Salin ng “رسالة من شهيد” ni Mbarka Mint al-Barra’ ng Mauritania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni John MitchellMensahe mula sa Martir
Mamaríl ka, matagal nang nagliliyab ang aming puso
Sa lupaing ito, at umaapaw ang lungkot sa pagdurusa.
Mamaríl ka, o buhóng, dahil hindi na ako natatakot
Palampasin ang pamamaslang mo, ni tatakbo palayo.
Pinalulusog ng dugo ko at pinananariwa ang lupaing
Ito, nagtatanim ng salinlahing maláy at may pag-asa.
Lumalago ang bisig at paa mula sa butil ng shrapnel;
Nabubuo ang mga kamay na makapagpuputong sa bukál
Na nananalig na ang lupaing ito ang laging tahanan:
Matapang nilang igigiit ang karapatan sa bawat sulok.
Nasaan man ako, ang lupaing ito ang aking rubdob;
Makikisanib ang galimgim sa eternal na pag-ibig.
Wala akong pakialam kung marami man ang pagsabog.
Hindi ako nasisindak sa mapamuksang kidlat at kulog.
Alimbúkad: Poetry solidarity against slavery and intolerance. Photo by Tomu00e1u0161 Malu00edk on Pexels.com