Kapalaran, ni Roberto T. Añonuevo

Kapalaran

Roberto T. Añonuevo

Ang bagong kalendaryo sa dingding
ay bulateng marahang gumagapang
at nagiging disyerto na kasinlawak 
ng langit sa isang iglap.
Ito rin kaya ang nasasagap ng iba?
Mamangha ay hindi biro; ang riles
sa tigang na lupain ay parang walang
katapusan, ngunit paulit-ulit pa rin
na binabaybay ng mga pasahero
ng tren. Bawat bagón ay may kargamento
ng pangarap, marahil para makakita
ng gusgusing lungsod o asul na dagat,
upang iduwal pagkaraan ang mga tao
na magsásadulâ ng ingay sa palengke
o sigaw ng iníp na kaláwangíng barko
o senyas sa puslit o paslit na biyahero.
Ang Lunes ay kasimbagal ng Biyernes.
Pumikit at maririnig ang tumitilaok
na bituka, o umiingit na mga bakal.
Ngunit walang espasyo ang gutom o uhaw
at aangkop ang lawas sa ibig ng isip. 
Ay, higit na maginhawa pang tumingin 
sa mga bituin sa pagtatakipsilim——
pabigat na palamuti ang relong Suwiso.
Ito na yata ang pinakamalamig na gabi.
Ang simoy sa buhangin ay tila pulutong 
ng kawal na magsisiyasat ng pasaporte.
Alimbúkad: Filipino poetry eruption beyond pandemic anthologies. Photo by Pixabay on Pexels.com