Pulpolitiks, ni Roberto T. Añonuevo

Pulpolitiks

Roberto T. Añonuevo

Para itong kilikíli o galáng-galáng, na pana-panahong sinusúkat ang taglay na init o tibók, nang matiyak kung ang láwas ng madla ay may lagnat o pilay. Hindi sapát ang pagpapatunay ng paningin o pandinig, o kaya’y ang pahiwatig ng ritmo ng maluwag na paghinga; kailangan, sabi ng awtoridad, ang termometro at relo sa pag-arok sa pagkatao, upang pagkaraan ay maibigay ang tumpak na pampaginhawa sa anyo man ng ulan ng mga kendi o ulan ng mga bala. Ngunit espasyo rin ito upang diktahan ang isip, ang isip na tinuturukan ng lason, wika ng rumarapidong tinig sa radyo, upang mapaniwala ang tao na may sakit o may taning sa mundo, kahit mukhang malusog pa sa kalabaw. Mag-iimbento ang mga mananaliksik ng mga tanong, mga tanong na sila rin ang ibig sumagot at ibig ipalunok sa iyo ang resulta, na pakiwari mo’y walang saysay at para lámang sa laboratoryo ng mikrobyo, ngunit mamumulagat ka na lámang na mula roon ay maititindig ang paliparan o pasugalan o ospital para sa mga dinoktor na papel at pagtataksil. Sa tumpak na sandali’y makapag-uutos din ito sa ituturok sa iyong bakuna, sa dapat mong maabot na temperatura, at sa anumang ayuda sakali’t manatili ang pandemya, habang bumibilib kang nagmumurá sa monologo ng posonegro—mula sa koboy ng sariwang dinastiyang elemental.

Alimbúkad: Poetry beyond press release. Photo by Tima Miroshnichenko on Pexels.com