Bárbara
Roberto T. Añonuevo
“Upang makilala,” pahayag minsan ni Bárbara, “ay dapat isaisip at isapuso ang kasarian.” Ang kaniyang mga akda (na mala-ube ang pabalát ngunit waring nagkukubli ng kimikong pormulasyon ng búrak) ay nagsimulang lumunsad sa daigdig ng panitikan na naglalabo-labo ang mga brusko, babaero, at lasenggo na magtatawanan pa matapos magsapákan o magbasagán ng bayag. Babae ang mga akda niya, babae kung pumili mula sa Villa Mare, o ito ang panlilinlang sa kaniya ng angking guniguni, sapagkat ang mga tauhan niya ay babae o pambabae, na kung hindi mapagpatawá ay galít sa mundo, at kung magkaroon man ng ásal o baít o hágod ng lalaki ay ituturing niyang binabae, ngunit hindi kailanman báyot na iniiyót nang patalikod, ni bato na newtral at nakapirmi para sa kaluguran ng malikot na eskultor. Kailangang ipagtanggol niya sa kaniyang mga sanaysay ang pangwakas na moog ng kalooban, ang pagka-feminista na waring kambal na katauhan ng maalamat na Purita at Fefita, naggigiit ng espasyo at gahúm at karapatan, marahil upang libakin ang mga lalaking kung sumulat ay tulisan o bilyonaryo mag-isip na walang pakialam sa kasarian bagkus sa hahamiging ari-arian; at siya, na nahirati at lumaki sa mga sayaw at awit at telenobela, ay nakákukutób na panahon nang baligtarin ang daigdig bago pa siya maiwan sa pansitan. Ang kaniyang mga akda, na naging babae dahil babae ang awtor, kung paniniwalaan ang mga seksiyon sa aklatan, ay nagiging babae rin sa pagtanaw ng kaniyang mga muslak na mambabasa, na kung hindi rin babae ay ibig maging babae, subalit ipagkakanulo siya ng anumang bahid na mula sa lalaki. Parang bahaghari, paniwala ni Bárbara, ang dakila niyang mga salita, mga salitang kapag pinagsama-sama’y nagiging antolohiyang sumusurot sa patriyarka at mapandahas nitong kalibugan, lihis man ang lohika o linsad ang gramatika o hokus pokus ang kasaysayan, basta matatag ang pagsasaharáya, at kulang na lámang timplahin bilang kalkuladong matriyarkado at marxista, kumakapâ sa mga ugat at diyalektika habang nakatitig sa pabrika ng mga diksiyonaryo at puhunan ng naghaharing uri, o higit na tumpak, ng nagrereynang uri, upang isigaw na ang ekonomikong produksiyon sa limbagan ang magdidikta ng bisyon at sining na dapat lasapin ng sambayanan. Natuto rin siya habang tumatagal sa salimuot ng burukrasya para lumikha ng sariwang kultura at batas na pabor sa kaniyang simulain, nakikipagbungguang-balikat sa gaya ng mga trápo, kúpal, o tibák kung kinakailangan, at ang pagtatatág niya ng kapisanan ng mga babae ay para banggain ang gahum ng mga lalaki o babaeng tumiwalag sa simulain ng kababaihan, na kung tatanungin naman ang mga sinasabing lalaki ay tutugunin siya ng bato-bato sa langit, sapagkat kailan pa naisip ang bakbakan o poder, anila, kung wala sa hinagap nila ang pumatol sa kaniyang mga akda? Nakásasawà rin ang korona, biro ng mga lalaki niyang kakosa kuno, at maluwag na ibinigay ang trono para sa kasiyahan ng sanlibo’t isang Bárbara na isisilang. Pinalalakad ni Bárbara ang kaniyang mga akda na magandang silipin, o kaya’y umasintá, sa bintana habang eksperto sa kusina o magpalaki ng mga bata—alisto sa anumang pasaring at palipad-hangin—pinagbabanyuhay ang sinaunang kawikaan, at ipinángangálandákan na ito ang bagong kawikaan, lalo sa panahon na dapat magmartsa tungo sa Palasyo ng Malabanan sapagkat malaganap ang kabuktutan at hindi masupil ang pandemya ng medyokridad. Ipaglaban ang karapatan ng mga babae! Ipaglaban! Ito ang paulit-ulit isinisigaw ng mga akda ni Bárbara, na nakaririndi rin kahit sa tainga ng mga tindera o tumitiktok na dalagita. Kailangang pangatawanan ni Bárbara ang iisang polo, ang iisang tindig, ang iisang tinig, buskahin mang nakasasakál o nakasusuká ang linya, gayong sikát na nakatanghal, at parang set ng kosmetiko, sa kaniyang tokador. Ngayon, nag-iisip ang kaniyang bagong ahente at editor kung paano papalitan ang sagisag panulat niya—para umangkop sa eyre niyang sopistikada.
