Parabula ng Turista
Roberto T. Añonuevo
Inaakyat ng mga mata mo ang Templo ni Kukulkán, ngunit pumapasok sa iyong guniguni ang mga payëw ng Hungduan na waring handog sa dambuhalang gagambang selestiyal. Sinamba umano noon ang lumilipad na ulupong sa Yukatán, saad ng polyetong dala-dala mo, na habang binabalikan mo’y parang kuwento ng salít-salítang bakunawa at minokawa, alinsunod sa inog ng araw at buwan. Mga piramide sa disyerto, na sintigas ng bisyon ni Imhotep, ang maangas na isiningit ng isang kabataang turista, na waring inupahan ni Netjerykhet para ka gulantangin. Napailing ka. Higit na matanda ang mga piramide ng Brazil, wika ng isa pang turista, at ipinagmagara kung paano binigti ng mga baging at ugat ang natuklasang mga batong inukitan ng epiko ng kagubatan. Hindi magpapatalo ang turistang naglagalag sa Tibet at India, at ikinompara ang mga piramideng waring luklukan ni Shiva laban sa Borobudur ng Java. Habang nakatayo’y tila tatangayin ka ng bagyo ng mga salita at laway sa kabila ng alinsangan; gayunman, mananatili kang panatag, gaya ng ampiteatro ng mga palayan sa Batad. Sa loob-loob mo, ang mga piramide at templo mong naririnig ay pawang mga bato—na hinding-hindi mo ipagpapalit sa mga lungting hagdan ng Kiangan tungong kalangitan, na tila masaganang hayin kay Kabunyian. “Makakain ba ang bato?” untag ng iyong puso. “Hindi ba bato’t guho ang hinukay ng sepulturero ng mga alaala?” Minsan pa, mauulinig mo ang itinuro sa iyong palat; at mapapahagikgik, habang nakatitig sa iyo ang mga banyagang init na init.
