Salin ng tatlong bahagi ng Tombeau d’Ibn Arabi, ni Abdelwahab Meddeb ng Tunisia at France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Libingan ni Ibn Arabi
Abdelwahab Meddeb
I
Mga guho, tandaan, mga tiwangwáng na lupain, alikabok, kanlungan ng mga lagalag, sumasanib ang tinig sa alingawngaw nito, masdan ang lalaki sa yungib, salamin ang bato, abandonado ang lahat, hinintay ko ang mga ulap na lumuha, hinintay ko ang mga bulaklak na magwika, sumigaw ako, ngunit walang tumugon, narinig ng bato ang aking pananabik, ilang buwan ang ipinukol sa balón, ilang araw ang umahon mula sa paglimot, inabót ng punongkahoy ang langit, at ang kislap ay binaybay ang bituin, gumuhit ng alpombra ang kidlat sa mga anino, sa promontoryo sa timog, ang simoy ay humahaging sa kulog, sa bagnos, nagrosaryo ako ng mga perlas, ang mga itim na kamelyo’y dinoble ang mga bundok at buról, tinakpan ng buhangin ang mga bakás ko sa mga duna, naglagalag sa mga lilim ng hardin ang mga pitho, ang init ng tag-araw ay ngiti ng babaeng hinuhukay ang kaugalian sa mga manyika, kay dami ng malalabong daan, o gunita, o hiwaga, tila kisapmata ang liwanag, sa loob ng puso ay nakaukit ang sinaunang damdamin, na nakabibiyak.
II
Sa anong mga salita ko bibigkasin, saang palumpong tatawirin, sa kapayapaan, sa panganib, nalulunod ako sa pag-ibig, upang pagdaka’y tumakbo pabalik sa sariling mga bakás.
III
Kung gaano siya kabilis lumitaw ay gayundin kabilis umurong, dala-dala ang kaniyang mga pabango at sangkap pampalasa, sa madaling-araw ng mga paboreal, huwag mabahala sa oras, nakábibíghanì ang trono sa bisyon, umindak paikot sa kristal na sahig ang dalaga, inililis nang bahagya ang kaniyang bestido, siya ang araw na bumubúhay sa mga kulay ng araw, halimúyak niya’y nakapágpapálugód, búkong-búkong niya’y kumúkulilíng sa mga pinilakang bitík, nangángatál ang kaniyang mga binti sa bawat hakbang, siya ang nagháhatíd ng mga liham sa mga nauuhaw, ang mola ng hitano, ang baláy ng nagdaraan, kapag inihandog niya sa iyo ang pakikipagtalik, binubuksan niya ang sarili sa iyong alaala, at hinihíla ka palayo sa batas, sa isang gabi, mangunguna siya tungo sa lihim, at wawasakin ang lahat ng ritwal na humaharang sa pagnanasa, sa bawat tanyag na korte, sa bawat templo, siya ang kadakilàan ng bawat aklat, nawalang saysay ang panawagan ko sa kaniya nang paalis na siya, naglabas ako ng paldo-paldong salapi, nasaid ang aking pasensiya, pinánatilì ang kaniyang kariktán, na naglálagabláb sa pinakámarangyâ sa mga paglalakbay ko, at lumúkob sa akin ang pangínginíg ng isang anghel.
