Mga Salitâ at Larángan: Isáng Pagninílay sa Tulâ, ni Cirilo F. Bautista (Yugto 1-7)

Salin ng Words and Battlefields: A Theoria on the Poem ni Cirilo F. Bautista

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Itong diskurso sa tulâ ay teorya na sadyang isinabalatkayô 
sa parabula na isinabalatkayô sa kasaysayan 
na isinabalatkayô sa sosyolohiya 
na isinabalatkayô sa tulâ. 
Dapat mag-ingat ang sinuman sa mga pagsasábalatkayô.

1

Titígan ang Gómang Tóre—hindî itó nagháhasík ni umaáni, ngunit nanánatilìng óbligasyón ng ísip na sagápin itó bilang tánging realidad. Naglahò ang kasibúlan nitó sa mga talâan ng sinápupúnan na ang bawat panahón ay takipsílim, pantay takipsílim, na ang mga laruan at galáng[1] ay ibinabaligyâ[2] ang pangwakás na pag-íral nang matiyák ang mga papel nitó sa talatàng itó, at maupós. Hindî pa man natutuyô ang tínta habang sumusúlat ang panulát, bumabángon mulì ang mga itó úpang manalákay pagkasílang. Ang tóre ba ang diwà ng kabatàan habang niyúyugyóg ng hángin ang málalambót na bintî? O itó ba ang suklám ng kondenadong kalulúwa na ipinatápon sa iláng at iníwang mamúhay nang mag-isa? May lihim ba itóng bungô? Itó ba’y may pusò?

Alimbúkad: Poetry revolution disguised as translation. Photo by Levent Simsek on Pexels.com

2

Namumuô ang Gómang Tóre sa kalángitán ng kamálayán ng táo, at itinutúlak ng mga galamáy nitó ang mga basúra ng kaniyáng búhay. Binábaligtád nitó ang mismong wikà ng pag-íral, dahil walâ itóng sariling wikà, ngunit kailángang manupákturahín itó mulà sa mga nakábalátkayông súgat at kinakaláwang na signo. Isang segunda manong wikà, kung gayon, o primera klaseng bulóng ng mga mundong gumuguhô úpang pigílin, kahit pánsamántalá, ang ganáp na pagkagúnaw. Sa daigdíg ng mga págkulimbát at pagburá, ng kabáliwán at katinùan na umóokúpa sa parehong súlat-pabatíd, ng ála-tsámbang nakápostúra bílang pangangáilángan, tagláy nitó ang putól-na-landás, espoléta, balutì, kabulástugán. Lahát ng sandáta ng himagsík sa pinakámasakláp na yugtô’y nanánawágan ng panimulâng réoryéntasyón ng vocal cords[3]; sa pinakámabúti’y para sa múling eksáminásyon ng mga pérspektíbang glandular. Nabibítag ang lohíko sa sarili niyáng silohismo, ang babaeng walang mangingíbig, ang makínang hindî umáandár—lahát ay pare-parehong bíktima ng walang hanggáhang pagsasalitâ, tulad ng Tóre na bíktima ng walâng hanggáhang katáhimíkan. Ang lehitimong kumpígurasyón ng mga salitâ habang pasayáw-sayáw sa hángin, o habang umaáhon ang mga itó sa  basúrahán ng memórya, ay minamápa at isinásatalâguhitán úpang ituwíd ang pagkaligáw ng glandula.  Sámakatwíd, umiíral ang mga salitâ bago pa man maimbénto at maímbentáryo ang mga itó túngo sa talâan ng tao, sa parehong paraán na batíd natin na sasápit ang takipsílim kahit hindî nátin itó minamasdán sanhi ng bagyó. May daigdíg ng mga salitâ na umiíkot-íkot sa kung saang gálaksi, sa gitnâ ng bagyó, itinátaták sa kalawákan ng mga talatà at saknóng para sa kasiyáhang kósmiko. O marahil hindî talagá umiíral ang daigdíg, na sa gayong pangyayári’y hindî sadyâng umiíral ang mga salitâ, at maituturing na sabwatang pabigkás. O marahil isa itóng káso ng lumàng lagarì—ilusyón lában sa realidad, ang bombang nuklear laban sa bombang síkiko. Maisusúlat itó sa ganitóng paraan: “Pro et contra[4]/ kimera o lamán./ Ang babáeng hindî mukhâng babáe./ Wala siyáng téksto/ ngunit ang wakás ng téksto/ ang téksto ng lahát ng tékstong lampás sa mga téksto/ na isinusúlat ang saríli/ sa bawat gawâin/ na íbig niyáng huwág sulátin/ at nágsusulát ng anumáng hindî maísusúlat./ Ang naíwan niyá’y/ ang lágom/ ng mga hinangò sa síning, búhay, kamatáyan/ o kamatáyan lámang/ dahil ang lahát ng itó/ ay pag-íbig, kumbaga’y/ ang pagyáo ng kamatáyan, hábang umiínog ang mundó, o/ hábang nakápirmí itó.” Maisusúlat iyan bilang prosa, sa limáng talatà, o bílang berso, sa limang saknóng. Hindî máhalagá yaón; anumáng anyô ang isuot nitó’y anyô sa isipan ng mámbabása habang binabása itó, o hábang hindî pa binabása, ngunit naróon at itinatakdâ niyá ang mga taktíka nang maíparatíng sa kaniyáng isípan. Kaugnáy nitó, at taliwás sa malagánap na paniníwalà, ikinálugód ni Sisyphus ang pagtúlak sa bató paakyát ng bundók, dahil ang nasábing págsasánay ay nágbibígay sa kaniyá ng panahón úpang isaáyos ang mga iniísip—ang umísip hinggíl sa pagsásaáyos ng kaniyáng mga diwàin—ang magsaáyos ng mga diwàing kaniyáng pagníniláyan—ngunit naríyan ang óras, at ang bató’y humihilíng ng eksáminasyón. Totoóng madalîng isáhinágap ang matálik na ugnáyang nabuô sa pánig niyá at ng bató, na nakásalálay sa tadhanà, at págkaraán, mabábatíd nila ang hílig-pángkaisipán ng báwat isá. Paáno iíwas sa pag-unawà sa bató na itinutúlak niyá nang kung ilang líbong taón? Ang sústansíya ng kaniláng usápan—kabilang na ang mga intérpolasyón at pakikípagtálo—ay makapág-aambág nang malakí sa síning ng kásaysáyang pabigkás, ngunit naglahò na itó sa domínyo ng kalabùan, at masasagíp lámang sa domínyo ng posíble. Ang sangkatérbang kuwadérnong pinagbúbuhúsan ng panahón ng táo—dahil ang táo, sa pinakaúbod, ay isang umáandár na díksiyonáryo—ay makapágtatagláy ng mga notasyón hinggil sa pinágmulán ng bató, ng mga paglálaráwan sa rabáw nitó’t mga saráy, ng pagsusurì sa mga diwàin nitó at iba pa. Gayundin, maitatalâ nitó ang mga tsismís at bulóng-bulúngan  hinggil kay Sisyphus, tatayáhin ng náyon ang katatagán ng kaniyáng kalamnán, ang pagtatagpô ng mga planeta sa óras ng kaniyáng pagsílang, ang mga pangálan ng kaniyáng alagàng háyop, ang kaniyáng únang pangangahás sa silíd ng dalágang sinísintá, at iba pa. “Isúlat mo sa túbig,” “pagputî ng uwak,” at “lantáy na gintô” ang mga pamamáraáng tekstuwál sa landás ng kaugalìan, ngunit ang sálinlahì, gáya ng mga magúlang ni Sisyphus, ay pinámanáhan ang mga itó ng patína ng pagiging makátotohánan. Ang pagsúlat sa túbig ay paúlit-úlit na pagtúlak sa bató, ngunit kapuwá balídong ebídensíya ng pórmulasyóng pabigkás. Úpang maísaáyos ang ágos ng túbig, kailángan lámang magsalitâ ng isang tao; úpang matiyák na nakáangát sa eyre ang bató, kailangáng magsulát. Maiiwásan ang mga sabláy sa tunóg, bagaman maaarìng muling lumitáw ang mga hulagway[5], gáya ng di-inaasahang multó. Iyon ang búngang-ísip ni Samuel Johnson na umiínom ng labíng-ánim na tása ng tsaá kada araw, ayon kay Sir Joshua Reynold (BeF:100), ngunit dápat sagápin itó na kaugnáy ng kaniyáng fisonomíya. Nakálalaklák si Nick Joaquin ng sampûng bote ng serbesa sa isang upùan lámang, at hindî siyá matabâ. Ang hindî maípahayág ang pinakámadalîng ipahayág, kung isasántabí ng isang táo ang kaniyáng erudisyón.

3

Ang trahédya ng malígoy na pag-iísip ay nasa pagiging walang latóy ng mga pangárap nitó. Pinangingíbabáwan nitó ang mga perspektiba. Kumbagá, itó ang kasawìan kung palagîng mag-iisíp sa anyông prosa. Hahagupitin ng Gomang Tore ang pag-iísip, gáya ng masikháy na ahénte ni Torquemada o Ximenes, kung aakyatín ng sinumán itó habang pasán-pasán ang kaniyáng mga grado akademiko. Ang Ingkisisyon ng mga Salitâ! At papások ang isang táo sa silíd ng pagpápahírap nang lastág ang kaniyáng linggúwistíkong kalansáy úpang pangátwiránan ang bawat inusál na inilahók sa Aklát. “Malungkót ang lahát ng mánunulát,” súlat ni Virginia Woolf. “Malungkót ang walang salitâ” (BeF:26). Ang pagpápahírap ay ekstensiyon lámang ng kirót, gáya ng nakauslî’t maipipíhit na salamín sa bintanà ng Gómang Tóre; ang malungkót ay malímit masokista. Ang panátiko, na ang gawain ay lumikhâ ng krísis ng mga dilà úpang pagningásin ang kalungkútan, ay lubós pa ring mawáwalan ng lugár sa kámara, dahil sa yugtông itó, napalayà na ang makatà sa bárang ng kaniyáng mga malîng hinágap, at hindî dahil sa kalabisán ng daigdíg. Kalabisán ni Nietzsche na magmaktól kung sobra mang mágsinungalíng ang mga makatà. Nalitó siyá sa pagkamatulâin ng mga bágay, imbes na sa mga bágay ng tulâ. Bagamán ang mga makatà’y mapámaraán sa kaniláng urì ng págkamatáy—si Aeschylus ay iniúlat na nasawî nang bumagsák sa kaniyáng makínis na bumbúnan ang págong na nabitáwan ng agilang lumílipád—mahiwagà sila sa paraán ng pagkathâ, na mahírap taguriang panlolóko. Ang totoó’y isang urì ng pagbabalatkayô itóng kahiwagàang pabigkás, úpang harángin ang anumáng pangúnang panlíligálig ng mga ahénte ng Ingkisisyon bago mailuklók ang Salitâ sa rúrok ng pagsambá. Tiyák na daráting ang mga kaáway, na armádo ng mga panà at sibát at palakól at tabák úpang sistemátikong wasákin ang Gómang Tóre; ngúnit sa ngayón ay íkukublí múna itó ng hángin, bagamán maháhalatâ ng mga matá. Ang hángin na nagpapákilapsáw ng túbig ay sumusúlat ng obítwaryo ng úod, ng lahát ng pantíg sa bató na bumíhag sa poót at kawalâng-saysáy ng kaniyáng talambúhay, habang kumakatál ang maárteng panyô, na tila nagdadálamhatì. Tánging mga salitâ ang káyang kumáyod sa Salitâ na lumalagò gáya ng kabuté sa libíngan. Ang bumása ng mga salitâ gáya ng pagbása ng mga itó sa Salitâ, sa isang banda, ang pinakásentrong proseso sa pagkapâ sa hiwagà ng Gomang Tore. Anuman ang kinakáin ng buláte, o ang estado ng akawnt sa bángko, o ang dokumento sa pamúmuwisán, o ang diyós na sinásambá—lahát ay sadyâng may importansiyang tekstuwál at bisà na makabubútas sa pundasyón ng Tóre, at sa bandang huli’y makapágpapábagsák díto. Ngunit sa sandalîng itó, ang pilosopiya na kasangkápan nitó úpang mabúhay, at ang bisyón na nagpápaálab sa uták nitó ay nágmumulâ sa nakápirmí at nahuhútok na mga realidad na Oryental. “Isúlat mo sa túbig” ang lagom ng estetika nitó; ang “lantáy sa gintô” ang sumásalamín sa págsang-áyon sa pagdádalísay; at ang “pagputî ng uwák” ay náglalaán ng mga mekánismo úpang pukulín ng halakhák ang mukhâ ng Kapaláran.

4

Ang “Isúlat mo sa túbig!” ay nágtatagláy ng remedyo at gipuspós sa mga kawikàan. Inimbento itó ng matáyog na diwà úpang palígayáhin ang mga diyós at pahupàin ang táo. Tagláy nitó ang kásaysáyan ng ipinágpalíbang pakikípagtuós sa óbligasyón at hindî maháhadlangáng pagsukò.  Tawágin nátin ang diwàng itó na “Filipino.” Isá siyáng kakatwâng entidád, itóng “Filipino.” Bátay sa lahát ng ebidensiya’y dápat naglahò na siyá; ang apatnaraang taon ng kolonyal na paglúpig ay dápat sapát nang burahín siyá sa balát ng lupà, at ang walumpû’t ápat na taon ng edukasyon ay dápat napágbanyúhay siyáng modernong ignoramus, kung ipagpápalagáy na pantáy ang lahát ng sálik. Ngunit hindî pantáy ang lahát, kayâ nabúhay siyá, at pínalakás ng anumáng makásasakít sa ibá, at nasaktán ng anumáng makapágpapálakás sa ibá. Siyá ang kinákailángang narcísista at isang teórikong pagpapátiwakál. Ang pagsukò niyá sa kamatáyan ang nágsisilbíng títis úpang mabúhay siyá. Isa rin siyáng makatà. Ang kásaysáyan ng kaniyáng diwà ay kásaysáyan ng panulâan. Sinagíp ng mapághinalàng ísip mulâ sa mga peligro ng mga primitibong mágsasaká, siyá’y nagpamálas ng kontroladong sublimasyón ng enerhiyang nagpapáhiwátig ng kapángyaríhan sa kawalâng-ingat. Inurírat niyá ang mga antígong paniníwalà, at tinálikdán ang ilán sa mga itó, úpang saklutín ang kaniyáng kamángmangán, para lámang matamó ang karunungang makálilikhâ ng kaniyáng mga kawikàan. Sa sandaling mahinà siyá, siyá’y hindî na mahinà—ang kamángmangán niyá’y biníyayàan siyá ng lakás na magpatúnay nang tagláy ang pilosopíya sa direksiyóng íbig niyáng tahakín. Ang panulâan niyá’y deklasipikasyon ng kaniyáng kamangmangán, na manipestasyón ng lakás na itó. Nagdúlot yáon ng lakás sa mga sámot na táktikang pangkáligtásan at sa mga tiyák na húgis ng pag-unawà. Ibig niyáng lipúlin ang síning, úpang buháyin mulî ang mga anarkikong instinto, nang mapánumbálik ang kaáyusán ng kaniyáng búhay, at hindî ang kaáyusán ng uniberso, dahil makásarilí ang makatà, at ang síning ay napákaláwak na lárang.  Natutúhan niyáng ang nakabubúhay na prinsipyo ng panulâan ay ang simbuyó ng tao na pumatáy. Kayâ isinulat niyá sa túbig ang aklát ng túbig, sa págtatangkâng wasákin ang kaniyáng mga salitâ bago pa man itó umíral nang maging eternal ang mga itó. Ho! Ho! At anó ang kaniyáng isinulat? Ang kaniyáng mga radikál na útang, ang talâan ng mga bágay na hindî niyá kinágilíwan, ang kalungkútan at kaligayáhan ng kaniyáng báyan, ang kaniyáng mga ritwál na pangárap at mapángarapíng ritwál. Nauwì ang lahát sa tubig, nagpaíkot-íkot sa alímpuyó at sumalpók sa batuhán, umigkás-igkás at bumulâ-bulâ hanggang maglahò palikô. Ngunit anumáng nawalâ sa likido ay nápunta sa kaniyáng utak, úpang matandàan niyá. Ang matúbig na literatura ay umaágos na antolohíya ng mga pagdurúsa at dramátikong paghíhimagsík, ng mga epiko sa kabundúkan at kuwentong-báyan ng kapatágan, ng mga katutúbong henyo at mistikong patúnay. Sa gayóng paraán, natuklasán niyá ang Diyós. Ex oriente lux[6]. Itinalâng pinatáy niyá ang Diyos na itó habang nagkukunwarîng sinasámba yaon dahil, sa pagiging heograpikong anomalya, hindî niyá mapalayà ang báyan mulâ sa mga demonyo ng páng-aalípin. Naging palamutî sa libíngan, kumbagá, ang Diyós. Kailangang imbentuhin ang isa pang diyós, káhit na itó’y panakíp-bútas, úpang malutás ang krisis at mapanatilì ang armonya ng kaniyáng káluluwá. Nágsaliksík siyá ng mantra. Ang ugát na salitâng man, na “mag-isíp,” na “menos” naman sa Griyego at “mens” sa Latin, na itinambál sa elementong “tra,” ay lumikhâ ng kaniyáng “kasangkápan sa pag-iisíp,” gáya sa bálak niyáng hulíhin ang esensiya ng kaniyáng kásaysáyan. Sa gayon, ang anumáng isinúlat niyá sa túbig ay mga laráwan sa isípan na naging mga pahina sa kaniyáng talambúhay, ang púsod ng kaniyáng pagsílang. Habang lumalakí siyá, lalo siyáng nagiging primitibo, at pinasunód ng mga puwersang nakápalígid sa kaniyá nang maging maselan sa mga salitâng gagamítin. Sa kabilâ ng lahát, siyá ngayón ang Makatà. Ex mantra lux. Bawat salitâ ang pókus ng enerhiya, at ang wikà mismo ang naging pinakádakilàng tagumpáy ng síning. Liwánag mulâ sa mga salitâ, liwánag mulâ sa túbig. Ang matúbig na liwánag ang nagíng monumento niyá sa kaniyáng nakaraán at ang mga rúnikong bahagì ng kaniyáng hinaharáp, at, sa pagdadalisay nitóng fluwidong semyotikong katangìan, siyá’y nakapagdulot sa kaniyáng lahi ng lohístika sa pag-imbento ng mga halagaháng lingguwistiko. Nagsulát siyá ng mga tulâ na walâng pamagát na lumilíbot sa téksto ng heograpiya, kumakawáy sa mga ligáw na magdaragát at humihíging na kanáway, malimit nangangárap lumúsob sa kaniláng walâng talibàng gunitâ at sakúpin ang kaniláng mga líhim na himpílan. Paglilípat, pagsisípat, paghíhimagsík, at pagkábagábag ang sumunód sa báwat hágod ng kaniyáng panulát, at naíwan sa matutúbig na libíngan ang mga kababáyan at intelektuwal nang ni walang lapidá; ngunit mulîng ipinákahulugán ng mga itó ang kaniyáng kaakuhán, at sinagíp siyá sa kaniyáng retorika. Ang mga itó ang bumúhay sa kaniyá.

5

Ang “lantáy na gintô” ang nanánatilìng materyál na manipéstasyón ng kaniyáng estétika. Mga salitâ itóng nagbanyúhay túngo sa katótohánang pámpamáyanán, úpang kung ang mántra noón ay nágsisilbíng palusót para sa kasalánang pambansâ, itó ngayón ang símulákro ng kung ano dápat ang magíng anyô ng daigdíg. Hábang sinisilabán ang mga bányo at panáderyá sa Alexandria na ginawâng pamparikít ang mga manuskrito mulâ sa dakilàng aklátan, nágliliyáb namán ang Maynilà sa natatanging siglá mulâ sa mga katutubong hímig. Ang isa’y pagkawásak, ang ikalawa’y págtatatág. Sa pagtatágis ng kaniyáng diwà at ng tekstuwál na paliwánag nitó, lumantád ang saráy ng kaniyáng nakalípas úpang masurì. Ang téksto ng kaniyáng káluluwá’y inurírat ang téksto ng kaniyáng nasyón hinggil sa mga detalye ng mga motibo at epekto, úpang ang mga resultang diyalogo ay humílig pa-eksehesis. Ang mga eroiká at eksagrama ay naging batayáng pangangáilángan sa diskurso, na sinurì ang mga puwáng para sa mga kahúlugán na hindî naman kahúlugán, na laán sa mga bigông panukatán na pumúnit sa mga pambansâng manuskrito. Ang winikâ ba niyá’y tagláy ang kaniyáng iniisip? Kung ano ba ang inísip niyá’y iyon din ang kaniyáng winikà? Dáhil tánging sa malagánap na págkakahón lámang makáaagápay ang pambansâng armonya sa pambansâng pagpapáhayág, na mághahátid sa posibleng produktibong eksehesis. Gayundin, ang tekstuwál na testura sa pagítan ng mga salitâ—ang solidong walâ—ay kailángang hangùin at ilugár labán sa inúusál ng pambansâng kamalayán úpang matuklás ang mga hanggáhan ng mga karanasáng nanánatilìng hindî pa nasúsurì. Ang mga walâng latóy na pahína ng kaniyáng kuwardérno at ang mga walâng latóy na pahína ng kaniyáng ísip, hindî man niyá alam, ay maaarìng mga rúrok ng komunikasyon; karápat-dápat yáong surìin. Totoó, dápat yáong basáhin, bagamán tumátanggí ang mga itóng magpáintindí, túlad lámang na dápat basáhin ang mga kargadór, elektrísyan, kaminéro, musikéro, peryánte, manggagáway, sanggáno, at iba pa, nang maarók ang mga téksto. Ang kawalán ng téksto, sámakatwíd, ang bumubuô ng kalansáy at damít ng mga salitâ na kung walâ ang mga itó’y mababásag ang panánalitâ túngo sa márurumíng tunóg at ang mga salitâ túngo sa mga kinopyang salitâ. Dapat maging maláy sa kawalán.

6

Ang “lantáy na gintô,” káalinsábay pa, ay sinaságap sa simbolikong anyô ang masélang suplíng ng diwàng Filipino hábang nákakalás itó túngo sa mga salitâ. Sa pamámagítan nitó, matutúklasán ang mga kublí at lantád na urì ng kásaysáyan at ang mga piguratibong sistema sa pamámalákad ng gobyerno. Ang tradisyón ng pamumunòng Filipino at láwas politika ay masisípat kung gayón sa kontéksto ng magkákatumbás na tunóg na sumisílang gáya sa mga átas pandigmâ at nágwawakás bilang mga pambansang sagisag. Malimit umaáwit ang mga Filipino hábang patúngo sa sementeryo, at nagigíng pistá ng mga salitâ ang kamatayan. Itóng pamánang Grecoromano, na inarugà at pinasiglá ng yumáo, ay mulî’t mulîng isinásadulâ ang mga lunggatî ng nabubúhay. Inaakò ng láwas politika ang mga katangìan ng lingguwistikong pagpapásikláb, at pinaguguhô ang isípan sa pamamagitan ng pagpapáhiwátig ng mga kálang na naghihiwálay díto at sa realidad. Anong kálang? Anong subersiyon? Ang mga kálang ng mga pámpanitíkang istipulasyon na nághihintáy malítis; ang subersiyon ng maláy na mekanismo ng lehitimong pananalitâ. Ang nasabing mga kálang ay di-nakikitang gahúm na nagbúbunsód sa mga gawâin ng tao. Kung saan itinatág nang may patína ng pagsaságawâ, nagigíng makátotohánan ang mga itó at naglulúwal ng ibá’t ibáng anák na may mga pangálang gáya ng “demókrasya,” “katarúngan,” “sensura,” moralidád,” at iba pa. Halimbawà, ang ritwál na pagpatáy (na itinaás sa antás ng síning sa pánig ng isínangkálang táo) ay puwedeng tanawín bílang karahasán sa wikà imbes na karahasán sa táo. Ang isinakripisyong biktima ang pambawì sa mga naípong dumí ng nasyon, at sa gayon nalilinis ang wikà at naíhahandâ para sa susunód na salinlahì. Nakapágsasalitâ ang bíktima sa pamámagítan ng kaniyáng pagdurúsa, at ang kalungkútan ang mabisàng pangangáilángan sa pámpamayánang koréspondénsiya; binubútas ng kaniyáng dugô sa mga tumpák na lugár ang taúnang úlat ng burukrasya. Nahihímok ang mga diyós ng retórika. Ang sumpâng itó, yámang ang bíktima sa sandalîng iyón ay kasumpâ-sumpâ rin, ay napanúnumbálik ang matulâing bukál-ng-gahúm at pinalúlusót ang mga umabúso ríto. Kapág tinuligsâ—ang kamatáyan niyá’y isinasadulâ lámang ang mabisàng pangangáilángan at sámakatwíd ay antíklimatiko—ang pámpamayánang téksto’y napálilitáw mulî para sa pormal na sariwàng pagsasábalangkás alinsúnod sa padrón ng pagsagáp ng báyan. Ang mga urì ng símbolo at mga ugnáyan nitó, ang mga panúto ng batás at ang mga panúto ng hinuhà, ang mga abstraksiyón at penómena, at ang kasálimuótan ng karaníwang dískurso ang bumábaligtád sa ágos ng kásaysáyan at pinagbábanyúhay ang dugô tungo sa tékstuwálidád. Ang paradóha ng binigkís na wikà ay walâ itóng interpreter, at ang kiníkilálang tagapágligtás nitó ay hindî nakáhihigít sa neologong paláboy. Sa gayóng pangyayári, ang trabáho ng págkakalás ng salitâ-bíktima mulâ sa salitâng-mithi ay tíla nakásisindák, bagamán kasiyá-siyá. Sa ganitóng ugnáyan masisiláyan ang mga káso ng sakripísyo ni Magallanes sa pagpápatúloy ng pánanakóp ng Español (bandang 1520) at ni José Rizal sa págwawakás nitó (bandang 1890). Ang kamatáyan ng dalawáng itó—ang una’y sa kamáy ng mga katutubò at ang ikalawa’y sa kamáy ng mga kolonisador—ang nagpaáhon sa bakbákan ng diskursibong ugnáyan na siyáng wumásak sa istorikong ugnáyan sa simulâ’t sapúl. Sumírit ang dugô at pagdurusa bilang panandâng bató sa pundasyón nitó. Nang patayín ng mga katutubò si Magallanes, nilagót nila ang inter-tekstuwál na pagsang-áyon sa Ewro-Asyanong pagpápahayág at inilahók ang di-pampanitíkang pakikídigmâ. Sa dalawáng káso ay may tunggalîang tekstuwál. Ang kawalán ng kakayahán ng mga táo na ipaliwánag ang kawalán ng téksto sa pagítan ng dalawáng téksto—ang mga pakáhulugáng hindî naman pakáhulugán—ang nagtúlak sa kanilá na mamúhay nang mahigít tatlóng síglo ng pagdurúsa. Ang tekstuwál na kawalán, ang téksto na walâ roon, at ang di-tékstong interpretasyon nitó búhat sa magkátunggalîng mámbabása, ang nagpásalímuót sa hidwâan na madalî sánang nalutás ng debateng pangwikà. Ang istorikong aksidente, na mga pahina ng tékstong ipináraramdám sa iba pang aklát, ay lumagô túngo sa pampánitikáng pagkabigô na nagpasikláb namán sa himagsíkan ng mga manunulát. Ang mga salitâ ng isípan ay nakipagtágis sa mga salitâ ng aklát, o sabihin nang mga salitâ na binibígkas, at umápaw sa mga plasa at piítan ang mga iniluwâng ídea at mabubutóng argumento. Walang salitâ ang makapágpapáhayág ng mga salitâ, kumbagá, na nahúlog sa bangín sa pagítan ng mga salitâ; walâ silang salitâng mga salitâ na ang pangunáhing lakás ay naghahanáp ng mga tulâ. Isinadlák ang mga itó sa nasabing kalagáyan ng magkásalungát na puwersa, na hindî magkasundô sa mga panúto ng bakbákan.

7

Isinásaád ng “pagputî ng uwák” ang napakálakíng kakayahán ng Filipino na ilinsád ang mga realidad sa pamámagítan ng pagpapákawalâ sa mga salitâng pinatíd sa kinapúpusúran nitó. Pagkaraán, hihintô ang mga bágay na mágpakahúsay sa mga salitâ, at ang mga salitâ’y magmamartsa sa palibot ng pahina o lulutang sa hangin, gáya ng mga pinalayàng bilanggô. Bakit dápat maging tulâ lámang ang tulâ? May mga tulâ sa tulâ, na sumusúso ng parehong sustánsiya bílang tulâ, at dáhil panginoón din ang mga itó ay makáiíkot sa tulâ, at makabúbulábog pa sa tulâ, at lumalantád kung minsán na kamukhâ pa nitó, o nang-aágaw sa pangunáhing pag-íral nitó. Totoó, ang báwat salitâ sa tulâ ay isang tulâ, sa sandalîng kalagín itó mulâ sa mga kadéna ng tulâ. Kumbagá, kapág dinestrungká ang tulâ at mabuô mulî bilang mámbabása, gáya ng awtónomiya sa labás ng saríli. Pagdáka’y matataúhan itó sa kapángyaríhang ipinágtatanggól nang mahigpít ang mga angkíng batayáng elemento, at babagúhin yáon pagsápit sa larángan[7]. Lahát ng aparáto ng kolonisádong kamalayán—mulâng mga imperyalistang simulasyon ng mga gawî at pananamít hanggang dóble-kárang pananálig—ay nagwáwakás sa págsusurì ng tulâ, nang matáya ang túnay nitóng halagá; o kayâ’y  maaarîng pilîin ng mga itóng makipágtagísan, nang salitâ-sa-salitâ, nang mapangálagàan ang sariling awtónomiya. Anumán ang mangyári, walâng makáhahadláng sa tulâ na ipakálat ang mga sandáta at lohístika nang magwagî sa digmâng kagagawán din nitó. Mulâ sa isang súlok ng larángan túngo sa ibá pa, ang mga sugòng imperyal ay maaarîng magbálak makipágkasundô at makipágsabwátan, úpang ang kaniláng mga salitâ, lantád man o pailalím, ay hindî mailaráwan ang kaniláng aksiyón; at ang mga pinunò nilá ay aarukín ang mga kodígo sa mga mensáhe ng mga itó doón sa mga himpílan, paghahalô-halûin ang mga alfa at beta ng mga kaisipan nang makamít ang malakíng bentáha. Huhugútin ng mga espiyang may kakatwâng erádika ang mga kumpisál mulâ sa mga nasamsám na líham ng mga baklîng palaugnáyan, mapánlinláng na sagísag, at walâng hábas na pagbíhag. Mágpapalítan ng mga bilanggô, isasáhimpápawíd ang balitâ tungo sa maláwak na mundó, habang patúloy ang mga palihím na maníobra úpang tugisín ang kaáway. Gáya lámang nang magpasugò ng mga parì si Napoleon sa buông mundó para matyagán “ang santidád ng kaniláng pananamít . . . hindî lámang para mapangálagàan silá bagkús magíng kasangkápan nilá sa págkukublí ng kaniláng mga pámpolitíka at pángkalakálang pagsísiyásat” (GrE: 109), ang mga tulâng nakikípaglában ay gumagámit ng mga líhim na táktika sa isang sistematikong network ng pagdakíp, terorismo, at paninindak úpang makápanaíg. Ang parehong mga salitâ ay nagkákaroón ng mga sámot na pakáhulugán habang palípat-lípat sa iba’t ibang kámpo, na puwedeng magwakás sa pagbalibág ng isang partido sa téksto hanggang mawalán itó ng ulirát, at siyáng maálab na binubúhay naman ng iba pang partido. Ang paglípol at pangúnang-lúnas na gamót ay magigíng lubós na magastós habang lumaláon, at ang digmâan ay bantulót na mátatápos. Iháhayág ng mga tulâ ang tígil-putúkan, makalípas ang iláng áraw na kumperensiya at konsultasyon, hinggil sa láyon ng lahát ng itó—ang mágkaroón ng bágong téksto. Bawat partido ay uuwî sa kaní-kaníyang báyan habang iniísip kung nakúha ba nitó ang higít na mabúting téksto, nang hindî na mulîng mapalayà ang gáyong ídea hanggáng sa yugtông maghayág mulî ang téksto ng mithîng lumayà, at sumikláb mulî ang digmàan. Ang “pagputî ng uwák” ay nagpapátotoó na anumáng alítan ay alítan sa téksto. (Itutuloy. . . .)

Mga Talâ


[1] Katumbas ito ng “pulseras” sa Español, at mulâ sa Ilokano at Tagalog na nangangahulugang “hiyas na isinusuot sa pulsuhan.” Tingnan ang UP Diksiyonaryong Filipino (2010).

[2] Mulâ sa salitâng “baligyâ” ng Hiligaynon at Tagalog, nangangahulugang “pakikipagpalitan ng produkto o serbisyo na may katumbas na halaga ng produkto o serbisyo nang walang ginagamit na salapi, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010). Ginagamit pa rin ang salitâ hangga ngayon, halimbawa sa Romblon at ilang bahagi ng Mindanao.

[3] May tipograpikong mali sa téksto sa Ingles ni Bautista, at nakalagay doon ang “vocal chord” imbes na “vocal cords.” Hiniram nang buo ang “vocal cords” nang mapanatili ang tiyak nitong gamit, at may kaugnáyan sa pisyolohiya.

[4] Mulâ sa Latin, at katumbas ng “kakampi o kalaban.”

[5] Mulâ sa Sebwano, at katumbas ng “image” sa Ingles, at ginagamit na termino sa mga kritikang pampanitikan sa Filipino, gáya ng lathalaing Hulagwáy, na itinaguyod noong dekada 1990 ng Orágon Poets Circle na orihinal na ipinundar nina Roberto T. Añonuevo, Romulo P. Baquiran Jr., Niles Jordan Breis, at Gil O. Mendoza.

[6] Mulâ sa Latin, at may literal na katumbas na “liwanag mulâ sa silangan,” ngunit nagpapahiwatig din ng “mga kulturang nagmumulâ sa Silangan,” alinsunod sa punto de bista ng Ewropeo.

[7] Esklusibong itinumbas ang salitâng “larángan” sa “battlefield,” alinsunod sa pakahulugan ng UP Diksiyonaryong Filipino, at itinangi sa “lárang” na itinumbas naman sa higit na malawak na kahulugan ng “field” sa Ingles, gaya ng “larang ng edukasyon” at “larang ng medisina.” Samantala, itinumbas sa salitâng “theoria” ang “pagninilay” imbes na simpleng “teorya” na hinango sa Español na “teoría,” kung isasaalang-alang ang kauna-unahang pagkakagamit nito ni Christopher Marlowe sa Ingles noong siglo 1600, at hango sa Latin na dumukal naman sa sinaunang Griyego na nangangahulugang “pagtanaw” o “pagninilay sa kalikasan ng mga bagay.” Sa teksto ni Cirilo F. Bautista, masasálat ang kapuwa pahiwatig ng pagtanaw at pagninilay, kung ipapalagay na pinag-isipan at may ikinargang intensiyon sa nasabing gawi, na lumalampas sa pisikalidad ng mata, talukap, pilik, at kilay. Ang “pagninilay” ay isa ring anyô ng pagtanaw, bagaman higit na malalim ang pahiwatig kung ibabatay sa diskurso ng sinaunangTagalog, sapagkat nabubuo sa guniguni ang mga hulagway, na kung hindi nakapirmi’y gumagalaw, na pagkaraan ay ipinoproseso ng isip nang malapatan ng kahulugan o pahiwatig na sa wakas ay magbubunga ng sukdulang kaliwanagan.