Bayraktar
Roberto T. Añonuevo
Hindi nagkamali si Daedalus noong una pa man.
Sumasapit sa aming paningin ang mga makina
sa anyo ng kawan ng laksa-laksang balang,
at sa kisapmata,
ang larangan ay babangungutin sa impiyerno.
Laós na ang tangke at sopistikadong eroplano.
Noong magpalipad ng saranggola ang paslit,
aakalain ba ninuman na makapaghahatid ng apoy
ang hulagway na umaalagwa tungo sa ibayo?
Ngunit iba na ngayon, at nagbago ang laro.
Ang magkapakpak ay gahum ng hangin at ulap
sapagkat malawak ang kalangitan
ngunit tulad ng nakagawian ay hindi kontento
ang mga diyos sa maraming mapang sanggunian.
At kung isipin man ang pagtakas sa bilangguan
ay katumbas ng higit na matinding pagsalakay
o pagwasak o paglipol habang pakape-kape
ang mga heneral sa malamig na silid.
Mga laruan para sa tirano ng mga topograpiya,
ikakatwiran ang agham sa bundok ng mga butó,
at maglalakad ang mga kaluluwa na sinisípat
ng teleskopyo upang muling itanghal sa mundo.
Kapag naligaw sa aming bintana ang isang pipit,
kahit huni ng kapayapaan ay mapaghihinalaan,
gaya ng gutóm na uwak o sulat na nakalalason,
at maihahaka rin ang mga balatkayo sa anyo
ng mga lagás na balahibo.
Nakini-kinita na ito ni Elon nang titigan si Ikaro:
Hindi nagkamali si Daedalus noong una pa man.
Alimbúkad: No to war. Yes to Poetry. Yes to humanity. Photo by JESHOOTS.com on Pexels.com