Bárbara, ni Roberto T. Añonuevo

Bárbara

Roberto T. Añonuevo

“Upang makilala,” pahayag minsan ni Bárbara, “ay dapat isaisip at isapuso ang kasarian.” Ang kaniyang mga akda (na mala-ube ang pabalát ngunit waring nagkukubli ng kimikong pormulasyon ng búrak) ay nagsimulang lumunsad sa daigdig ng panitikan na naglalabo-labo ang mga brusko, babaero, at lasenggo na magtatawanan pa matapos magsapákan o magbasagán ng bayag. Babae ang mga akda niya, babae kung pumili mula sa Villa Mare, o ito ang panlilinlang sa kaniya ng angking guniguni, sapagkat ang mga tauhan niya ay babae o pambabae, na kung hindi mapagpatawá ay galít sa mundo, at kung magkaroon man ng ásal o baít o hágod ng lalaki ay ituturing niyang binabae, ngunit hindi kailanman báyot na iniiyót nang patalikod, ni bato na newtral at nakapirmi para sa kaluguran ng malikot na eskultor. Kailangang ipagtanggol niya sa kaniyang mga sanaysay ang pangwakas na moog ng kalooban, ang pagka-feminista na waring kambal na katauhan ng maalamat na Purita at Fefita, naggigiit ng espasyo at gahúm at karapatan, marahil upang libakin ang mga lalaking kung sumulat ay tulisan o bilyonaryo mag-isip na walang pakialam sa kasarian bagkus sa hahamiging ari-arian; at siya, na nahirati at lumaki sa mga sayaw at awit at telenobela, ay nakákukutób na panahon nang baligtarin ang daigdig bago pa siya maiwan sa pansitan. Ang kaniyang mga akda, na naging babae dahil babae ang awtor, kung paniniwalaan ang mga seksiyon sa aklatan, ay nagiging babae rin sa pagtanaw ng kaniyang mga muslak na mambabasa, na kung hindi rin babae ay ibig maging babae, subalit ipagkakanulo siya ng anumang bahid na mula sa lalaki. Parang bahaghari, paniwala ni Bárbara, ang dakila niyang mga salita, mga salitang kapag pinagsama-sama’y nagiging antolohiyang sumusurot sa patriyarka at mapandahas nitong kalibugan, lihis man ang lohika o linsad ang gramatika o hokus pokus ang kasaysayan, basta matatag ang pagsasaharáya, at kulang na lámang timplahin bilang kalkuladong matriyarkado at marxista, kumakapâ sa mga ugat at diyalektika habang nakatitig sa pabrika ng mga diksiyonaryo at puhunan ng naghaharing uri, o higit na tumpak, ng nagrereynang uri, upang isigaw na ang ekonomikong produksiyon sa limbagan ang magdidikta ng bisyon at sining na dapat lasapin ng sambayanan. Natuto rin siya habang tumatagal sa salimuot ng burukrasya para lumikha ng sariwang kultura at batas na pabor sa kaniyang simulain, nakikipagbungguang-balikat sa gaya ng mga trápo, kúpal, o tibák kung kinakailangan, at ang pagtatatág niya ng kapisanan ng mga babae ay para banggain ang gahum ng mga lalaki o babaeng tumiwalag sa simulain ng kababaihan, na kung tatanungin naman ang mga sinasabing lalaki ay tutugunin siya ng bato-bato sa langit, sapagkat kailan pa naisip ang bakbakan o poder, anila, kung wala sa hinagap nila ang pumatol sa kaniyang mga akda? Nakásasawà rin ang korona, biro ng mga lalaki niyang kakosa kuno, at maluwag na ibinigay ang trono para sa kasiyahan ng sanlibo’t isang Bárbara na isisilang. Pinalalakad ni Bárbara ang kaniyang mga akda na magandang silipin, o kaya’y umasintá, sa bintana habang eksperto sa kusina o magpalaki ng mga bata—alisto sa anumang pasaring at palipad-hangin—pinagbabanyuhay ang sinaunang kawikaan, at ipinángangálandákan na ito ang bagong kawikaan, lalo sa panahon na dapat magmartsa tungo sa Palasyo ng Malabanan sapagkat malaganap ang kabuktutan at hindi masupil ang pandemya ng medyokridad.  Ipaglaban ang karapatan ng mga babae! Ipaglaban! Ito ang paulit-ulit isinisigaw ng mga akda ni Bárbara, na nakaririndi rin kahit sa tainga ng mga tindera o tumitiktok na dalagita. Kailangang pangatawanan ni Bárbara ang iisang polo, ang iisang tindig, ang iisang tinig, buskahin mang nakasasakál o nakasusuká ang linya, gayong sikát na nakatanghal, at parang set ng kosmetiko, sa kaniyang tokador. Ngayon, nag-iisip ang kaniyang bagong ahente at editor kung paano papalitan ang sagisag panulat niya—para umangkop sa eyre niyang sopistikada.

Alimbúkad: Battle-scarred poetry in search of humanity. Photo by Ece AK on Pexels.com

Ang Libingan ni Ibn Arabi, ni Abdelwahab Meddeb

Salin ng tatlong bahagi ng Tombeau d’Ibn Arabi, ni Abdelwahab Meddeb ng Tunisia at France

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Libingan ni Ibn Arabi

Abdelwahab Meddeb

I

Mga guho, tandaan, mga tiwangwáng na lupain, alikabok, kanlungan ng mga lagalag, sumasanib ang tinig sa alingawngaw nito, masdan ang lalaki sa yungib, salamin ang bato, abandonado ang lahat, hinintay ko ang mga ulap na lumuha, hinintay ko ang mga bulaklak na magwika, sumigaw ako, ngunit walang tumugon, narinig ng bato ang aking pananabik, ilang buwan ang ipinukol sa balón, ilang araw ang umahon mula sa paglimot, inabót ng punongkahoy ang langit, at ang kislap ay binaybay ang bituin, gumuhit ng alpombra ang kidlat  sa mga anino, sa promontoryo sa timog, ang simoy ay humahaging sa kulog, sa bagnos, nagrosaryo ako ng mga perlas, ang mga itim na kamelyo’y dinoble ang mga bundok at buról, tinakpan ng buhangin ang mga bakás ko sa mga duna, naglagalag sa mga lilim ng hardin ang mga pitho, ang init ng tag-araw ay ngiti ng babaeng hinuhukay ang kaugalian sa mga manyika, kay dami ng malalabong daan, o gunita, o hiwaga, tila kisapmata ang liwanag, sa loob ng puso ay nakaukit ang sinaunang damdamin, na nakabibiyak.

II

Sa anong mga salita ko bibigkasin, saang palumpong tatawirin, sa kapayapaan, sa panganib, nalulunod ako sa pag-ibig, upang pagdaka’y tumakbo pabalik sa sariling mga bakás.

III

Kung gaano siya kabilis lumitaw ay gayundin kabilis umurong, dala-dala ang kaniyang mga pabango at sangkap pampalasa, sa madaling-araw ng mga paboreal, huwag mabahala sa oras, nakábibíghanì ang trono sa bisyon, umindak paikot sa kristal na sahig ang dalaga, inililis nang bahagya ang kaniyang bestido, siya ang araw na bumubúhay sa mga kulay ng araw, halimúyak niya’y nakapágpapálugód, búkong-búkong niya’y kumúkulilíng sa mga pinilakang bitík, nangángatál ang kaniyang mga binti sa bawat hakbang, siya ang nagháhatíd ng mga liham sa mga nauuhaw, ang mola ng hitano, ang baláy ng nagdaraan, kapag inihandog niya sa iyo ang pakikipagtalik, binubuksan niya ang sarili sa iyong alaala, at hinihíla ka palayo sa batas, sa isang gabi, mangunguna siya tungo sa lihim, at wawasakin ang lahat ng ritwal na humaharang sa pagnanasa, sa bawat tanyag na korte, sa bawat templo, siya ang kadakilàan ng bawat aklat, nawalang saysay ang panawagan ko sa kaniya nang paalis na siya, naglabas ako ng paldo-paldong salapi, nasaid ang aking pasensiya, pinánatilì ang kaniyang kariktán, na naglálagabláb sa pinakámarangyâ sa mga paglalakbay ko, at lumúkob sa akin ang pangínginíg ng isang anghel.  

Alimbúkad: Poetry power against culture of hate and intolerance. Photo by AG Z on Pexels.com

Kapalaran, ni Roberto T. Añonuevo

Kapalaran

Roberto T. Añonuevo

Ang bagong kalendaryo sa dingding
ay bulateng marahang gumagapang
at nagiging disyerto na kasinlawak 
ng langit sa isang iglap.
Ito rin kaya ang nasasagap ng iba?
Mamangha ay hindi biro; ang riles
sa tigang na lupain ay parang walang
katapusan, ngunit paulit-ulit pa rin
na binabaybay ng mga pasahero
ng tren. Bawat bagón ay may kargamento
ng pangarap, marahil para makakita
ng gusgusing lungsod o asul na dagat,
upang iduwal pagkaraan ang mga tao
na magsásadulâ ng ingay sa palengke
o sigaw ng iníp na kaláwangíng barko
o senyas sa puslit o paslit na biyahero.
Ang Lunes ay kasimbagal ng Biyernes.
Pumikit at maririnig ang tumitilaok
na bituka, o umiingit na mga bakal.
Ngunit walang espasyo ang gutom o uhaw
at aangkop ang lawas sa ibig ng isip. 
Ay, higit na maginhawa pang tumingin 
sa mga bituin sa pagtatakipsilim——
pabigat na palamuti ang relong Suwiso.
Ito na yata ang pinakamalamig na gabi.
Ang simoy sa buhangin ay tila pulutong 
ng kawal na magsisiyasat ng pasaporte.
Alimbúkad: Filipino poetry eruption beyond pandemic anthologies. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mensahe mula sa Martir, ni Mbarka Mint al-Barra’

Salin ng “رسالة من شهيد” ni Mbarka Mint al-Barra’ ng Mauritania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni John Mitchell

Mensahe mula sa Martir

Mamaríl ka, matagal nang nagliliyab ang aming puso
Sa lupaing ito, at umaapaw ang lungkot sa pagdurusa.
Mamaríl ka, o buhóng, dahil hindi na ako natatakot
Palampasin ang pamamaslang mo, ni tatakbo palayo.
Pinalulusog ng dugo ko at pinananariwa ang lupaing
Ito, nagtatanim ng salinlahing maláy at may pag-asa.
Lumalago ang bisig at paa mula sa butil ng shrapnel;
Nabubuo ang mga kamay na makapagpuputong sa bukál
Na nananalig na ang lupaing ito ang laging tahanan:
Matapang nilang igigiit ang karapatan sa bawat sulok.
Nasaan man ako, ang lupaing ito ang aking rubdob;
Makikisanib ang galimgim sa eternal na pag-ibig.
Wala akong pakialam kung marami man ang pagsabog.
Hindi ako nasisindak sa mapamuksang kidlat at kulog.
Alimbúkad: Poetry solidarity against slavery and intolerance. Photo by Tomu00e1u0161 Malu00edk on Pexels.com

Bayraktar, ni Roberto T. Añonuevo

Bayraktar


Roberto T. Añonuevo

Hindi nagkamali si Daedalus noong una pa man.
Sumasapit sa aming paningin ang mga makina
sa anyo ng kawan ng laksa-laksang balang,
at sa kisapmata,
ang larangan ay babangungutin sa impiyerno.
Laós na ang tangke at sopistikadong eroplano.
Noong magpalipad ng saranggola ang paslit,
aakalain ba ninuman na makapaghahatid ng apoy
ang hulagway na umaalagwa tungo sa ibayo?
Ngunit iba na ngayon, at nagbago ang laro.
Ang magkapakpak ay gahum ng hangin at ulap
sapagkat malawak ang kalangitan
ngunit tulad ng nakagawian ay hindi kontento
ang mga diyos sa maraming mapang sanggunian.
At kung isipin man ang pagtakas sa bilangguan
ay katumbas ng higit na matinding pagsalakay
o pagwasak o paglipol habang pakape-kape
ang mga heneral sa malamig na silid.
Mga laruan para sa tirano ng mga topograpiya,
ikakatwiran ang agham sa bundok ng mga butó,
at maglalakad ang mga kaluluwa na sinisípat
ng teleskopyo upang muling itanghal sa mundo.
Kapag naligaw sa aming bintana ang isang pipit,
kahit huni ng kapayapaan ay mapaghihinalaan,
gaya ng gutóm na uwak o sulat na nakalalason,
at maihahaka rin ang mga balatkayo sa anyo 
ng mga lagás na balahibo.
Nakini-kinita na ito ni Elon nang titigan si Ikaro:
Hindi nagkamali si Daedalus noong una pa man.
Alimbúkad: No to war. Yes to Poetry. Yes to humanity. Photo by JESHOOTS.com on Pexels.com

Bagong Búhay, ni Dante Alighieri

Salin ng tatlong bahagi ng “Vita Nuova,” ni Dante Alighieri ng Italy

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Búhay

I

Sa aking Aklat ng Gunita, sa unang bahagi na kakaunti lámang ang mababása, ay naroon ang kabanata na may pamagat: Incipit vita nuova [Simula ng bagong búhay]. Hangad kong sipiin sa munting aklat na ito ang mga salitang isinulat sa ilalim ng gayong pamagat—kung hindi man ang lahat ng ito ay kahit yaong pinakaubod ng mga kahulugan nito.

II

          Siyam na ulit mula nang ipinanganak ako’y uminog ang langit ng liwanag sa iisang punto, nang bumungad sa aking paningin ang ngayon ay mabunying dilag ng aking isip, na tinawag na Beatrice ng mga tao na ni hindi alam kung ano ang kaniyang pangalan. Umiral siya sa búhay na ito nang sapat para ang langit ng mga nakapirming bituin ay makaabot sa ikalabindalawang antas sa Silangan ng kaniyang panahon; kumbaga, lumitaw siya sa akin sa simula ng kaniyang ikasiyam na taon, at unang nakita ko siya sa halos pagwawakas ng ikasiyam na taon. Lumantad siyang nakadamit sa pinakamaharlikang mga kulay, na sikíl at mahinhing pulá, at ang kaniyang roba ay may tali at napalalamutian sa estilo na angkop sa kaniyang edad. Sa sandaling iyon, at nagsasabi ako nang totoo, ang masiglang diwa, na nananáhan sa pinakalihim na silid ng puso, ay nagsimulang kumatal nang napakalakas na kahit ang maliliit na ugat ng katawan ko’y ano’t apektado; at sa panginginig, winika nito ang ganitong mga salita: Ecce deus fortior me, qui veniens dominabitur michi [Narito ang diyos na higit na malakas sa akin at dumating upang sakupin ako]. Sa sandaling iyon, ang likás na diwà, na nananáhan kung saan tinutunaw ang pagkain, ay nagsimulang tumangis, at inusal ang mga salitang ito habang lumuluha: Heu miser, quia frequenter impeditus ero deinceps! [Ay, kawawa naman ako!  Malimit na akong mabubulabog mula ngayon!] Masasabi ko na mula noon, pinagharian ng Pag-ibig ang aking kaluluwa, na kagyat namang naging matapat sa kaniya, at lumukob iyon sa akin nang may katiyakan at pamamahala, at idinulot sa kaniya ang kapangyarihan ng guniguni, at maihahandog ko lámang ang sarili sa kaganapan ng kaniyang bawat kaluguran. Madalas niya akong utúsan na umakyat at hanapin ang pinakabatà sa mga anghel; kayâ noong unang mga taon ay malimit ko siyang hanapin, at natagpuan siya na may likas na dangal at karapat-dapat sa gayong paghanga na ang mga salita ng makatang si Homer ay bagay na bagay sa kaniya: “Waring anak siya hindi ng mortal, bagkus ng bathala.” At bagaman ang kaniyang hulagway, na nananatiling palagi sa akin, ay pagtitiyak ng Pag-ibig na hawakan ako, iyon ang lantay na kalidad na hindi ako papayagang pagharian ng Pag-ibig nang walang matapat na patnubay ng katwiran, sa lahat ng bagay na ang payo ay malaki ang maitutulong. Yámang ang maglunoy sa aking libog at gawi noong kabataan ko’y tila paggunita sa mga pantasya, isasantabi ko muna ang mga ito; at sa pagtanggal sa maraming bagay na masisipi mula sa teksto na bukál ng aking mga salita ngayon, magtutuon ako sa mga isinulat sa aking alaala sa ilalim ng higit na mahahalagang pamagat.

III

          Makalipas ang maraming araw sa nasabing siyam na taon nang makita, gaya sa nailarawan, ang pinakamarikit na binibini, naganap naman sa huling mga araw ang paglitaw ng mahiwagang babae, na nakadamit sa dalisay na kaputian, na nakapagitna sa dalawang maharlikang babaeng nakatatanda sa kaniya; at habang tumatawid sa isang kalye, ipinaling niya ang tingin sa kinatatayuan ko na kahiya-hiya, at sa gayong di-mailarawang kabutihan na ngayon ay pinagpala siya ng walang hanggahang búhay, mahimalang binati niya ako na wari ko’y nang sandaling iyon ay lumukob sa akin ang lahat ng labis na ligaya. Iyon ang ikasiyam na oras ng nasabing araw, ikatlo ng hapon, nang ang kaniyang matamis na bati ay sumapit sa akin. Halos lumutang ako sa tuwa, at inasam ang pag-iisa sa aking silid, at doon ko sinimulang isipin ang butihing dalaga at, sa pagninilay sa kaniya, nakatulog ako nang mahimbing, at isang kagila-gilalas na pangitain ang nasilayan ko. Waring nakita ko ang ulap na kulay apoy, at sa nasabing ulap ay naroon ang isang makapangyarihang tao, na nakasisindak masdan, ngunit siya rin ay kahanga-hangang sakbibi ng tuwa. Nagsalita siya, at maraming binanggit na bagay, na kaunti lamang ang naunawaan ko; ang isa’y Ego dominus tuus [ Ako ang iyong panginoon]. Tila naaninag ko sa kaniyang mga bisig ang isang natutulog na pigura, lastág ngunit bahagyang nakabalot sa telang pula; nang titigan ko nang maigi ang pigura, nakilala ko ang dilag na bumati sa akin; ang dilag na noong hápon ay mapagkumbabang bumati sa akin. Sa isang kamay ay waring tangan ng lalaki ang apoy, at wari ko’y inusal niya ang mga salitang ito: Vide cor tuum [Masdan ang aking puso]. Makalipas ang ilang sandali, tila ba napukaw ng lalaki ang dalagang natutulog, at pinilit niyang ipakain sa dilag ang naglalagablab na bagay sa kaniyang kamay; bantulot na kinain iyon ng babae. Pagkaraan ng ilang sandali, ang kasiyahan niya ay napalitan ng mapait na paghagulgol, at umiyak nang nakayakap sa dilag, at sabay silang umakyat tungong kalangitan. Sa yugtong ito ng aking pananaginip, hindi ko nasikmura ang lungkot na nadama; at naputol ang aking panaginip at nagising ako. Nagsimula akong magnilay, at natuklasan ko na ang oras nang lumitaw ang pangitain ay ang ikaapat na oras ng gabi. Inisip ang aking nakita, saka nagpasiya akong ihayag iyon sa maraming bantog na makata ng panahon. Dahil hindi pa naglalaon nang mag-aral akong mag-isa sa pagsulat ng tula, nagpasiya akong kumatha ng soneto na laan sa matatapat na tagasunod ng Pag-ibig; at sa hiling sa kanilang ipakahulugan ang aking pangitain, susulatan ko sila kung ano ang nakita ko sa panaginip. At nagsimula akong sulatin ang sonetong ito, na nagsisimula sa Handog ko sa bawat kaluluwa’t puso.

Handog ko sa bawat kaluluwa’t pusò
ang mga salitang maselang tinahî
upang sagutin mo, na isang pagbatì
sa ngalan ng iyong poon na Pagsuyò.
Itong tatlong oras, ang oras ng wakás
ng mga bituing ngayon napapáram,
ang yugtong sumikat sa tanaw ang Mahál,
na nakaiinis ang anyong matatáp.

Masaya, wari ko, ang sintang kumuyom
sa aking damdamin; at niyakap niya
ang pagnanasa kong himbing mamahinga.
At pinukaw niya ang dilag sa apoy
na sakdal lumukob sa kaniyang dibdib,
at nita’y pag-ibig sa luha nasaid.

          Ang sonetong ito ay nahahati sa dalawang bahagi. Sa unang bahagi, isinaad ko ang pagbati at humingi ng tugon, samantalang sa ikalawa naman ay inilarawan ko kung ano ang hinihinging tugon. Nagsimula ang ikalawang bahagi sa Itong tatlong oras.

          Tinugon ng marami ang sonetong ito, at binigyan ng samot na interpretasyon, kabilang na sa mga sumagot ang itinuturing kong matalik na kaibigan, na tumugon sa sonetong nagsisimula sa Wari ko’y taglay mo ang lahat ng mahal. Ang tunay na kahulugan ng paniginip na aking inilarawan ay hindi naarok ninuman noon, ngunit ngayon ay ganap na malinaw kahit sa isang sopistikado.

Alimbúkad: Poetry online translation revolution staring at you. Photo by Pixabay on Pexels.com

Adiyogi sa Pasig, ni Roberto T. Añonuevo

Adiyogi sa Pasig

Roberto T. Añonuevo

Ang gabi ng mga kamay ay mga kaluluwa
sa agos.
Ang gabi ng pagtatalik ng mga kaluluwa
ay agos.
Ang gabi ng pagsilang ng mga kaluluwa
ay agos.

Hayaang umagos ang sayaw ng kalululuwa.
Hayaang umagos ang buwan ng kaluluwa.
Hayaang umagos ang bulaklak ng kaluluwa.

Sapagkat ito ang gabi ng landas palaot.
Sapagkat ito ang gabi ng landas ng laot.
Sapagkat ito ang gabi ng laot ng mga landas.

Ang gabi ng bathala ay gabi ng mga likha.
Ang gabi ng bathala ay likha ng mga gabi.
Ang gabi ay bathala na gabi ang lumilikha.

Ito ang sandali ng paglusong sa karimlan.
Ito ang sandali ng pag-ahon sa karimlan.
Ito ang karimlan ng paglusong at pag-ahon
ng sandali.

Sapagkat ito ang inaasam na paghuhugas
ng sandali.
Sapagkat ito ang inaasam ng paghuhugas.
Ang sandali—
Ang inaasam na paghuhugas nang wagas.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Poetry making the impossible possible. Photo by Arti Agarwal on Pexels.com

Deepfake, ni Roberto T. Añonuevo

Deepfake

Roberto T. Añonuevo

Tinanggap niyang mangmang siya noong una pa man, at nangibang-bayan isang araw, saka nagsikap ipaloob sa mga kuwaderno ang kakambal na hulagwáy ng mga numero at simbolo. At doon, may súkat, disenyo, at repetisyon ang lahat, at ang espasyo ay pormula na párang paglalakad sa pasikot-sikot na gubat, hanggang sumapit sa bangin na ang anino’y lulukob sa isang mundo. Ang mga numero at simbolo, na waring hukbong sandatahan, ay ginagaya rin ang mga titik at bantas, na sa tumpak na kombinasyon, ay makabubuô ng tunog at indayog, makabubuô ng mga salita at palugit, makabubuô ng mga parirala at sanga-sangang pahiwatig, na may kakayahang lumusob o umurong sa larangan, at pawang malayang gamitin ninuman sapagkat walang taglay na moralidad. Tinitingalâ niya ang langit ngunit ang simetriya ng mga bituin ay nasa dingding ng kaniyang gunita at guniguni—nanghihimasok at nangungulit para isulat pagkaraan sa duguang sahig o papel—at isang katwiran si Namagiri sa paglundag sa hanggahang nagbubukod sa pagbibiláng at pagkagutom.  Ang súpot ng karimlan, na lumulunok sa mga bulalakaw at planeta, ang nakalululà, nakatatastás sa kaniyang baít; gayunman, ito rin ang palaisipan na hindi nagpapatulog sa sinumang nabighani sa naturang diwain, hindi man siya si Ramanujan, na nagbabalik sa sariling bayan upang isadula ang paulit-ulit na pagkamatay, kahit siya ay isa nang inmortal.

Alimbúkad: Fearless poetry without peer. Photo by Julia M Cameron on Pexels.com

Parabula ng Turista, ni Roberto T. Añonuevo

Parabula ng Turista

Roberto T. Añonuevo

Inaakyat ng mga mata mo ang Templo ni Kukulkán, ngunit pumapasok sa iyong guniguni ang mga payëw ng Hungduan na waring handog sa dambuhalang gagambang selestiyal. Sinamba umano noon ang lumilipad na ulupong sa Yukatán, saad ng polyetong dala-dala mo, na habang binabalikan mo’y parang kuwento ng salít-salítang bakunawa at minokawa, alinsunod sa inog ng araw at buwan. Mga piramide sa disyerto, na sintigas ng bisyon ni Imhotep, ang maangas na isiningit ng isang kabataang turista, na waring inupahan ni Netjerykhet para ka gulantangin. Napailing ka. Higit na matanda ang mga piramide ng Brazil, wika ng isa pang turista, at ipinagmagara kung paano binigti ng mga baging at ugat ang natuklasang mga batong inukitan ng epiko ng kagubatan. Hindi magpapatalo ang turistang naglagalag sa Tibet at India, at ikinompara ang mga piramideng waring luklukan ni Shiva laban sa Borobudur ng Java. Habang nakatayo’y tila tatangayin ka ng bagyo ng mga salita at laway sa kabila ng alinsangan; gayunman, mananatili kang panatag, gaya ng ampiteatro ng mga palayan sa Batad. Sa loob-loob mo, ang mga piramide at templo mong naririnig ay pawang mga bato—na hinding-hindi mo ipagpapalit sa mga lungting hagdan ng Kiangan tungong kalangitan, na tila masaganang hayin kay Kabunyian. “Makakain ba ang bato?” untag ng iyong puso. “Hindi ba bato’t guho ang hinukay ng sepulturero ng mga alaala?” Minsan pa, mauulinig mo ang itinuro sa iyong palat; at mapapahagikgik, habang nakatitig sa iyo ang mga banyagang init na init.

Alimbúkad: Poetry dream across cultures. Photo by Mike van Schoonderwalt on Pexels.com