Salin ng tatlong bahagi ng “Vita Nuova,” ni Dante Alighieri ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Bagong Búhay
I
Sa aking Aklat ng Gunita, sa unang bahagi na kakaunti lámang ang mababása, ay naroon ang kabanata na may pamagat: Incipit vita nuova [Simula ng bagong búhay]. Hangad kong sipiin sa munting aklat na ito ang mga salitang isinulat sa ilalim ng gayong pamagat—kung hindi man ang lahat ng ito ay kahit yaong pinakaubod ng mga kahulugan nito.
II
Siyam na ulit mula nang ipinanganak ako’y uminog ang langit ng liwanag sa iisang punto, nang bumungad sa aking paningin ang ngayon ay mabunying dilag ng aking isip, na tinawag na Beatrice ng mga tao na ni hindi alam kung ano ang kaniyang pangalan. Umiral siya sa búhay na ito nang sapat para ang langit ng mga nakapirming bituin ay makaabot sa ikalabindalawang antas sa Silangan ng kaniyang panahon; kumbaga, lumitaw siya sa akin sa simula ng kaniyang ikasiyam na taon, at unang nakita ko siya sa halos pagwawakas ng ikasiyam na taon. Lumantad siyang nakadamit sa pinakamaharlikang mga kulay, na sikíl at mahinhing pulá, at ang kaniyang roba ay may tali at napalalamutian sa estilo na angkop sa kaniyang edad. Sa sandaling iyon, at nagsasabi ako nang totoo, ang masiglang diwa, na nananáhan sa pinakalihim na silid ng puso, ay nagsimulang kumatal nang napakalakas na kahit ang maliliit na ugat ng katawan ko’y ano’t apektado; at sa panginginig, winika nito ang ganitong mga salita: Ecce deus fortior me, qui veniens dominabitur michi [Narito ang diyos na higit na malakas sa akin at dumating upang sakupin ako]. Sa sandaling iyon, ang likás na diwà, na nananáhan kung saan tinutunaw ang pagkain, ay nagsimulang tumangis, at inusal ang mga salitang ito habang lumuluha: Heu miser, quia frequenter impeditus ero deinceps! [Ay, kawawa naman ako! Malimit na akong mabubulabog mula ngayon!] Masasabi ko na mula noon, pinagharian ng Pag-ibig ang aking kaluluwa, na kagyat namang naging matapat sa kaniya, at lumukob iyon sa akin nang may katiyakan at pamamahala, at idinulot sa kaniya ang kapangyarihan ng guniguni, at maihahandog ko lámang ang sarili sa kaganapan ng kaniyang bawat kaluguran. Madalas niya akong utúsan na umakyat at hanapin ang pinakabatà sa mga anghel; kayâ noong unang mga taon ay malimit ko siyang hanapin, at natagpuan siya na may likas na dangal at karapat-dapat sa gayong paghanga na ang mga salita ng makatang si Homer ay bagay na bagay sa kaniya: “Waring anak siya hindi ng mortal, bagkus ng bathala.” At bagaman ang kaniyang hulagway, na nananatiling palagi sa akin, ay pagtitiyak ng Pag-ibig na hawakan ako, iyon ang lantay na kalidad na hindi ako papayagang pagharian ng Pag-ibig nang walang matapat na patnubay ng katwiran, sa lahat ng bagay na ang payo ay malaki ang maitutulong. Yámang ang maglunoy sa aking libog at gawi noong kabataan ko’y tila paggunita sa mga pantasya, isasantabi ko muna ang mga ito; at sa pagtanggal sa maraming bagay na masisipi mula sa teksto na bukál ng aking mga salita ngayon, magtutuon ako sa mga isinulat sa aking alaala sa ilalim ng higit na mahahalagang pamagat.
III
Makalipas ang maraming araw sa nasabing siyam na taon nang makita, gaya sa nailarawan, ang pinakamarikit na binibini, naganap naman sa huling mga araw ang paglitaw ng mahiwagang babae, na nakadamit sa dalisay na kaputian, na nakapagitna sa dalawang maharlikang babaeng nakatatanda sa kaniya; at habang tumatawid sa isang kalye, ipinaling niya ang tingin sa kinatatayuan ko na kahiya-hiya, at sa gayong di-mailarawang kabutihan na ngayon ay pinagpala siya ng walang hanggahang búhay, mahimalang binati niya ako na wari ko’y nang sandaling iyon ay lumukob sa akin ang lahat ng labis na ligaya. Iyon ang ikasiyam na oras ng nasabing araw, ikatlo ng hapon, nang ang kaniyang matamis na bati ay sumapit sa akin. Halos lumutang ako sa tuwa, at inasam ang pag-iisa sa aking silid, at doon ko sinimulang isipin ang butihing dalaga at, sa pagninilay sa kaniya, nakatulog ako nang mahimbing, at isang kagila-gilalas na pangitain ang nasilayan ko. Waring nakita ko ang ulap na kulay apoy, at sa nasabing ulap ay naroon ang isang makapangyarihang tao, na nakasisindak masdan, ngunit siya rin ay kahanga-hangang sakbibi ng tuwa. Nagsalita siya, at maraming binanggit na bagay, na kaunti lamang ang naunawaan ko; ang isa’y Ego dominus tuus [ Ako ang iyong panginoon]. Tila naaninag ko sa kaniyang mga bisig ang isang natutulog na pigura, lastág ngunit bahagyang nakabalot sa telang pula; nang titigan ko nang maigi ang pigura, nakilala ko ang dilag na bumati sa akin; ang dilag na noong hápon ay mapagkumbabang bumati sa akin. Sa isang kamay ay waring tangan ng lalaki ang apoy, at wari ko’y inusal niya ang mga salitang ito: Vide cor tuum [Masdan ang aking puso]. Makalipas ang ilang sandali, tila ba napukaw ng lalaki ang dalagang natutulog, at pinilit niyang ipakain sa dilag ang naglalagablab na bagay sa kaniyang kamay; bantulot na kinain iyon ng babae. Pagkaraan ng ilang sandali, ang kasiyahan niya ay napalitan ng mapait na paghagulgol, at umiyak nang nakayakap sa dilag, at sabay silang umakyat tungong kalangitan. Sa yugtong ito ng aking pananaginip, hindi ko nasikmura ang lungkot na nadama; at naputol ang aking panaginip at nagising ako. Nagsimula akong magnilay, at natuklasan ko na ang oras nang lumitaw ang pangitain ay ang ikaapat na oras ng gabi. Inisip ang aking nakita, saka nagpasiya akong ihayag iyon sa maraming bantog na makata ng panahon. Dahil hindi pa naglalaon nang mag-aral akong mag-isa sa pagsulat ng tula, nagpasiya akong kumatha ng soneto na laan sa matatapat na tagasunod ng Pag-ibig; at sa hiling sa kanilang ipakahulugan ang aking pangitain, susulatan ko sila kung ano ang nakita ko sa panaginip. At nagsimula akong sulatin ang sonetong ito, na nagsisimula sa Handog ko sa bawat kaluluwa’t puso.
Handog ko sa bawat kaluluwa’t pusò
ang mga salitang maselang tinahî
upang sagutin mo, na isang pagbatì
sa ngalan ng iyong poon na Pagsuyò.
Itong tatlong oras, ang oras ng wakás
ng mga bituing ngayon napapáram,
ang yugtong sumikat sa tanaw ang Mahál,
na nakaiinis ang anyong matatáp.
Masaya, wari ko, ang sintang kumuyom
sa aking damdamin; at niyakap niya
ang pagnanasa kong himbing mamahinga.
At pinukaw niya ang dilag sa apoy
na sakdal lumukob sa kaniyang dibdib,
at nita’y pag-ibig sa luha nasaid.
Ang sonetong ito ay nahahati sa dalawang bahagi. Sa unang bahagi, isinaad ko ang pagbati at humingi ng tugon, samantalang sa ikalawa naman ay inilarawan ko kung ano ang hinihinging tugon. Nagsimula ang ikalawang bahagi sa Itong tatlong oras.
Tinugon ng marami ang sonetong ito, at binigyan ng samot na interpretasyon, kabilang na sa mga sumagot ang itinuturing kong matalik na kaibigan, na tumugon sa sonetong nagsisimula sa Wari ko’y taglay mo ang lahat ng mahal. Ang tunay na kahulugan ng paniginip na aking inilarawan ay hindi naarok ninuman noon, ngunit ngayon ay ganap na malinaw kahit sa isang sopistikado.
