Ang Pagsasalin bilang Pagtulâ: Isang Pagninilay sa Words and Battlefields ni Cirilo F. Bautista

ni Roberto T. Añonuevo

[Mulang 28 Marso hanggang 2 Abril 2021 ay matutuhanghayan dito sa Alimbúkad ang buong salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Words and Battlefields ni Pambansang Alagad ng Sining Cirilo F. Bautista, bilang pagpupugay sa ika-80 anibersaryo ng dakilang makata at teoriko.]

Isinásaád sa sinaúnang kawikàang Tagalog ang talinghagà ng págsasálin: “May taingá ang lupà,/ may pakpák ang balità.[i]” Taliwas sa nakamihasnang pagbása, ang nasabing kawikàan ay hindi lámang maílalaán sa pahiwátig ng tsismis o paniniktík, o sa bilís ng paglagánap ng impormasyon, bagkus sa pagságap ng tunóg at signo, na maghahatíd ng mensahe, at magpapasangá ng mga kahulugán at pahiwátig, upang sa bandang huli’y magluwál ng sariwàng interpretasyon sa pinagmulán ng teksto. Mahalaga sa pagsasálin ang paraán ng pagságap sa tunóg at teksto, sapagkat hindi iisang tábas ang mga wikà, at ang mga wikàng ito ay nahuhúbog ng iba’t ibang lipúnan at gahúm na gumagamit nito para sa kapakanán ng mga tao sa isang tiyak na poók at panahón.

Kung paniníwalàan si Friedrich Schleiermacher[ii], ang pagsasálin ay may dalawang ágos: maaaring ilapít ang awtor túngo sa mámbabása, o lumápit ang mámbabása túngo sa awtor. Sapagkát ang mámbabása, o sabihin nang tagasálin, ay may sariling paraán ng pagságap sa wikà, ang pagsasálin ay maaaring makábulábog sa nakámihasnán niyang pagbása, at sa gayon ay maibá ang kaniyang pagdulóg sa teksto upang maunawàan ito nang lubós. May taingá ang lupà, ngunit dapat tandaan na may iba’t ibang lupàin, at sa mga lupàing ito ay may iba’t ibang tradisyon at kasaysayan ng paglagô ng wikà at diskurso ng mga tao. Ang lupàing sumaságap ng mga salitâ o teksto mulang ibayong dágat ang sentral sa págsasálin, kung isásaálang-álang ang diskurso ng sinaúnang Tagálog; at kung tititigan ang nasabing kawikàan—na nasa anyô ng sopistikadong tulâ—ay kailángang maging matálas ang pandiníg upang magíng malínaw ang pagságap at maunawàan nang lubós ang lahat ng íbig sabíhin ng teksto at tunóg.

Isang urì ng komunikasyon ang pagsasálin, wika ng mga teoriko[iii], at kung paniniwalàan si Lawrence Venuti[iv], ang ermenyutikang konsepto ng wika ay makiling sa interpretasyon na nagtataglay ng mga kaisipan at kahulugan, at ang mga káhulugán ang humuhúbog sa realidad na sasagápin ng mámbabása. Ang taingá ng lupà ay lampás sa pisikalidad ng pandiníg at pag-uliníg, o sa pisika ng alúnigníg o alíngawngáw. Ang taingá ang kasangkapan ng lupà para sagápin ang anumang mensaheng nagmulâ sa kung saang lupálop, ngunit ang anumang masagap ay nagiging matalinghagâng balità na makararating sa mga tao na nakauunàwa ng wikà at diskurso nito. Ang may pakpák ang balità ay resulta ng pagságap ng lupà; at sa sariling interpretasyon nito’y maaaring isílang ang mensahe na bukód sa lingguwistikong aspektong tagláy nito ay makapág-aangkát o makapágluluwás ng reaksiyon sa mámbabása o konsumidor ng kahulugan at páhiwátig. Samantála, ang malímit hindi napápansín ay ang balità na kung mágmumulâ sa ibang bayan at mágmumulâ sa ibang dilà ay tiyák na may kakayaháng magpalípat-lípat ng puwesto dahil sa katangìan nitong uyamín ang gravedad. Ang balita na iniluwás túngo sa ibang báyan ay iíwan ang orihinal nitong silbí na tagláy nito at ginagámit sa lupàng pinágmulán; at sa proseso ng paglipád nito ay maaarìng makaságap ito sa eyre ng iba pang sálik upang pagsápit sa patutungúhan ay iba na ang maging anyô kaysa dáti.

Ibig sabíhin, ang lupà, gaya ng balità , ay hindi estatiko sapagkát patúloy ang vibrasyon sa káligirán. Hindi rin kaílanmán magiging newtral ang ihahayág nitong mensahe kung isásaálang-álang ang kapakanán ng mga tao na saságap ng balità at ang láyon ng pinágmulan ng balità; at kung ituturing na ang Filipinas ay sinakop at pinagsamantalahan nang napakátagál ng mga banyagà at pinahinóg gaya sa sukà o lambanóg ng mga kasabwát nilang naghaharìng urì na isinilang at lumaki sa Filipinas. Maaaring may likás na pinsalà noong una pa man ang taingá; o kayâ’y mapinsalà ito nang di-ináasáhan, lalo na kung ang sasagápin nitong mga salità ay nakásusúgat kung hindi man sugatán, sa anyô man ng interlingguwistikong manióbra o intersemyotikong móro-móro. Ang balità ay may likás na ebolusyon tangkâin mang sagkâan o busalán ninuman, kapag isinálin o habang isinasálin ito sa iba’t ibang diwà at dilà.

Sapagkat ang wikà, sa paglipas ng panahón, ay palagìang lunán ng tunggalîan, gaya sa teorya ni Theodor Adorno[v]; at ang kakabít nitong diskurso na humuhúgis ng bagong realidad ang dapat maunawàan at subáybayán. Natútunugán ang pagkakáhawíg at pagkakáibá sa mga wikà kung titímbangín ang epekto ng mensahe túngo sa mámbabása sa isang pánig; at sa awtor, kung mábaluktót o mápungúsan ang kaniyang mensahe, sa kabilang panig. Kung paniníwalàan ang Ewropeong gahúm, ang páglapastángan sa mulàang wikà sa yugtô ng págsasálin ay kasalánang mortal, na idinadambanà ng Italyanong kawikaang “Traduttore, traditore” [Tagasalin, taksil]; at kung paniníwalàan naman ang káwikàang Tagalog, ang kapángyaríhan, henyo, at hiwagà ng tungúhang wikà ang dapat manaíg sa diskurso ng págsasálin—alinsúnod sa konsepto ng “pagságap” at “paglipád” mula sa dalúmatang Tagálog—at hindi malalayô sa konsepto ng anuvad sa India, na sa literal na pakahulugan ay “muling pagsasabi o pag-uulit ng sinabi,” o sa konsepto ng págsasálin ng dugô, gaya sa pagtanáw ni Haraldo de Campos, na ináasáhang makapágpapásiglá sa tagasálin at wikà ng pagsasálin[vi].

Kung itutúring na asimetriko ang ugnáyan sa pánig ng mga kultura sa iba’t ibang lupàin, hindi lámang dapat páhalágahán ang pinagmulàng wikà, bagkus dápat mágkaroón ng katumbás o higit na pagpapáhalagá sa tungúhang wikà. Sapagkát nasusugátan din ang tungúhang wikà, kung ipagpápalagáy na nagmulâ ito sa mahihírap at kolonisadong bansâ, na minálas  masalínan ng kontaminadong dugô o láson mula sa mapanákop na bansâ. Samantála, lumiliít o lumalakí o nabibílog ang ulo ng mga tao na tumátanggáp ng matálinghagàng balità bilang teksto, kapalit ang labis na pagdambanà sa mulâang teksto at banyágang wikà. Ang politika ng signo ay hindi lingid sa mga Filipino: matútunghayán ito mulang dasál at palakásan hanggang kilometrikong talumpatì at balagtásan; mulang anúnsiyóng komersiyal hanggang kampanyang pánghalálan, at iba pa. Sa kawikàang Tagálog, ang balità ay mahihinuhang paúlit-úlit na nálilikhâ at kinákasangkápan mulâ sa isang báyan na natatangì ang wikà at diskurso túngo sa ibang báyan na may sariling wikà at diskurso. Ang maganda rito’y naipámamálas ang pambihirang katangìan at káakuhán ng lupà na magproseso ng anumang dápat íparatíng sa dapat kumonsumo ng mga kahulugán, pahiwátig, o alunigníg.

Ang aklat na ito ni Cirilo F. Bautista ay isinalin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo para sa kapakinabangan ng mga guro at estudyante sa Filipino. Ang buong salin, na pinamagatang Mga Salita at Larangan: Isang Pagninilay sa Tula, ay mababasa rito sa Alimbúkad.

Sa pagsusurì ng mga tekstong sáling pampánitikán, karaniwang nangíngibábaw ang pagtítig sa estilo at poetika sa pagsasálin. Ngunit ang pagsasálin sa Filipino ng Words and Battlefields: A Theoria on the Poem (1998) ni Cirilo F. Bautista ay lumálampás sa pagtimbáng sa estilo at poetika, o kaya’y sa dinamikong tumbásan ng mga salitâ at diwà, sapagkat ang pagsasálin ay maituturing din na pagkathâ ng panibagong tulâ—ang tulâ na hindi maíkakahón at hindi rin maipápakáhulugán sa ilang salitâ, gaya sa pagninílay ni Bautista. Nagbabágo-bágo ang tulâ sa paglipas ng panahon, nakátatawíd sa hímpapawíd at nakáraratíng sa diyasporang Filipino, nagsusúot ng damít na kung mínsan ay alangáning prosa at alanganing lirikong de-tugmâ’t súkat, bukód sa nagtítiniklíng sa gramatika at palaugnayan, sapagkat ang pag-iral nito ay warìng nakápaloób sa Gomang Tore, na ipinágtatanggól sa isang pánig ngunit sinásalákay din ng kalában sa kabilang pánig; sapagkat ang tulâ ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandár anuman ang panahón at pagkakátaón. Ang Gomang Tore, sa bisyon at telebisyon ni Bautista, ang talinghagà rin na gagamítin sa pagsasálin sa Filipino, ang ultimong tarugò na nakatírik upang suhayan ang luwalhatì ng kámalayán.

Matútunghayán ang anomalya sa akda ni Bautista sa páalála sa mga mámbabása:

This discourse on the poem is actually a theory disguised as a parable disguised as history disguised as sociology disguised as a poem. One should be wary of disguises.

[Itong diskurso sa tulâ ay teorya na sadyang isinabalatkayô sa parabula na isinabalatkayô sa kasaysayan na isinabalatkayô sa sosyolohiya na isinabalatkayô sa tulâ. Dapat mag-ingat ang sinuman sa mga pagsasábalatkayô.] 

Na maaaring sagápin na ang pagtalákay sa tulâ at lente ng pagbása nito ay nasa anyô ng di-pangkaraniwang paglalahad at interkonektadong disenyo, kumbaga, ang diskurso na ginamitan ng taktika sa pagtulâ; at ang paggamit ng ligoy ay mahíhiwatígang hindi basta paglulustay ng mga salita, bagkus pagsasadula ng ostranenie [depamilyarisasyon] ayon sa pakahulugan ni Viktor Shklovsky. Matátagurìan sa Filipino na isang paraán ng disiplinadong pagninílay ang “theoria” ni Bautista: ang pinapaksâ ay hindi lámang búnga ng diyalohikong salpukan ng mga diwain at kahulugan, bagkus aktibong bahagi ng nasabing diyalohikong ugnayan sa iba’t ibang antas ng kamalayan—na kagila-gilalas na lumalabás na tulâ.

Sa nasabing pangyayari, ang pagsasálin ay nangangáilángan din ng higít na mabisàng “teknolohikong paghahandâ” kung hihiramín ang dilà ni Bautista.

Masisípat ang teksto ni Bautista na isa nang anyô ng sálin, na bagamán orihinal na isinúlat sa Ingles (na sa kasamaang-palad ay hindi pa rin maituturing na katutubong wikà sa Filipinas, bagaman inangkin na umanó ng mga Filipinong manunulat na nagpakabihasâ sa Ingles, gaya ni Bautista) ay nágmumulâ ang kaisipan sa Filipino na nágkataóng nasa Filipinas at lumakí at dumaán sa katutubong kultura habang nag-iíwi ng kasaysáyan at mahabàng bakbákan mulang pabigkás hanggang pasulát na tradisyon sa panitikan[vii]. At kung isinálin nga ni Bautista ang sarili sa teksto na kaniyang nilikha, ang sálin sa Filipino ay hindi dapat sálin lámang ng isa pang sálin, bagkús dápat magíng isang paraán ng kalkuladong pagbagtás sa kamálayáng Filipino (na masasabing nagkalámat dahil sa mga banyagàng wikàng ipinasúso ng mga banyagà). Ito ang siníkap gawin sa pagsasálin sa Filipino. Nágtatangkâ ang teksto sa Filipino na kusàng mágkapakpák sa malikhàing paraán, at magbanyúhay, na magiging testamento sa patuloy na paglagô ng wikà at panitikang Filipinas. Heto ang halimbawang sálin:

Titígan ang Gomang Tore—hindi itó nághahasík ni umaáni, ngunit nanánatilìng obligasyon ng ísip na sagápin ito bilang tánging realidad. Naglahò ang kasibúlan nito sa mga talâan ng sinapupunan na ang bawat panahón ay takipsílim, pantáy takipsílim, na ang mga laruan at galáng ay ibinabaligyâ ang pangwakás na pag-íral nang matiyák ang mga papél nito sa talatàng itó, at maupós. Hindi pa man natutuyô ang tínta habang sumusulat ang panulat, bumabángon mulî ang mga itó upang manalákay pagkasílang. Ang tore ba ang diwà ng kabatàan habang niyúyugyóg ng hángin ang málalambót na bintî? O ito ba ang suklám ng kondenadong káluluwá na ipinatápon sa iláng at iníwang mamúhay nang mag-isá? May líhim ba itong bungô? Ito ba’y may pusò?

Ito ang tunóg, rítmo, at datíng na Bautista sa Filipino—na sumasálok sa dalúmatang Filipinas—at kung itatapát sa Ingles ay nakatitiyak na mahirap salatín kung alin ang naunang isinulat. Mapapansin ang dulás sa mga salita, at mahirap uyaming himig “balagtasista” o “armagedonista” o “abanggardista” o “modernista.”[viii] Lampas sa gayong tatak si Bautista basáhin man ang katumbás sa Filipino, at ito ang dapat tuklasín. Ang gayong pagsasálin ang matataguriang paglipád, imbes na pánggagagád lámang sa tekstong Ingles.

Sa unang tingin, ang tábas ng wikà at pagsasakatagâ sa Ingles ni Bautista ay malápot at mahirap arukín, sapagkat maituturing na isang lumalárgang wika na humihigít sa Ingles ngunit lumalagós sa Filipinong kamalayán upang makipágdiskurso sa pihíkang mámbabása, at itó ang nagiging pangúnahing dahilán kung bakit iniingúsan siyang basahin. Ngunit humihirap lámang ang pagbása dahil nakalululà ang bokabularyo at erudisyon, at kung hindi pamilyar ang mámbabása sa gayong testura ng teksto. Kapag nalusután ang naturang balákid sa págbabasá ay mabábatíd na madalî at payák ang lahat. Ang wika at pagsasakatagâ ni Bautista ang isang anyô ng pagsasálin ng kaisipan tungo sa papel (at nagpapagunita sa talinghagà ni C.P. Cavafy), ang pagkapâ sa katahimikan o bantulot usalín (bagaman hindi paikid ala-Jorge Luís Borges), o ang pagdukál kung hindi man pagkalantarì sa puwáng ng guníguní at pambansang kámalayán (na tila pakikipag-arnís kay José Rizal)—na higit na magiging makapángyaríhan sa oras na magkápakpák ang balità sa sariling wikà ng nakáraráming Filipino na dápat makinábang nitó.

Ang lígoy, na makapángyaríhang kasangkápan sa pananalinghagà at katangian ng panulaang Tagalog, ang gagamitin ni Bautista sa pinakámaringál na paraán. Ang lígoy, sa kamáy sa tersera klaseng manunulat, ay sumpâ at kaluguran para sa masokistang mámbabása. Ngunit ang lígoy, sa kamáy ni Bautista, ang pamána sa mapálad, masigásig na mámbabása upang patúloy na maging aktibo ito sa pagtuklás sa paláisipán ng espinghe o laberinto ng lingám kung hindi man heometriya ng bilyar, na pawang magbubúnga ng eternidad at pambihirang matá at kámalayán sa bagong realidad. Ang sálin sa Filipino ay nagtatangkàng itanghál ang pambihirang lígoy ni Bautista ngunit sa paraáng matálik sa dilà at uliníg ng mga Filipino. Sa ganitong pangyayari, ináasáhan kahit ang págbabágo sa tunóg at datíng ng teksto sa Ingles tungo sa Filipino[ix].

Ngunit maitatanong: Ano nga ba talaga ang háyop na kathâ ni Bautista? Bakit kailangan pa itong isálin sa Filipino?

Binúbuksán ng Words and Battlefields ang diskurso kung paano magpáhalagá o tumuklás ng tulâ, at kung paano sumúlat o magpakínis ng tulâ, at kung paanong ang tulâ ay nagiging sentro at eternidad dahil sa nalilikhang realidad sa tatsulok na balangkas na Awtor-Tula-Mambabása na nakalugar sa isang kultura at kasaysayan, at magpapagunita sa parádimá ni M.H. Abrams[x]. Para kay Bautista, ang tulâ ay hindi malamíg na bagay, bagkus isang pumipintíg na realidad na may kakáyaháng hubugin kahit ang ísip at paraán ng pág-iisíp ng mga tao. Ang tulâ, na nagiging matipunò sa bisà ng haráya, ay nagiging poók ng tunggalian sapagkat binubuô ito ng mga salita, at madedestrungka lámang sa pamámagítan din ng mga salita. Bukod dito, ang tulâ ay hindi makáiíwas makipágbakbákan sa iba pang tulâ , at manánaíg sa bandang hulí ang pinakámalakás. Kargado ng mga pakahulugan, signo, pagkiling, at ideolohiya ang mga salitâ, bukod sa may angking mahika at kapángyaríhan, na kapag naging tulâ sa kamáy ng isang manúnulát ay maaaring makapagdúlot ng kabántugán at makasákop sa ibang dominyo, o kaya’y makapagpaguhô sa matalínghagàng paraán sa poder ng tirano. Ang tulâ ay may sariling panahón ngunit kung minsan ay lumálampás sa panahón nito at nabibihisan ng bagong mito at pakáhulugán sa iba’t ibang panahón alinsunod sa pagtanáw ng mámbabása, habang maparíkalàng binubúhay ang makatà para sa panibagong mito ng pagkathâ at pagdakilà. At ang tulâ ay may sariling pinág-ugatán, ang kulturang magsasaad kung bakit naging tulâng Filipino o tulâng putomaya ang isang teksto. Ang patuloy na pagbábanyúhay kahit sa konsepto o hulagway ng tulâ ay makikita kahit sa anyô o padron nito, na kung minsan ay walang sinasabi, ngunit dapat pa ring pagnilayan ang katahimikan, o kung ano nga ba ang ibig sabihin nito kahit pa wala.

Ang lahat ng ito ay ipápaloób ni Bautista sa talinghagà at pananalinghagà na nasa anyông tulâng tuluyan (na malayong-malayo na sa tíkas ng gaya kina Aloysius Bertrand, Charles Baudelaire, Arthur Rimbaud, at iba pang makatang Frances) na nakikipágdiskúrso at nákikipágsabáyan sa iba pang panulàan at teorya mula sa iba’t ibang súlok at lilignán ng daigdig, habang humuhúgot ng mga alusyon sa mga kasaysáyan at lipunan upang maítanghál ang kabatíran sa sariwàng pagtanáw. Tatlumpu’t anim na yugtô sa tulâng tuluyan—na iba’t iba ang habà at taktiká—ang nakálahók sa buong koleksiyon; at bawat piyesa’y maítutúring na makapágsasaríli, ngunit may matálik na kaugnáyan sa iba pa para makabuô sa mala-epikong proporsiyon ng isang anyô ng tulâng tuluyan[xi]. Ang unang piyesa, na tumatayông pambúngad, ay nágsisilbíng kapílas na takúpis ng pangwakás na piyesa na bumíbigkís at nagpapáalúnigníg sa siklo ng diskurso. Ang nakápagítan sa natúrang dalawáng piyesa ang pángunáhing láwas. Ang kakatwâ’y hindi ipagsísigáwan ni Bautista na ang sinulat niya’y tulâng tuluyan; at mahihiwatigan lámang ang pagkatulâ ng kaniyang akda kung isásaálang-álang ang paraán ng pagságap, pagtanáw, at pagsasáharáya sa mga bágay-bágay at pangyayari ng personang kumákaúsap warì sa isang ídeal na mámbabása, at kung bábalikán ang malikhàing pagninílay at pagdulóg ni Bautista sa nagpápabágo-bágong anyô ng tulâ sa paglípas ng panahón.[xii]  

Samantála, ang pagsasálin sa Filipino ng akdâ ni Bautista ay masasábing muling pagkathâ sa malikhàing paraán sa teorya o pagninílay ni Bautista hinggil sa tulâ, at pagpápaláwig sa mito niya bilang makatà ng kaniyang panahon. Ngunit higit pa rito’y inilálantád ng sálin ang salát, lálim, láwak, at tunóg ni Bautista, alinsunod sa diskurso, parametro, at termino ng mga Filipino—isang pagdulóg at praktika sa lárang ng pagsasalin na isinalig din sa sípat at ugát ng Filipino—na hindi maikákailàng maláy sa larô at salamángka ng namámayáning gahúm na patuloy na nagpapábansót sa haráya ng Filipino. Hindi hakbáng pauróng, at lalong hindi pag-uulít o imitasyon, bagkus lipád pasulóng ang ginawang pagsasalin sa Filipino, kung gagawing patnubay ang kawikaang Tagalog. Ang sálin sa Filipino ang salákay na talinghagà sa Gomang Tore ni Cirilo F. Bautista—na karápat-dápat pahálagahán ang integridad at bisyón bilang Pambansang Alagád ng Sining, ngayón at sa daráting na panahón. 

Sanggunian

Abrams, M.H. The Mirror and the Lamp: Romantic Theory and the Critical Tradition. London/Oxford/New York: Oxford University Press, 1953.

Adorno, Theodor W. Aesthetic Theory. Gretel Adorno at Rolf Tiedemann, mga editor. Muling isinalin, inedit, at may introduksiyon ni Robert Hullot-Kentor. Minnesota: Minnesota University Press, 1997.

Adorno, Theodor W. at Max Horkheimer. Dialectic of Enlightenment. John Cumming, tagasalin. London at New York: Verso, 1979.

Almario, Virgilio S. Balagtasismo versus Modernismo: Panulaang Tagalog sa Ika-20 Siglo. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2016.

Almario, Virgilio S., editor. Introduksiyon sa Pagsasalin: Mga Panimulang Babasahin Hinggil sa Teorya at Praktika ng Pagsasalin. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2015.

Almario, Virgilio S. Ang Pag-ibig sa Bayan ni Andres Bonifacio. Manila: University of Santo Tomas Publishing House, 2012.

Almario, Virgilio S. Memo Mulang Gimokudan: Aklat ng Tulang Tuluyan. Quezon City: University of the Philippines Press, 2005.

Almario, Virgilio S. Ang Makata sa Panahon ng Makina. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1972.

Añonuevo, Roberto T., editor at tagasalin. Kontra Prosa: Mga Salin sa Eleganteng Filipino. Pasig City: MBMR Publishing, 2018.

Añonuevo, Roberto T., editor. Hulagwáy ng Filipino, sa Pandiwa Taon 4, Bilang 2. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2016.

Añonuevo, Roberto T. Alimpuyo sa Takipsilim. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2012.

Añonuevo, Roberto T. “Ang Dalumat ng Trahedya sa Pangwakas na Hudhud ni Rio Alma,” sa Ang Hudhud ni Rio Alma: Panunuring Pampanitikan, Romulo P. Baquiran, Jr., editor. Manila: National Commission for Culture and the Arts, 2009.

Añonuevo, Roberto T., Romulo P. Baquiran Jr., at Mesandel Virtuosio Arguelles, mga editor. Hulagwáy, Tomo 4, Bilang 1. Maynila: 2004.

Bassnet, Susan at Harish Trivedi, mga editor. Post-colonial Translation: Theory and Practice. London at New York: 1999.

Baytan, Ronald. “Intensities of Signs: An Interview with the Visionary Cirilo F. Bautista,” sa Likhaan 6: The Journal of Contemporary Philippine Literature, ni Gémino H. Abad, editor. Quezon City: UP Institute of Creative Writing, 2012.

Benedikt, Michael. The Prose Poem: An International Anthology. New York: Dell Publishing, 1976.

Berlina, Alexandra, editor at tagasalin. Viktor Shklovsky: A Reader. New York/London/ Oxford/New Delhi: Bloomsbury Academic, 2017.

Bautista, Cirilo F. Trilogy of St. Lazarus. Manila: De La Salle University Press, 2001.

Bautista, Cirilo F. Words and Battlefields: A Theoria on the Poem. Manila: De La Salle University Press, 1998.

Bigornia, Mike L. Prosang Itim. Pasig City: Anvil Publishing, 1996.

Dickins, James. Sándor Hervey at Ian Higgins. Thinking Arabic Translation: A course in translation method: Arabic to English, Ikalawang edisyon. London at New York: Routledge, 2017.

Eugenio, Damiana L., editor. The Proverbs. Quezon City. University of the Philippines Press, 2002.

Fawcett, Peter D. Translation and Language: Linguistic Theories Explained. Manchester, UK & Northampton, MA: St. Jerome Publishing, 1997.

Leitch, Vincent B., pangkalahatang editor. The Norton Anthology of Theory and Criticism, New York: W.W. Norton & Company, Inc., 2001.

Maggay, Melba Padilla. Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng mga Filipino. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2002.

Martin, Gregorio at Mariano Martinez Cuadrado. Colección de refranes, frases y modismos Tagalos. Guadalupe: Pequeña Imprenta del Asilo de Huerfanos,1890.

Munday, Jeremy, editor. The Routledge Companion to Translation Studies. London at New York: Routledge, 2009.

Palanca Hall of Famers. The Palanca Hall of Fame Anthology, Limited Edition. Quezon City: Libro Amigo Publishers, 2010.

Rubel, Paula G.  at Abraham Rosman. Translating Cultures: Perspectives on Translation and Anthropology. Oxford & New York: Berg, 2003.

Schleiermacher, Friedrich. “On The Different Methods Of Translating,” Susan Bernofsky, tagasalin. Sa The Translation Studies Reader, Tomo 3. London at New York: Routledge, 2004.

Venuti, Lawrence, editor. The Translation Studies Reader. London at New York: Routledge, 2000.

Venuti, Laurence. The Translator’s Invisibility: A History of Translation, Ikalawang edisyon. London at New York: Routledge, 1995.

Mga Talâ


[i] Hango ang tulâng ito na higit na nakilala bilang kawikaang Tagalog sa Colección de refranes, frases y modismos Tagalos (1890) nina Gregorio Martin at Mariano Martinez Cuadrado. Naiiba sa wari ko ang ginawang sariwang pagbasa rito na tumatangging magpataták, gaya sa poskolonyal o posturang pagbasa, ngunit hindi rin marahil kalabisan kung sabihing panimulang panukalang disiplinadong pagninilay sa pagsasalin sa Filipino.

[ii] Basahin ang “On the different methods of translating” (1813) sa The Translation Studies Reader (2012), edit ni Lawrence Venuti. Isinalin ito sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at nasa Introduksiyon sa Pagsasalin: Mga Panimulang Babasahin Hinggil sa Teorya at Praktika ng Pagsasalin (2015), edit ni Virgilio S. Almario.

[iii] Maibibilang dito sina Peter Newmark, Basil Hasem, at David Katan. Basahin ang Routledge Companion to Translations Studies (2009), edit ni Jeremy Munday.

[iv] Magandang pagsimulan ang The Translator’s Invisibility: A History of Translation (1995) ni Lawrence Venuti. Gayunman, mapagdududahan ang kaniyang kiling sa konsepto ng “foreignization” laban sa “domestication” kung gaya sa Filipinas ay malalagay sa alanganin ang Filipino na kailangan ang patuloy na paglinang sa wika at pagdukal sa dalumatang-bayan. Makabubuti ang “foreignization” kung ganap na malaganap at nalinang nang ganap ang wika, gaya ng Ingles, ngunit mapanganib sa gaya ng Filipino kung nasa yugto pa rin ito ng paglilinang at pagpapalaganap. Marahil kailangang timbangin kung alin at kailan dapat gawing dominante ang bawat konsepto sa pagsasalin sa Filipino.

[v] Basahin ang Dialectic of Enlightenment [Dialektik der Aufklarung, 1944], nina Theodor W. Adorno at Max M. Horkheimer; at Aesthetic Theory [Ästhetische Theorie, 1970]  ni Max Adorno. Ang elaborasyon nito ay matutunghayan sa ika-22 at 23 tulâng tuluyan ni Bautista.

[vi] Basahin ang Post-colonial Translation: Theory and Practice na inedit nina Susan Bassnet at Harish Trivedi. London at New York: 1999. Malaki ang maitutulong nito sa pagbubuo ng bagong teorya at praktika sa pagsasalin sa Filipino.

[vii] Kung ídeal na mambabasa ang target ng akda ni Bautista, mahihinuhang higit na nakapaling ito tungo sa diyaspora at sa mga nasa labas ng Filipinas. Sapagkat hindi maaarok ng karaniwang Filipino na nasa loob ng Filipinas ang kaniyang wika, at sa gayon ay matatanaw na isang pribilehiyadong wika ang Ingles, na ang paradoha’y nasa saklaw ng mga Ingleserong manunulat ang pag-angkin, ngunit waring nakapagpapatiwalag sa diwa ng karaniwang Filipino. Nagmula na rin kay Bautista na may kultura at kasaysayan ang mga wika; ngunit ang tulâng Filipino, sa pinakamasaklaw nitong pakahulugan, ang “gigiba sa doble-karang personalidad ng mga Filipino” (tingnan ang ikalabindalawang piyesa ni Bautista). Makatutulong kung gayon ang salin sa Filipino na maburá ang pagkatiwalag o alyenasyon, at ang sinasabing ídeal na mambabasa ay mapaghuhunos na tunay na mambabasa.

[viii] Mga termino ito na pinalaganap ni P.A.S. Virgilio S. Almario sa kaniyang mga aklat hinggil sa panunuring pampanitikan at kasaysayang pampanitikan, gaya sa Mutyang Dilim (1991), Balagtasismo vs. Modernismo (1984), at Ang Makata sa Panahon ng Makina (1972).

[ix] Magkaiba ang polong pinagmumulan ng Ingles (tahás) at ng Filipino (maligoy), ayon sa pag-aaral ni Dr. Melba Padilla Maggay, at may kaugnayan dito ang pinagmulang kultura at kasaysayan ng mga ito. Basahin ang Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng mga Filipino (2002).

[x] Basahin ang The Mirror and the Lamp: Romantic Theory and the Critical Tradition ni M.H. Abrams (1953) na nagsasaad na may apat na elemento sa kritika ng sining: artist, akda, madla, at uniberso. Ngunit kay Bautista ay maaaring sipatin na Makata-Tulâ-Mambabasa-Kultura/Kasaysayan. Ang tulâ ang sentro, ang ultimong signo, sapagkat hindi ito pasibo bagkus aktibong tagahubog sa maaaring maging kapalaran ng makatà, ng tulâ mismo, at ng mámbabása sa iba’t ibang panahon. Nagagawa iyon ng tulâ sa tulong ng haráya. May kasaysayan ang tulâ, ngunit makagagawa rin ito ng kasaysayan, lalo kung isasaalang-alang ang kultura o mga kulturang salalayan nito. Sa ganitong pangyayari, hindi makaiiwas ang tulâ sa tunggalian, lalo’t nangingibabaw na sa ngayon ang palimbag na teksto sa pabigkas na paraan ng paglikha at pagtatanghal ng tula.

[xi] Halatang ayaw ni Bautista sa tagurîng “prose poem” [tulâng tuluyan] na mula sa Kanluran, sapagkat nakapágpapakítid ito sa tula, at naniniwala lámang sa tagurîng “tulâ” (lalo’t may kaugnayan sa panitikang Filipinas), at isang beses lang binanggit iyon sa kaniyang akda at tumutukoy pa sa nobela ni Francoise Sagan.  Gayunman, kahit nasa anyông prosa ang isang akda ay maaari pa rin iyong tawaging “tulâ,” gaya sa kaniyang akdang Mga Salita at Larangan. Samantala, magandang pagnilayan ang mga eksperimento nina Mike L. Bigornia, Rio Alma, at Roberto T. Añonuevo sa mga tulâ na nasa anyông prosa na isinulat sa Filipino, at doon matatagpuan ang sari-saring pagsagap, pagtanaw, at pagsasaharaya na binihisan ng masinop na paraan ng pagsasakataga at pananalinghaga sa Filipino. Magtútunggalîan nang palihím ang kanilang mga tulâ, gaya sa teorya ni Bautista, ngunit sa dulo’y magkakasundô na ang mga tulâ pa rin ang dapat manaig—imbes na ang mga makata. “Sa panulaan,” wika nga ni Bautista, “tanging ang malakas ang makapag-aangkin sa pag-iral” (Yugto 26, Mga Salita at Larangan).

[xii] Maimumungkahing basahin ang “Intensities of Signs: An Interview with the Visionary Cirilo F. Bautista,” ni Ronald Baytan, sa Likhaan 6, na inilathala ng UP Creative Writing Center noong 2012. Magalíng pumukól ng tanóng si Baytan, at sa mga sagót ni Bautista ay mahuhúgot ang kaniyang poetika at pananaw hinggil sa tulâ. Na kung pagbúbuláyan nang maígi ay magbubunyag kung sino-sinong makata o kritiko ang nanggagaya o humihiram ng kaniyang ídea sa malikhaing paraan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.