
 ang halos maupos na sigarilyo,
 ngunit ni hindi ito makaganti ng salita.
 Sabik na pumalibot ang mga bata sa lasing,
 at ang iba’y pabirong pumukol ng bato.
  
 Malapit sa tabi ng siraulo’y may kung sinong
 abalang-abala sa trabaho, habang nililikom 
 ang mga upos ng sigarilyo at hungkag na lata.
 Mag-ingat sa kaniyang walang habas na salita
 na puwedeng lumabas sa bibig niyang kakatwa.
 Doon sa sulok, lumitaw ang mga wáis kong ate,
 na hapít na hapít ang kahanga-hangang damít,
 kumekembot at pinaaalon ang mga puwit
 na pinalakpakan ng mga lalaking nag-iinuman,
 nang-uudyok ang mga titig
 na handang magpatomà at mag-ihaw ng karne.
  
 Mga kapatid ko’y paikot na nakaupo lahat
 sa abandonadong terminal ng bus,
 hali-haliling tumatagay ng bawal na serbesa
 mula sa marurungis na basurahan,
 samantalang nakikipagsugal 
 at paldo-paldo ang perang nakalatag sa sahig.
 Hindi ko alam kung saan nila kinuha iyon,
 gayong lahat naman sila ay tatambay-tambay.
  
 Tumawid ako. 
Alimbúkad: Hungry young poetry in search of humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com