Mga Salita at Larangan: Isang Pagninilay sa Tula, ni Cirilo F. Bautista (Yugto 15-22)

Salin ng Words and Battlefields: A Theoria on the Poem ni Cirilo F. Bautista

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

15

Ngúnit ang tulâ, gáya ng kásaysáyan, ay may sadyâng pagpapásangá ng kahulugán, na kambal ang pagganáp: nakabátay ang índepéndensiyá nitó sa abilidád na sawatâin ang índepéndensiyá ng ibá. Sa tulâng namámahingá nang pánsamántalá pagkaraán ng mga bakbákan, ang halagá ng téksto’y nakásalálay sa pananggaláng na pinahúsay nitó pára sa saríli bílang resúlta ng maháhalagáng éngkuwéntro, ng pagkádestiyero at pagbabalík, ng pagkabilíbid at guló, ng paglúsob at pag-úrong. Sa yugtông itó, at díto lámang sa yugtông itó, inúunáhan ng tulâ ang kasaysáyan, sinasakál itó sa pamámagítan ng bundók ng mga aklat, téksto kada téksto’y bumibíkig sa lalamúnan, mga salitâng pumapások sa bibíg, gumagápang pababâ sa bitúka at nagpapásikíp sa sikmurâ, na warìng ninanása, sa sandalî ng pagkábalíw, ang nakálilinláng na wakás ng gawâin nitó, o káhit na, ang kamanghâ-manghâng néwtralidád. Ngúnit hindî néwtral ang tulâ, túlad lámang na hindî pa itó nagwáwakás, bagamán mapángingíbabáwan, gáya sa nabanggít na, ang ganáp na pag-íral. Sa loób ng gayóng kaganápan, patúloy itóng lumalagô, pinárarámi ang saríli  túngo sa saríli sa paikíd o paikót na anyô. Sa paglulugár ng saríli sa dáloy ng kásaysáyan, kumbagá, sa pagdáloy pásalungát sa kasaysáyan at pagdáka’y sa paglikhâ ng saríling kasaysáyan hábang nása loób ng kasaysáyan, iníimbéstigahán ng tulâ ang saríli: binábalikán nitó ang báwat salitâ sa sistéma nitó, ang báwat pantíg, ang báwat tunóg, ninánamnám ang mga itó o kayâ’y isinusúka, mulîng hinuhúbog ang kaniláng húgis, úpang, gáya ng táo sa tulâ na mulîng sinurì ang saríli sa tulâ, mapáhuhúsay nitó ang kaniyáng kapaláran. Ang lohíkong ékstensiyón ng imbéstigasyón ay ang tulâng hinahatúlan ang saríli sa hanggáhan ng ultimátum ng kásaysáyan. Ang resúlta’y nakikípagbigkís ang tulâ sa kásaysáyan at inuúlit ang sakláw na opísyo sa gayóng págsasánib. Ang kasaysáyan ng tulâ, na ngayón ay tulâ ng kásaysáyan, ay lumálampás sa rigor mortis[15] nitó, at binubúntis ang katáhimíkan sa pamámagítan ng pambansâng delíryo. Túlad ng mga batóng buháy mulâ sa balúmbalúnan ng mga dinosáwro—makínis at malangís kapág sinalát—na tánging ébidénsiyá na umíral ngâ ang mga háyop na itó sa mundó, ang mga simboló at parikála ng kásaysáyan—na pawàng matingkád at pamilyár sa ísip ng táo—ang tangìng ébidénsiyá na bumanggâ ang mga itó sa mga nakásanáyang téksto ng táo. Ngúnit hindî na itó dískursong nása tabí lámang; itó ngayón ang pambansâng agímat. Ang kásaysáyan bílang pag-unlád ng tulâ, ng pag-íral, ang tumitíyak sa págpapatúloy ng pambansâng kamalayán, at nagtátatág at nagpapánatilì ng mga páng-ilálim nitóng estruktúra. Sa matálinghagàng pagsasábi, kapág nabigô ang makatà na gampanán ang kaniyáng óbligasyón na sumúlat ng tulâ, bákit hindî na lang magkusà at sumúlat ng tulâ ang tulâ? O, bákit hindî pasabúnot na kaladkarín ng tula ang makatà at pilítin siyáng paduguin ang tulâ? Ang pátakarán ng pagsípat sa mga pagbabágo sa panahón bílang búngang-isíp[16] ay págpapaláwig sa mga éksisténsiyál na sandalî sa loób ng hanggáhan ng tulâ; ginagawâ nitóng posible ang hináharáp pára sa tulâ. Ang ibá’t ibáng puntó sa panahóng mekanikal na ang tulâ ay may ginampanang máhalagá ay maitutúring na mga súgat sa tekstuwál na metemsikosis, na sa kaganápan nitó’y nágwawakás ang mga tunggalîan at ábsurdidád. Ang mobilidád ng kásaysáyan sa loób ng mobilidád ng tulâ ang nágtitiyák sa págpapatúloy ng éksteryoridád ng kásaysáyan, o ng anumáng matíra ritó matápos ang pagsupil at pagtatágis. Gayunmán, natátamó ng kasaysáyan ang ningníng ng úmanísmo at nakakamít ng tulâ ang pénoménolohíya sa pamámagítan ng ganitóng pagsásalubóng. Walâng ibinubúkod ang pagbabawal—“Ill est strictement interdit d’interdire”[17]—“Bawal ang magbawal.”

Alimbúkad: Poetry as translation battlefield. Photo by Arvind shakya on Pexels.com

16

Kung prodúkto ng hidwâan ang tulâ, kailángan nitóng isáloób ang nagsasálimbáyang tensiyón at íntensiyón anumáng sandalî sa loób ng hidwâan . Inuúlit ng dulâ ang mga insidénteng panlipúnan, pang-étika, pámpilósopíya, pang-ídeólohíya, at pisikál na ínterrelasyón na pawàng kargádo ng mga káhulugán sapagkát nagsásalikóp ang mga itó. May halagá ang mga itó dáhil nakapágpapáginháwa sa súgat ng lumílitáw na diskurso. Ang líteratúra, sámakatwíd, ang ópyo ng báyan sa gayóng panahón, at ang rélihiyón ang pansámantálang asílo. Ang nágkukubling asesíno sa madidilím na kalyehón, o gumagalà sa likód ng mga nakáparádang eropláno; ang tiránong bumábalangkás ng mga dekréto lában sa balíw na lipúnan at lumulúsaw sa angkín niyáng kabáliwán; ang maiíngay na íbon na humuhúni sa kahuyán; ang mga bómbang núklear na lumálagabóg sa mga náyon ng Norway at Kanlurang Alemanya; ang debalwasyón ng salapî, wélga sa apláya, halaláng parlaménto, kamatáyan, pangánganák—lahát ng itó ay pinóproséso túngo sa puyó ng talastásang maligálig, na pinamámahalàan ng tulâ, at kinópya mulâng hidwâan  hanggáng pagkakabatî. Ang estrátehiyáng ginagámit ng tulâ úpang magsílang ng armónyo—ang ópyo—ang nagsasaád ng pangunáhing posisyón nitóng inóokúpa sa mga bágay na may kaugnáyan sa istoríkong tránspormasyón. Hindî na itó símpleng tagapagtalâ ng penómena, bagkús tagapágbunsód ng penómena; at yámang ang lipúnan ay nása yugtô ng walâng humpáy na hidwâan , walâng katapusán din ang posisyón itó. Mulî, sa karánasán ng Filipinas, ang tulâ ang naghatíd sa Katipúnan mulâng liblíb na kahuyán túngong larángan sa muntîng pag-ásang armasán ang hulà na pinatáy ng sandáta. “Ginawa akong mga sonéto! Ginawang mga sonéto! (RoR:96)—nagwalâ si Papa Alejandro VI may 400 taón ang nakaráraán sa Róma lában sa himagsíkang Florentino, at nagdúsa sa bantâng susunúgin siyáng téksto bágo ilibíng ang kaniyáng bangkáy sa katakúmba ng Vatican; sa káso ng Katipúnan, ang tulâ’y pinaálab ang gusgusíng hukbó at sinúbok ang sigásig nitó lában sa napakálakás na kalában. Walâ iyóng kalában-lában sa mulâ’t sapúl, ngúnit itinampók nitó ang klasíkong babalâ na makábubúting ipáubayà na lámang sa mga makatà ang mga himagsíkan. Ang mabilís na takbó na kinásasángkután ng báwat rebolúsyonáryo úpang lampasán ang kaniyáng tadhana ang kung minsan ay bumábaluktót sa kaniyáng pakásaysáyang bisyón, inílalagáy sa pangánib ang kaniyáng simulâin, at hindî máglaláon ay maúubúsan siyá ng ídea. Ang págkawakás ng kaniyáng marupók na katótohánan ay nalulúpig ng pagkawakás ng kathang-ísip. Sina Bonifacio at Aguinaldo, na pawàng hindî namán makatà, ay salát sa bentáha ng pagkakároón ng mahuhúsay na kalihim úpang mairékord ang kaniláng mga pananálig at lunggatî nang magíng pambansâng diskúrso na dápat maúnang makapágmartsa káysa kaniláng mga bála at nang makapághawì ng landás pára sa kaniláng raison d’etre.[18] Walâ siláng resérbang téksto úpang pangátwiránan ang kaniláng terminólohíya o gawíng institúsyonálisádo ang kaniláng pagtútol, hindî túlad ni Aretino ng Florence na nakaíwas magútom sa pamámagítan ng pagsasanlâ ng kaniyáng épikong tulâng, Marfisa, sa halagang 200 ískudi (RoR:464). Higít na mahál ang “Mi ultimo adiós” ni Rizal, at ni hindî siyá nagbukás ng báhay-sanglâan, bagamán nang ipagbilí niyá itó’y nalúgi siyá pagsápit sa libíngan. “Patáy na ang táo, mabúhay ang táo!” Masasábi rin iyán sa tulâ. Kung ang kásaysáyan ay “suplíng ng panahón,” ang kalalíman ng mga sémyológo o ang bokabuláryo ng mga sikológo ay hindî káyang maliitín ang ímportánsiya ng tulâ sa estruktúra ng istoríkong karunúngan. Palagì itóng magtatagláy ng “signipikasyón,” kumbagá, sa kontéksto na ang kásaysáyan ay lilikhâ ng saríling awtónomíya. Gayundín, manánagót ang kásaysáyan sa saríli nang hindî ginagawâng inútil ng tulâ o hinahámak ng nakalipas nitó. Maipápalagáy ba ng sinúman sa isáng diskurso ang “pandaigdigang tulâ”? Makábubúti pang sumúlat ng “tulâ ng mga tulâ” at lináwin sa wakás ang tanóng hinggíl sa Diyós, Lipúnan, at Kasarian! Ang gayóng tulâ ay sasakláw sa kabuôang Progréso ng Táo, itutúring ang Kásaysáyan bílang Síklikong Pagkakásunód-sunód ng Kaúnlarán at nakátuón sa paglalantád ng mga Tiyák na Tungkúlin nitó sa isáng panahón. Makapipilì ang isáng táo ng anúmang yugtông pangkásaysáyan na ang tulâ’y makapáglalabás ng katumbás na dátos na nása anyô ng tugmâang pentamétro. Isáng siyéntipíkong tulâ talagá, na espinghéng tekstuwál na tagláy ang lahát ng sagót! Isáng tulâ sa maringál na estílo!

17

Sa mga talâ at usápang hinangò sa mga kamára ng útak ay matátagpûan ang mga pahiwátig ng karukhâan ng talíno kapág nagpatúloy ang pagnanása sa gayóng pandaigdigang tulâ. Ang pagnanása ang pinakámasakláp na anyô ng renásimyénto; ang tulâ ang pinakámasakláp na anyô ng ortódoksiyá. Bagamán walâng humpay ang ebolusyón ng tulâ, ang pagigíng unibersál nitó ay hanggáng doón lámang, at hindî dáhil sa anumáng arbitráryong kápa ng awtoridad na inilálambóng doón ng iláng tagasunód nitó. Gáya sa pangangásiwà ng anumáng estádo, ang pangangásiwà sa tulâ ay malikhâing pagsusukò ng ilang bahagì ng egoismo ng makatà, na hindî na niyá mulîng mababawì, at magagawâ ng tulâ ang anumáng naísin nitó. Sa gayón, maaarìng wasákin ng makatà ang kaniyáng tulâ, sa literál na pagsasábi, kapág inilantád ng tulâ ang karupukán ng natúrang egoismo niyá úpang patunáyan ang pagkamatulâing winikà nitó. Ang masamâng tulâ ay isáng kabiguan sa taktikong paghahandâ, at tiyák na ang pagkabigô pagsápit ng bisperás ng bakbákan. Báwat pagpapátotoó ay nagpapáhiwátig ng pagkakailâ, dáhil ang ahénteng nagpapátotoó ay kailángang lumabás sa saríli úpang harapin ang saríli. Ang masamâng tulâ ay masamâng pagpapátotoó. Bahagi ng kamalásan ng gayóng tulâ ay walâ itóng kahalíli, o hindî nitó káyang makipagbudóng[19] o umíwas sa ibá pang téksto.  Sa sandalîng mabigông gamítin ang oportunidad na maging ganáp, itó’y permanenteng maipapakò sa libíngan ng mga téksto. Bílang lunán pára sa artíkulasyón, ginagapì nitó ang saríli sa pamámagítan ng pag-eendóso sa katahimíkan, na sa gayóng paraán ay lumalagpák itó sa ilusyon ng pagsasalitâ, o sa pagpapahinà ng kalidád ng pagsasalitâ. Kailángang ipagtanggól ng makatà ang tulâ úpang mapangálagàan ang kaniyáng saríli, ngúnit walâ na iyóng saysáy. Matápos sumabláy ang tulâ, maaarìng matamó ng makatà ang kakayahán sa lahát ng bágay—ang tínig sa pag-áwit, ang balutì ng kawanggawâ, ang nag-aálab na ídealísmo—at kahusáyan sa walâ. Ngúnit hindî iyón máhalagá. Aámin ang Gómang Tóre na walâng hadláng sa tránsmutasyón ng mga salitâ. Sa málalayáw at medyokridád ng burukrásya ay may kahawíg na pagkukunwâ sa kadakilàang naghuhúnos na pangangáilángan, ang mga luhòng lumalagô sa pagigíng karaníwan, gáya sa aghám ng wikà na ang diyós ng pagigíng Unibersál ay pinípintahán ang pang-urì o pinupúgot ang pandiwà.

18

Bílang ásamblea ng mga salitâ, nagíng tuláy ang tulâ sa pánig ng pagkakaháwa at pagkakahón. Sa kabilâ ng lahát, ang báwat pantíg ay nabábatíkan ng mga dumí ng mga káhulugáng bumabálot sa pangkultúra at panlipúnang pagpapahayág, mulâng pagdurúsa pagkasílang ng epíkong bayáni nitó hanggáng paglilibíng sa bayáni sa pambansâng parké. Sina Labáw Donggón, Lam-áng, Bernardo Carpio, at Bantúgan ang maaángas na gíting na isinákatawán sa literál na antas nina Gregorio del Pilar, Antonio Ricarte, Jesus Villamor, at Conrado Balweg; báwat isá’y hangád makipágdebáteng tekstuwál sa mga pambansâng priyoridád  sa pamámagítan ng paghúbog sa tulâ bílang nakamamatáy na sandáta. Báwat tulâ ay humaháwa sa ibá pa, gáya ng nakamamatáy na sakít, naglalaán ng kaligtásan sa pinakámalálakás lámang, at magmamártsa ang bokabuláryong hukbó pababâ sa kaparángan ng kásaysáyan, sisilábán ang mga báhay, haláman, at háyop na pawàng walâng língguwistíkong kaugnáyan sa mga káwal nitó. Ang paglípol at págkulimbát ang dumádalísay sa tríbu, túlad sa Luxor o Agam Dez; pagdáka, ang tulâ, matápos na malíkom ang mga kulimbát sa loób ng mga kinubkób nitó, ay isásará ang mga lagúsan sa pagtákas. Mabibigô ang mga bilanggô sa pagmamákaawà na mabágo ang kaloóban ng tulâ; ang tánging pampalúbag-loób nilá’y ang kisápmatang pagyáo. Ang ganitóng kubkób na pagkakábukód ay malubhâ pa kaysá kamatáyan: hindî lámang itó pagsúpil sa enerhíyang tekstuwál bagkús pagsusukò sa awtónomíyang tekstuwál. Itó’y dáhil sa pangyayáring ang tulâ ay natatámo ang sukdúlang kalayàan kapág ipinaglalában nitó ang kalayàan doón sa gubat at nakásusukól na larángan. Higit na malayà itó kung hindî malayà. Hindî ba nasiláyan ni Magallanes ang lahát ng káhulugán ng imperyalismong Ewropeo hábang siyá’y lupagî at ágaw-búhay sa págang ng Mactán, at malínaw na nakita iyón sa walâng hanggáhang lawak dáhil hindî siyá malayà, dáhil pinálalayà ng búhay niyá ang saríling isíp mulâ sa kaálipnán ng ísip? At inilantád ba ni Gregorio del Pilar ang kaniyáng kalayàan sa mga bála ng Amerikano dáhil ibig makalayà roón, at pára tanggapin ang mísmong ugát ng pagkakákulóng? Morir es descansar. Doón sa Kordilyera, si Conrado Balweg, ang Filipinong rebeldeng parì ng Diyós, ay pinagbanyúhay ang relihiyósong artikulasyón túngo sa artikúlo ng digmâ, ngúnit nanatilìng parého ang mga pangangáilángan sa tawág ng bokasyón: ang kagubátan ay nagbibíhis ng ígiw, úlasimán, at talumpúnay úpang idambanà ang sagrádong téksto; nagsisilbíng semináryo ang mga yungíb pára sa mga sakristán; ang mga ílog at bátis ay nagpapaágos ng dugô ng ebanghélyo sa mga búkid at lambák úpang palusugín ang mga pálay at maís; ang mga sandáta—armálayt, pistóla, granáda, at tabák—ay pináalíngawngáw ang Kristiyánong ortódoksiyá sa rítmo ng pulbúra at tugmâ ng kalansáy. Ang tulâ ni Balweg ang Sukdúlang Mabúting Balità—ang Kataás-taásang Hukúman ng alítang pantéstaménto na pangwakás ang hátol. Itinátabóy ng kaniyáng ministéryo ang tulâ túngo sa púsod ng kagubátan, kabisera ng lalawígan, kuwartél militár, silíd-aralán, at bulwágan ng parlaménto, nakásanáyan gáya sa kaprítso ng paniniwalà ng táo— “hinihígop ng karunúngan at ng matindíng kapángyaríhan ang isá’t isá” (P1CD:1564)—bagamán ang mga helikópter na de-masínggan ay hinahagád ang kaniláng pagsulong, hinahárang ang dináraánan nitó sa pamámagítan ng mga polyéto at itinaním na bómba, sa hangáring agawín ang dangál nitó o piláyin ang angkíng misyón. Kung sínekúra lámang itó! Magpápatúloy umíral ang tulâ bílang pensiyonádo, ipagmámalakí pa ang angkíng pagkainútil, hábang pinatatabâ ng mataás na pagtingín sa saríli! Ngúnit nagpapatulóy itó gáya ng sálot, o sálot ng mga sálot, kung paniniwalàan si Balweg, gayóng hapís at masakít ang sikmurà. Ang téksto ni Balweg at ang téksto ng kaniyáng tulâ’y naninindák sa mámbabása nang may malínaw na láyon—ang pagwásak sa mísmong líteratúra. Madarama niyá ang sindák na dumádalúyong, lulunúrin ang kaniyáng pananahímik at seguridád sa kawalâng-katiyakan. O babanggâin niyá ang sindák, na nakáguguló sa kaniyáng nakagawîang pangwikà, pupungúsin ang mga pantíg at maiíwan siyáng bungál, ang banggâan na túlad ng salpúkan ng kótse at motorsíklo, na sa eternál na sandalî’y lumalangóy ang mundó nang pabaligtád at ang mga tsupér ay ikakálat ang kaniláng mga kamáy at paá sa aspaltádong lansángan ng kalangítan. Kung kailán pinatátagál ng mga patakarán at transaksiyón ang paghihírap ng mahinang ekonomiya, ang tulâ’y tumitindíg bílang simbolíkong sáhod ng mga manggagawâ, ang aktuwál na pagtutuós ng gastusín sakalì’t nagíng matagumpáy ang pagpások ng tulâ sa plása. Ang mga kiníta ng tulâ ay tatayáhin bátay sa mga sapilitáng parangál at kúsang panggagáya. Sa pangyayáring ang pangunáhing míto na ipinátaw sa kabundúkang nakápalígid sa tulâ ang naghaharì pa rin sa kamalayáng Filipino, magsisimulâng magkaágam-ágam ang tulâ sa katátagán nitó. Mabuti siyempre kung paniwalàan ang gayóng mito, ngúnit higít na mabúti kung hindî paniniwalàan. Sinusuri ni Balweg ang kapangyaríhan ng tulâ lában sa kapangyaríhan ng kabundúkan bílang pambungád sa subersiyón sa palaugnáyan. Tiwalà siyá sa kaniyáng dúnong sa tulâ, at maghihíntay ng senyás sa pagsalákay. “Kayó na muntî ang pananalig,” sermon niyá sa mga nilaláng ng kagubátan, “may hatíd ákong mabúting balità!” Kapág nagbasá siyá ng tulâ, ang totoó’y binabása niyá ang ísip hábang binabása ng ísip ang tulâ—ang dalawáng itó ay pareho lámang. Binabása niyá ang tulâ sa ngálan ng lahát ng diyós, nása impiyérno man o nása kalangitán—dáhil paré-parého lámang yaón—na inuúlit ng mitolohíya sa árko ng kabayaníhan. Kakampí ng mga bundók si Balweg, at samakatwíd ay isáng bundók. Sa pagítan ng katahimíkan niyá at ng katahimíkan ng bundók ay nahihimláy ang aklát na hindî maisusúlat, ang aklát ng kawalán ngúnit aklát ng lahát ng bágay, dáhil lumalampás iyón sa wikà, na siníkap namán ni Balweg na isátitik dáhil hindî nga maisusúlat. “Kúnin ninyóng lahát itó at inumín,” sábi ng tulâ, “itó ang kópa ng áking dugô.” Nang kalabitín ng tulâ ang gatílyo úpang paslangín ang kaáway o taksíl, umápaw ang dugô sa kópa at gumuhô ang tugmâ at súkat. Naging ilahás ang bundók. “Kúnin itó at kaínin, itó ang áking katawán,” sigáw ng tulâ na tíla ba mangingibábaw ang aníhan sa kagutúman, at warìng humintô ang ínog ng panahón at bumakát sa mga bató. Ang túsong  pananákop na tinagurîang “kalayàan,” na mapipílit ang wikà na magtanghál sa entabládo túlad ng isáng sirkéro o magpalípat-lípat sa mga punongkáhoy nang di-alintanà na isinusúka ng kaniyáng sikmurà ang kapinúhan ng mga talinghagà, ay walâng tatanggapíng katumbás na libíngan. Itó ay bakbákan hanggáng mamatáy. Bála sa báwat bála, salitâ sa báwat salitâ. Umáalíngawngáw ang kabundukan sa ngálan ni Balweg, hábang nilulúnod ng mga helikópter ang íngay sa ibabâ. Ang dalawáng tulâ’y inaáwit ang paréhong áwit—“Kung iibígin mo akó!”—ngúnit bigô siláng magkarinígan sa púsod ng mga húkay at gúbat. Sa kahina-hinalàng katahimíkan ay pagdududáhan nilá ang katahimikan. Itó’y dáhil hindî dápat ikalitó ang kaibhán ng tulâ sa teknolohíyang kinásangkápan sa tulâ. Ang huling binanggít ay umaáyon sa mga kahingîan ng aghám panlipúnan—sa kaganápan nitó’y matutúnghayán ng tulâ ang pagkáawtentíko. Itó ang subíndise sa kaakuhán ng tulâ, at hindî talâbabâ o apendise, naglalaán ng kublíng-maláy na andámyo pára sa kalutásan ng bakbákan. Ngúnit hindî itó tulâ, o nakalaán pára maging tulâ. Sa pagítan nitó at ng tulâ ay nároroón ang binanggát na bangíng tekstuwál, ngúnit ang pinátahímik na kawalán, ang espasyong itinatatwâ ni Parmenides, ang lulunók sa kaawà-awàng téksto kapág hindî nitó masikmurà ang resétang teknolohíko. Ang prinsipálya ng tulâ ay magbubunsód ng paghíhimagsák, na ang halína’y bibítag sa mangmáng o sa bansót ang pananalig. Ang mga kagamitán, pasapórte, líham ng kredíto at pagpapadalá, at brónse o pinilákang monuménto ay iimbéstigahán pára sa anumáng palatandâan o pahiwatíg bágo paigkasán ang bítag at tumilápon sa hangín ang sawimpálad. Susunúgin ang mga hadláng na itó kasáma ang epihiyé ng mga diyós ng merkádo, bágo akusahán ng pagpatáy ang tulâ. Ang ipagitnâ ang kaloóban ng tulâ sa sensúra ng kásaysáyan at monopólyong pangwikà ay pangangáilángang pantéknolohíya. Ginagawâ nitó ang pag-íral ng tulâ na magíng ganáp na totoó. Walâ pang naiimbéntong aghám ang makapágsasálaysáy nitó. Nagpápamálas lámang maráhil itó sa pagkámatalísik ng tulâ. Káya nitóng tunáwin ang búnga ng kapahamakán at isákodigo pára magíng étikang pampolitíka, úpang pagkaraán ng engkuwéntro sa kalában ay maisúlat ni Balweg ang bílang ng mga nasawî sa gílid ng mapupútik na balát ng punongkáhoy, na warìng iyón ang pinakámakatwírang gawín. Ngúnit hindî itó larô-larô lámang; ang kisáp na pagdurúsa at higít na mabilís na tuwâ ay hindî maiuúkit sa rabáw malíban sa rabáw ng pusò, at sa ganitóng pangyayári, kinakailángan ni Balweg ang eternidád. Sa kabilâ  ng lahát, kathâng-ísip ang Diyós, o kung hindî’y báwat táo ang humuhúgis ng kaniyáng Diyós matápos itakdâ ang saríling panuntúnan. Nagpalípat-lípat si Balweg mulâng pulpitó hanggáng kabundúkan, ngúnit itó ang aliqua mutation soli sed nulla libertati[20](nagbágo lámang ang pook, ngúnit nanánatilìng sikíl ang kalayàan). Kailángang sumabáy siyá sa tulâ.

19

Si Balweg, gáya ng sinúmang táo, ay walâ kung walâ ang mga salitâ. Mga salitâ ang únang kondisyón ng kaniyáng kamalayán sa kaligirán niyá. Hindî siyá maláy hanggá’t hindî siyá maláy sa mga salitâ. Bágo pa man siyá isílang, naglulunóy na siyá sa mga salitâ. Singkáhulugán lámang ng kulungan ang sinápupunán, at doón siyá tinúkoy, at isinatítik, bágo salungatín ang daigdíg na umiínog sa axis ng mga alpabéto. Sa isáng pagtanáw, siyá ang ávatar ng mga salitâ, at ang tulâ ang talâhanayán ng lahát ng kaniyáng prenatál at posnatál na birtúd at bísyo. Kasabáy nitó, nagpápahiwátig itó ng kaniyáng naúupós na obligasyón sa ritwál ng kamatáyan bílang isinaharáyang pagsasahúgis ng búhay. Ang tulâ bílang ritwál ay gumaganáp hindî lámang bílang midyúm ng komúnikasyón bagkús sisidlán ng pambansâng ligálig (DoN). Hinangô kasabáy ng katangìang ávaristiko nitó, ang nasábing ritwál ay iwinilíg ang nakagawìang néwtralidád, at ginágampanán ang tungkúling hudisyál. Namamatáy na obligasyón—dáhil binubuo siyá mismo ng mga salitâ, kinailangang maging alisto ni Balweg lában sa pagkawaták ng kaniyáng saríli hábang sinasalákay ang Higánteng Tulâ, ang tinípong aklátan ng Kapángyaríhan at Yámang Pantáo na pumápalíbot sa kaniyáng himpílan sa kabundúkan. Ngúnit matapát siyá sa ritwal, dáhil dinádalísay nitó ang estetíka ng dugô na bumibigkís sa mga salitâ. Ang mga diskúrsong pámpanulâan, kapág nangalagás sa merkádo ng sapìng-puhúnan, ay hindî na importánteng mga salitâ at dápat lang na itapon. Totoóng napálulusóg ang tulâ-ng-láwas sa pangwikàng pagkabalisâ, ngúnit bahagì lámang iyón ng pagkain nitó; ang ibá pa’y ang kontrapúnto ng dugô nang maipagsabáy ang mga bála sa Ultimóng Tulâ. Subálit walâng Ultimóng Tulâ, bagkús ang delusyón ng táo hinggíl doón. Báwat tulâ’y nagpapabágo-bágo sa loób ng etyolohíya at elohíyo. Ang úna’y malubhâng bantâ sa pagpapákalmá ng isípan sa pamámagítan ng mga tradisyonál na estetíkong dógma, at ang hulí’y ang nakapágpapáginháwang ponólohiko. Paréhong pumupúkaw ang mga itó úpang mulîng isaáyos ang mga priyoridád na pang-ideolohíya ng lipúnan. Tagláy ni Aguinaldo ang úna, ngúnit hindî ang ikalawa. Sa larángan, mapanganib ang ganitóng di-pagkabalanse.  Ang diskurso ni Aguinaldo ay may lohíka ng kalatás, ngúnit hindî sapát iyón úpang itagúyod ang kaniyáng digmâ. Ekspérto siyá sa pangángatwírang militár, gáya sa líham niyá kay Urbano Lacuna: “Bílang pagsásaálang-álang sa ipinakía mong interés sa kasalukúyang pangyayári sa áting sawimpálad na báyan, at sa pagsásaálang-álang sa maláking taléntong pangmilitár na tagláy mo, nagpasiyá akong pagtibáyin ang iyóng ránggong Henerál ng Brigáda ng Hukbóng Filipino. Hindî ako nagdudúda, at tiwalà sa iyóng pagkámakabáyan, na patúloy mong sasálungatín ang mahigpít na paglában sa kaáway, at hindî hihintô sa págpapátaw ng mabigát na parúsa sa mga taksíl” (SeAC:16-17). Ngúnit hindî siyá bihasâ sa wikà, dáhil ang mísmong téksto na inakalà niyáng matapát ay nagbúnga ng kaniyáng pagkalúpig sa Palánan noóng Marso 1901. “Ang líham na tinanggáp ko noóng ikadalawampu,” kumpisál niyá, “at siyáng dápat itúring kong nagmulâ kay Heneral Lacuna, ay palsipikado na isinúlat nang lábis ang katusúhan. Kompléto iyón sa mga detálye, at nagtatagláy pa ng sélyo ni Lacuna, at hindî pumások sa ísip ko ang munting pagdudúda sa awténtisidád niyón” (SeAC:164). May dalawáng pílas ang trahédya ni Aguinaldo: hindî siyá makatà at ipinahámak pa ng isáng palsipíkadór. Gayundín, walâ siyáng tulâ, na sa pamámagítan nitó’y masusurì ang kaniyáng talambúhay. Isáng kaagápay na pangyayári, bagamán lábis na kakaibá, ang paghuhukáy noóng 29 Agosto 1984 sa mga labî ni Marcelo H. del Pilar sa Hilagang Sementeryo sa Maynila at ang paglilípat sa mga itó sa Kúpang[21], Bulakán. Sa isáng mabilís na kadyót ng pála, kumbagá, ay nabágo ang kásaysáyan—ang multó ni del Pilar ay napális sa nakásanáyan nitóng tiráhan at iníluklók sa lalawígan, na áyon sa mga nanggágalaíting tagasunód, ay karapat-dápat lámang naroroón. Kung may isá mang halimbawà ng páglapastángan sa kásaysáyan, itó iyón, bagamán warìng hindî gayón sa umpisá. Walâng pasubalì na ang paglilípat ay may katangìan ng arbitráryong manióbra úpang palakasín ang káwsa ng burukrásyang pánlalawígan—isáng halimbawà ng patáy na ginagámit úpang isúlong ang yáman ng nabubúhay. Mahírap isaísip ang ibá pang dahilán sa gayóng paglilípat, dáhil walâ namáng makapágdarágdag o makábabáwas sa kadakilàang pangkasaysáyan ni del Pilar. Sa katunáyan, ang kaniyáng mga inapó ay tumútol sa gayóng paglilípat ngúnit napangíbabawán silá. Búnga nitó, isáng dokúmentáryong téksto ang binágo úpang iangkóp sa bokábuláryong pang-ideolohíya ng ibá pang téksto. Ang lipúnang nabigông ihayág nang malínaw ang representasyón ng saríli sa saríli nitó ay mapanlinláng na lipúnan (DoN:38), bagamán maipapalíbot nitó sa saríli ang mga pambáhay na simboló at ritwál, lulubhâ lámang ang mga itó túngo sa pagigíng walâng saysáy na eksotikong kagamitán. Ang téksto ng lipúnan ay yaman ng lipúnan, gáya lámang na ang pananalitâ ng lipúnan ay nakapágpapabágo sa karánasán ng lipúnan. Ang paglilípat ng mga labî ni del Pilar ay isáng paglabág sa simbólo ng lipúnan, na dápat panagután ng burukrásya imbés na magmanúpakturá ng ibá pang simbolóng panghalíli. Makikíta rito kung paanong ang burukratikong manipulasyón ng kásaysáyan ay nakapágtutúlak ng dislokasyón ng pambansâng pangkasaysáyang pagtanáw sa pamámagítan lámang ng paglilípat ng libíngan. Paáno titiyakín ng sinúman sa hinaharap ang katotohanan ng lamán ni del Pilar sa kabuôan nang hindî magagapì ng sakit ng isípan na nag-ugat sa ganitóng páglapastángan? Binurá ng simbolíkong mulîng paglilibíng sa mga labî ni del Pilar ang halagá ng únang paglilibíng sa kaniyá, kabílang na ang tagláy nitóng simbolísmo. Itó ang gámit ng kásaysáyan na língid hanggá ngayón, at maáarìng nakapágpaúso sa pampolitíkang sabwátan sa ngálan ng pampolitíkang bentáha sa lílim ng maringál na témang “kásaysáyan bílang politíka.” Ang modus operandi[22] ay malalágom sa kawikàang—“Ang hindî makúha sa sántong dasálan ay makukúha sa sántong paspásan.”

20

Malínaw na hindî puwédeng iendóso ang tulâ bílang sepulturéro o estadistíkong pámpolitíka; sa pinakámasakláp na anyô, maaarì itóng maging tagatúkoy sa panlásang pámpolitíka, at dáhil doón ay kailángan nitóng magbáyad nang malakí. Kung íbig ng tulâ ang kalayàan, kailángan nitóng maging “mabangís,” sa puntóng ang kóntra-estáblesimyénto nitóng ásal ay mauurì lámang sa pinakátuktók ng panlipúnang saráy (HuB), sa anyô ng pábaligtád na átavismo. Dáhil ang tulâ, at dápat itóng banggitin mulî, ay higít sa lágom ng mga salitâ, gáya ng higít sa lágom ng mga títik ang salitâ. Sa pagwásak sa namámayáning kaayúsan at mga pinunò, hinuhubdán ng tulâ ang mga itó ng awtoridád (MiS:92) at nagbubunsód ng aparáto pára sa bágong kaparúsahán. Ang aparátong itó ang inaasáhang maglalantád, o magpapalínaw, sa kalikásan ng puwáng sa loób ng karánasán at ng paglilipat nitó túngo sa tulâ. Nakáhihigít itó sa lingguwistíkong probléma, dáhil sumisísid itó sa pinakáestruktúra ng kamalayán ng táo at sa mísmong pagkathâ ng tulâ. Ano ba talagá ang sinasábi ng tulâ ni Balweg, o ng tulâ ng kung sinúman? Ano ang matitirá sa tulâ kapág tinanggal ang kalabùan at pagkámasatsát? Hindî maipagkakailâ na may kung anong sinasábi ang tulâ, kahit pa walâ; ngúnit itó ba talagá ang íbig nitóng sabíhin? Sa maraming pagkakátaón, dáhil sa puwáng, ang tulâ ay nagigíng pángit na kópya ng karánasán. Nabigô ang mga teknólohíkong kasangkápan nitó na sagutín ang problema. Maaarìng sanhî ng ibá’t ibáng sálik ang kabigûang itó—ang karahasán o ang bantâ ng karahasán, ang bumabagsák na ekonomíya, ang nababánsot na sistéma ng panlipúnang halagahán. Nauuwî ang tulâ sa pagigíng “simbolíkong” simboló, na walâng solídong realistíkong súhay na kailángan nitó úpang patunáyan ang saríli bílang mahalagáng bahagì ng karánasán ng táo. Sa kásong itó, ang di-pagkakátugmâ ng gawâ at ng paghúbog sa gayóng gawâ ang sadyâng nangingibábaw sa produksiyóng matulâin. Humihinà ang tulâ dáhil sa kawalán ng batayáng maglilínaw sa pánig ng wikà at ng kamalayán. Hindî dáhil sa salát itó sa estilo; walâ itóng talino. Ang tulâ na susúpil sa mapaniíl na milisyá ng estádo, na magpápabagsák sa kinamúmuhìang rehimén, na mag-aalagà ng ekonomiya ng dukhâng nasyón, ay hindî kinakailángang magíng marahás na tulâ. Ngúnit kailángan nitóng maging maútak. Úpang malabánan ang tiranya, kailángan nitóng maging mapágbantáy; kung may panunúhol, dápat itóng maging matapát; kung may karukhâan, dápat maging pragmatiko; at kung may bulok ang ásal, dápat maging bisyonaryo. Sa alinmang lipúnan na ang pagtangging sumunód sa diktá ng Partído dáhil sa estetíko at etíkong katwíran ay itinutúring na krimén lában sa Estádo, ang tulâ ay walâng magagawâ kundi magrebélde. Dáhil hindî nitó mapáhihintô ang pangmomólestiyá, naturál lámang ang panlilibák. Parurusáhan ang tulâ sa nasábing lipúnan dáhil hindî itó maparúrusáhan sa ibáng lipúnan. Ang tiránong harì na naniniwalâ—na dáhil hindî naglagáy ng mga imprentá ang Diyós sa kalangitán kayâ inimbénto ng Demónyo ang alpabéto—ay magíging masigásig sa pag-úsig sa mga panitikéro at maghaháin ng mandamyénto lában sa kaniláng mga tulâ. Ituturing niyá ang tulâ na sedisyoso, at dudurúgin ang diskursong hindî aprobado. Masáhol pa siyá kaysa pilosopong-harì; ang hulí’y naghahayág ng mga halagaháng intelektuwál úpang manatilì sa podér, samantálang ang úna’y nagháhayág ng Patnubay ng Maykapal úpang manatilî sa podér. Dáhil hindî pamilyár sa silbí ng mga simboló—malíban siyempre kung ang pag-aangát niyá sa karahasán sa antás ng síning ay itúring na simbolíko—pinághihínalàan ng makasaríling pinunò ang mga kílos nitó. Pára sa kaniyá, epektíbo lámang ang mga itó sa negatibong paraán, kayâ niyá nililigálig nang masawî ang mga itó o maging inútil. Nangangambá siyá sa pagkásagrádo ng mga salitâ bílang kasangkápan ng diskúrso, dáhil maaarìng magbanyúhay ang mga itó túngong kahiwagàan. Gáya ni Platón, ipatatápon niyá ang tulâ palayô sa kaniyáng kaharian; taliwás kay Platón, babaldáhin múna niyá itó. Pipilítin niyá ang tulâ sa pamámagítan ng pagpilípit sa wikà ng báyan. Gayón niyá inaágaw ang mahíka nitó. Pagkaraáng pahinàin ang tulâ, gagawin na lámang niyáng ritwal itó—gagawáran ng mga titulong pandangál, bibigyán ng pensiyón habambúhay, hanggáng isadlák iyón sa kung saáng madilím na súlok ng silíd-aklátan úpang mabúhay maráhil sa píling ng masasayáng alaála. Itó ay sa pasubalìng hindî na nitó mulîng bubúlabúgin pa ang estádo. Dito dápat itangi ang awtoridád—ang kapángyaríhang ikinatwíran ng mga paniniwalà ng kusàng masunúrin, at ang manipulasyón—ang kapángyaríhang ginagámit nang língid sa kaaláman ng mahihinâ (MiS:50). Sa tiraníkong pamamahalà, ang panghihinâ sa politíka ay nauuwî sa pagsiíl sa mga malikhâing alagád ng síning, malímit sa pamámagítan ng suwábeng pagmamánióbra sa mga realidád na pumapalíbot sa tiráno úpang mapilítan siyáng tanggapín ang mga bágay na áyaw niyáng tanggapín; sa kabaligtarán, kapág aktíbo ang tulâ sa karaníwang panlipúnang kalagáyan, napupúkaw ang paghihinalà ng estádo, at naipápamálas ang mátitingkád na makapángyaríhang aksiyón lában sa tulâ. Kayâ pánsamántalá ang pagreretíro ng tulâ sa mádidilím na sulok ng panitikán, dáhil hindî itó pinahihintulutang mag-isá naísin man nitó. Nakikípaglarô sa tulâ ang pinunò kailan man nitó ibigin, at ibinibilanggô ang tulâ sakalì’t magsalitâ iyón. Pára sa kaniyá, ang tulâ ay hindî alíwan o pangánib, ni maninimbang sa mga itó. “Ano ang ibig mo?” aniyá sa tulâ. “Kung akalà mo’y hahayáan námin ang sinúman na mag-ísip at isúlat ang anumáng bágay na pumások sa kaniyáng ísip, hindî itó mangyayári. Hindî kami papáyag! Mabúti pang magpalít ka ng ideolohíya. Siyempre, walâ kaming sapat na kapangyarihan pára puwersahín ang lahát ng táo na paré-paréhong mag-isíp, ngúnit may sapát káming kapangyaríhan pára pigílin ang mga táo na gumawâ ng nakasasakít sa ámin. Walâng pakikipágkompromíso sa usapíng may kaugnáyan sa ideolohíya” (LaS:XII). Mukhang pamilyar ang gayóng tunóg ng tínig sa panahón ni Khrushchev; sa Inglatera, mulâng Cromwell hanggáng Reyna Anne; sa Estados Unidos ng Amerika, mulâng Roosebelt hanggáng Kennedy; at sa Filipinas, mulâng Quirino hanggáng Marcos. Sa lipúnan na ang nihil obstat[23] ng Estádo ang nagtátadhanà sa búhay at kamatáyan ng dískurso, ano ang magagawâ ng tulâ? Pára matuligsâ ang legalidád ng Estado, at nang masagíp ang tulâ mulâ sa walâng katapusáng pagkádestiyéro, maaarìng mangailángan ng bágong pilósopíya o bágong aghám, ngúnit sa kasalukúyan, sapát na ang mulîng paglilihís ng tuón sa panlipúnang talíno na kanugnóg ng estetíka. Hindî itó edónismong pilósopíko o siyéntipíkong ánarkismo, bagkús sistémang nakahanáy sa mga makatáo at kongkretong realidád. Anó’t anumán, hindî iyón mahalagá. Dáhil sa ngayón, makásasabát nang matalísik ang tulâ sa nagháharì: “Maaágaw mo ang lahát sa akin, ngúnit hindî maaágaw ang sigásig ko sa paglikha. Salungát sa awtoridád mo’t manípulasyón, igigiít ko ang paglikhâ, at huhubúgin kitá sa oríhinál mong húgis nang magkaroón ng túnay na salamín ng saríli; lában sa pamimílit sa aking mga salitâ’y iimbénto áko ng ibáng salitâ na higit na makapángyaríhan at higít na makatótohánan kaysa noón, nang hindî na maitanggí ang írasyónalidád ng wikà mo bagkús ang rasyónalidád ng iyóng kabuhungán. Gigibâin ko ang subersiyón mo sa aking kaluluwá. Tutumbasán ko ang kalayàan mo’t kapángyaríhan ng áking kalayàan at kapangyarihan!”

21

Sa mapanúpil na gobyérno, ang pagkákaroón ng dakilàng tulâ ay párang pagkákaroón ng bágong gobyérno, at hindî itó mapalálampás. Sa ganitóng pangyayári, káya ng mapanúpil na gobyérnong “baligtarín” ang ágos ng kásaysáyan o ang kilusán ng kolektíbong kaisipán. Makágagawâ ng bágong anyô ng dískurso ang nasábing gobyérno mulâ sa mga retáso ng pambansâng kapahámakán at pagkádismayá na ipinálalagánap din nitó úpang magmukhâng pinaháhalagahán ang dangál ng táo, ngúnit walâng wikà ang sasapát doón, na batíd din ng nasábing gobyérno. “Huwág mong asáhang magbalík/ ang wikàng sinábi’t batóng inihágis.” Ang pagkawásak sa kamalayán ay sadyâng nagbubúnga ng pagkawásak sa wikà, dáhil ang estruktúra ng ísip ay katúlad ng estruktúra ng pananalita. Maraming wikà ang tirano ngúnit isá lámang ang kaniyáng ísip. Sa pagsusuri sa kaniyáng ísip, at hindî sa kaniyáng wikà, mauúnawâan ang kaniyáng semantika. Halimbawà, matútunugán ang pánlilinláng na tagláy ng kaniyáng tínig hábang nag-uútos siyá na ipabaríl sa mga káwal ang tulâ, ngúnit ang pánlilinláng ay nása kaniyáng huwád na ikalawáng wikà, na pagpaparikít sa únang wikà. Maaarìng bigkasín niyá ang “Pag-ibig,” ngúnit patúloy ang pamamasláng. Sa gayón, nagagawâ niyáng pormál ang bokabuláryo ng mga kumpás úpang itaták ang kaniyáng pangwikàng pagsang-áyon sa karahasán. At malímit niyáng isásaálang-álang, nang may hálong poót, ang tulâ, dáhil maaarì itóng gumantí sa wikà ng kaniyáng ísip. Lilikhâ siyá ng palabás na mapagparáya sa tulâ, kung nása panig niyá ang tagpo, na magpapabangó sa kaniyáng imahén bílang tagapagsanggaláng ng publiko. Hindî kailángang mabatid ng kanang kamay ang ginagawâ ng kaliwàng kamay. . . Siyá, gáya ng sinúmang papalit sa kaniyáng puwésto bâlang araw, ay masugid na rasista, sa paraáng itinatagúyod niyá ang “tradisyon” ng imperyoridad ng Filipino na pinalalagánap ng mga Ewropeo úpang manatiling alipin ang mga Filipino. Itó ang winika ni Larousse sa kaniyáng Ensiklopedya: “Itó (na tumutukoy sa lahìng Filipino) ay binabaéng lahì na walâng látoy o lakás, at ni hindî pumalág na mahiklat ang mga ugat ng nasyonalidad, gawî, kaugalìan, paniniwalà, at kahit na ang wikà nitó” (AIF:8). Sinagot ni Rizal ang ganitóng parátang sa paglikhâ kay Elias, sa Noli me tangere, “siyá na marangál ang kataúhan, makabáyan, mapagbígay, at walâng kinikilíngan—na dápat taglayin ng táo na pasimuno sa himagsikan” (AIF:5). Sa kasamâang pálad, maiklí ang búhay ni Elias, dáhil naísip na ni Rizal na masasawî siyá at hindî ganáp na mahuhúbog si Elias pára sa isá pang nobéla. Lumitáw kalaúnan si Elias bílang simbolíkong diwà ng paghihimagsík sa “Mi ultimo adiós.” Itó ang malínaw na káso ng tulâ na ipinágtanggól ang báyan pára sa layúning mapawì ang hanggáhang nagbubukód sa kásaysáyan ng Filipinas at sa karánasáng Filipino. Dáhil hindî mapagbubukod ang dalawa, na tila ba magkahiwalay na realidad; kapuwa yaon kongkretong usapin ng makalipúnang táo. Nang sabihin ni Rizal na “Amerika ang namumukód na lupain ng kalayàan, ngúnit laan lámang sa mga putî” (AIF:9), hindî siyá naghahayag ng pansaríling prehuwisyo bagkús nagpapaliwanag ng pambansâng kamalayan. Nang himukin ni Mamerto Natividad ang kaniyáng mga kabáyan noóng 1887: “Maghimagsik, mga pusong marangal, maghimagsik! Wakasán na ang paghihirap. . . Kinákaladkád ang Katagalugan[24] sa pagkatimawa. Sumisigaw ang báyan lában sa páglapastángan sa kaniyáng mga anak. O, sibilisasyón at kultúra! Binibitay o ipinátatápon ang mga nagsusumamò at dumaraíng nang mapayapà sa ilálim ng batás. Sobra na ang mga eskandalo!” (AIF:23-24)—inihahatid niyá ang kásaysáyan at karánasán sa nakamámatáy ngúnit katártikong pagsasánib. Nása anyông prósa ang dískurso, ngúnit nag-aálab ang sentimyénto hanggá ngayón sa hindî pa natutuklás na wikà. Kung ang pamimílit ang pangwákas na anyô ng kapangyarihan, himagsikan ang pangwakas na anyô ng panulaan. Mga tunggaliang pang-estruktúra, sinindák na mása, at sangkatérbang gutóm na táo ang pumupunô sa mga tulâng Filipino dáhil pumupunô silá sa mga lansángang Filipino. Walâng mahíkang makapapawì sa mga itó, dáhil malulutás lámang ang hidwâan  sa pamámagítan ng pagsasaáyos ng mga bahagì nitó túngo sa maalwáng kabuôan, o sa pamámagítan ng pagpapáhintúlot díto na umágos nang kusà kung saán. Ngúnit hindî itó maitatráto na págbabalátkayô sa tulâ bílang kalahók doón, dáhil ang hidwâan  at tulâ ang mga pangunáhing patnúbay sa himagsíkan pára sa síning at politíka. Ay, sa pagtatamó ng tumpák na áwit pandigmâ, pasaríng, tamang pamámaríralà—na makapágpapákulô sa dugô at makapágpapásimulâ ng diskurso, sa pamámagítan ng estilístang sayáw, mapápabángon ang mga patáy na kaluluwá sa ngálan ng karukhâan at nagkakaisáng diwà! Anúng hírap mabúhay sa ngálan ng kinabukásan at sa makasisirà sa nakaraan! Kung palamutî lámang ang tulâ úpang maging kaáya-áya ang pagkaalípin, ang walâng katapúsang kadéna’y hindî máhalagá sa báyan na gumagápang sa dilím, dáhil lalo iyóng magpapáanták ng sugat; ngúnit kung ilalagáy ang tulâ sa balutì ng kabutíhan at magmamártsa túngo sa pakikidigmâ sa ngálan ng lahát ng busabos sa mundo, iyón ang pinakamabigat na kahangalán. Hindî makalalagot ng malupit na siklo ng pagbilanggo at pagdestiyero ang gayóng abentura, bagamán makalilinlang na ang táo’y nása mabuting kalagáyan. Ano ngayón? Gawing kakampí ang Kamatáyan at hiklatín ang lamanloób nitó kung makalulusót! Ang paghílab ng kirót nitó, sa bandáng wakás, ay makahíhikáyat sa tulâ na umimbénto ng mga bágong salitâ nang maibúkod ang mga lumâng kabigûan at pighatî. Maaarìng hindî masagót nang ganáp ang tanóng, ngúnit maigigíya nitó ang tulâ túngo sa higít na maáyos na pamámaraán. Ang mga kumpás, imbes na maging pantomima ng mga salitâng binibigkás, ang magiging mga sangáng talinghagà pára sa alpabetikong pagsábog, na sasapól sa kaáway sa sandalîng hindî inaasáhan. Ang tulâ, bílang pormulasyóng tekstuwál, ang mananáhan nang higit sa pahínang pinagsulatan nitó—sasaklawín nitó ang lahát ng panahón at espasyo. Itó’y sapagkát lumalagô ang estetíkong pag-aaklás bílang katuwáng o kapílas ng pampolitíkang pag-aaklás. Ang tulâ ay nagiging tagpûan ng mga báwal na kaisipán at di-awtorisádong talambúhay, gáya sa paléngke sa New Delhi, na ang mga patalím ay hinahasà pára sa pangwakás na pagsakyód sa pusò ng kaáway. Isinásaáyos ng tulâ ang métro sa tóno at gunitâ úpang maikanlóng ang sinaúnang poót at pangangatál ng tínig bágo isakatupáran ang nakámamatáy na sabwatan. Báwat salitâ ay naglalagabláb na poót, báwat tulâ ay gátong sa gayóng pagliliyáb, báwat saknóng ay pagpapasúlak sa násabing gátong, hanggáng silabán ng tulâ ang pahínang kinasusulátan nitó, at lumagánap sa gulugód ng aklát, lumundág sa mga basúra at tambák sa kalsáda úpang tupúkin nang kisápmatá, sakâ magmamártsa nang lumalagabláb ang rítmo túngo sa palósyo ng Harì úpang lamúnin ang mga marmól na sáhig, ang malasápot na barandílya, ang mga imported na porselána, ang alpómbrang Persiyáno, at hihintô sa pintûan ng silíd-tulugán ng harì úpang ihiyáw ang pangwakás na bantâ: “Talikdán mo ang pagkukulóng! Itó ang aming babalâ!”

22

Sa panagínip, ang tulâ ring itó ang hahalíli sa puwésto ng gobyérno, at iuútos na hubúgin ang pangitaín na magíng maharlíkang pútong—ang Gómang Tóre na lagánap sa diláw na párang na napalílibútan ng mga puláng pakpák-panulát—at nakasábit sa báwat lagúsan ng lúngsod. Pagkaraán, kíkilalánin ang tulâ na mambabátas ng daígdig at titindíg sa mga murálya at ihahayág sa mga táo: “Mga makalupàng nilaláng, bákit bantulot káyong maniwalà? Mga salitâ ko ang magpapádalísay ng inyóng pusò. Timpîin ninyó ang mga dilà sa paghubog sa aking ngálan, dáhil ang ngálan ko ang lunsáran ng inyóng ikalawáng búhay, ng inyóng ikalawáng tadhanà! Kung walâ ako, walâ rin kayó, walâ! Hindî ba kakatwâ na umáhon ako mulâ sa límot úpang magbigáy ng paggunitâ, umáhon sa pútik nang bigyán kayó ng mga bulaklák, lumabás sa karimlán úpang bigyán kayó ng liwánag? Maniwalà kayó! Hayaan ninyóng dumami ang mga salitâ at maging demónyo at idólo sa inyóng mga uták, ngúnit huwág ninyóng hayaang linlangín kayó ng aking pakáhulugán! Lalaslasín ko ang inyóng lamanloób dáhil mahal ko kayó!” Isáng panaginip, siyángâ, ngúnit hindî panloób na pagkabulok na kaugnay ng pagkamatay ng sining at politíka. Sa pinakámaínam, itó ang wikà na isinásakátupáran ang trabáho ng haráya[25], nagtatatág ng mga makatáong unibérso sa pahína, at pinasasábog ang mga itó sa haráp ng sangkataúhan sapagkát hindî karápat-dápat ang mga itó sa sángkataúhan. Nagsasaharáya ang tulâ nang higit sa mga magkakahiwalay na bahagi na dápat nitóng isáharáya; ang ganitóng galíng ang malímit nagpapahámak sa haráya, dáhil ang mga kalában nitó, na gumagámit din ng kaniláng haráya ay nagpapaliwánag hinggíl sa aktuwalidâd at umiísip kung ano ang walâ roon. Gayundin, ang ganitóng galíng ang nagbibigây sa tulâ ng bentâha na makíta ang hinaharáp sa ngálan ng lipúnan, at sa pamámagítan nitó’y matutunugán ng tulâ ang sintómas ng mga baluktót na ásal bágo pa lumalâ—ang kalipunán ng pantásyang may láwak ng pagkabáliw, ang pagkahiráti sa mga musmós na anyô ng paglulunóy sa mga pangangáilángang pantáo, at kakulangán sa pagkátiguláng ng kaloóban. Aakalàin din nitó na may saríli itóng dibinong kakayahán sa panghuhulà: “Dáhil hinayaan ng Diyós ang táo na ísiping hindî umiiral ang Diyós, hindî nga umiiral ang Diyós.” Usapín lahát iyón ng wikà. Sa pamámagítan ng tunóg at kumpás, ang tulâ’y nakabubuo ng realidád o di-realidád ng anumáng bágay. Kay bilís sabíhin ng isá, “Ako itó, samakatwid umiíral ako,” gáya ng “Hindî ka nga, samakatwid hindî ka umiíral.” Kahawíg sa linggúwistíka at kinésika ang mga mitíkong kondisyóng  ipinapátaw ng táo sa talinong pantáo úpang kumulót ang baít, gáya lámang ng saranggólang pinakukulót ang simoy úpang makalipad. Ang pagbubuhól ng baít at mithî sa pamámagítan ng makapangyarihang tulâ, sa pamámagítan ng awtentikong tulâ, ang makapapawì kahit sa pangangáilángan sa Diyós, at ihahalíli sa Kaniyá ang hímig ng tagumpay[26] na kinathâ sa wikàng pandaigdig. Ang tulâ ng uniberso ay Diyós ng uniberso. Nangangárap maging gayóng tulâ ang tulâng Filipino. Ang kawalan ng pag-ása ang nagtabóy sa tulâng Filipino sa gayóng kalagáyan, at tangìng pagpatáy ang makapágbibigáy ng títis ng pag-ása. Ang páring si José Burgos—na espiritwál na amá ni Balweg, o ang érmenyutíkong kodígo ni Balweg—na ang tangìng trahedya’y hindî naging mandirigmâ sa larángan, o naging mandirigmâng pánghinaharáp, na hábang nakakulóng sa monastéryo, ay hinulàan ang kumpígurasyón ng nasábing pag-ása hálos sandaáng taón ang nakalilípas. “Masísiyahán na ang báyan sa pagkákaroón ng ilang repórma. Lilisánin ng mga táo ang báyan. Maráming Filipino ang papatnúbay sa ating tadhanà. Ngúnit ang mga namumunò namán ay muslák na pangúngunáhan ang túnay na sambáyanáng Filipino—na naghihírap na mása—sa karimá-rimárim na paraán. Sasápit pagkaraán ang matindíng pag-aaklás, ang paghíhimagsík ng mása lában sa kapángyaríhan at kayamánan”—at bákit ang dalawang itó’y dápat gibâin at wasákin ng talinghagà?—isáng estetíkang probléma— “at pagdáka’y ang gayóng napakádakilàng diwàin na natutúlog nang kung ilang síglo ay mapupúkaw at papantayín ng sosyalísmo ang lahát túngo sa pangkálahatáng sandígan sa báwat poók na ang relihiyón at panatisismo’y naghaharì sa mga táo at makikíta natin ang túnay na digmâan; ang báyan lában sa ipokritóng demokrásya; makikíta natin ang mga huwád na politíko’t mapagmáhal sa salapî at ang kaniláng mga lamanloób na inihagis sa alipumyó ng mása na lilípol sa kanila—mga huwad na makabáyan at bolerong mabantot” (LiP:36). Mga teribleng salitâ mulâ sa teribleng salitâ. Malulubós ba ng bantâ na maging totoó? Lumulútang gáya ng mga dahon ang hulà ni Burgos, samantálang mamumúlot ng mahiwagâng bulóng sa basurahán ang mása, na tatlundaang taón ang pagkakulélat sa panawágan, at ang pinakámasakláp, dáhil sa mumunting dúnong na makákukumbinsí sa kanilá, na itó talagá ang bansang binanggit sa kaniláng mga sértipíko ng kapanganákan. Makaraang makapághintáy ng tatlundaang táon, pagód na silá sa kahihintáy, at íbig niláng iparehístro sa hukúman ang kaniláng protésta. Nananatiling walâng silbí sa kanilá ang tulâ, dáhil pára sa kanilá’y isáng anyô lámang itó ng paghihintáy na nanunuyò sa pamámagítan ng mga elegánteng pariralà, at naghihintáy silá gáya ng Rusong kapatid sa Moscow bágo itó idestiyero, na naghíhinagpís sa paninigás ng pagbabágo— “Walâng nagbabágo hanggá ngayón; hindî pa isinasaulì ang aking mga artsíbo; hindî pa nalálathalà ang mga aklát ko at ipinágbabáwal ang ngálan ko” (LaS:143-144). Pag-ása ba ang sukdúlang tugón ng kamalayán nang masiyahán ang di-kamalayán at harángin ang malikhâing ebolusyón nitó? Sa kabalígtarán, mahuhúkay ba ng tulâ ang mga kalansáy ng gunitâ nang mabuô mulî ang identidad nitó at sa gayón ay mapabángon ang mga diyós na pinatáy nitó? Hakà ng tulâ sa New Zealand, “mulâ sa nabuô sa ísip ang paglagô,/ mulâ sa paglagô ang pagsílang ng kaisipán,/ mulâ sa kaisipán ang pagsílang ng paggunitâ,/ mulâ sa paggunitâ ang pagsílang ng kamalayán,/ mulâ sa kamalayán ang pagsílang ng lunggatî,” at si Tiamat, ang dibinong Ehipsiyong pundadór ng daigdig, “ang lumikhâ sa Úod, sa Dragón/ sa Babáeng Halímaw/ sa Dakilàng Leon/ sa Bang-áw/ sa Laláking Alakdán/ sa Bagyóng humahalíhaw” (SpM:23). Bagamán bahagì ng karaníwang panlipúnang realidad ang tulâ, ang simbolikong esensíya nitó’y napakadúlas pára sa éksaktong tránsliterásyon, at ni ang paglikhâ o ang gawâin ng pangangásiwà ng estado ang makapágpapalabô  sa gayóng esensiya. Naipapanálo o naipapatálo ang digmaan; sumisílang o namamatáy ang sanggól; inaámin o itinatanggí ang pagpatáy, ngúnit magpapatúloy sa pagsúong ang tulâ, hindî bílang diyalektika sa panig ng rasyónalidád at ng írasyónalidád, bagkús bílang pagkakasundô na matamó ang inaapuráng magagandang kalagáyang pambansâ nang mapabáwa ang pagtatakwíl sa báwat salinlahi. Ang batayáng sandáta nitó’y ang mismong saríli, dáhil gáya ng pusàng may siyám na búhay, ang tulâ’y nagtatagláy ng maraming tulâ. Báwat salitâ sa tulâ ay isáng tulâ, na naghihíntay lámang ng tumpák na sandalî nang maípagaspás ang mga bagwís nitó at yakápin ang símoy. Yámang ang salitâ sa pagigíng malayà nitó’y isá nang awtónomong entidád, na may katangìang itó lámang ang mayroón, hindî maaarìng maging ibáng bágay ang salitâ bagkús maging salitâ lámang sa pagkamalayà nitó; ngúnit kapág inilugár sa tabí ng ibá pang salitâ, itó’y maaarìng magíng sarì-sarìng bágay na higít sa saríli. Hindî lámang itó totoó sa empiríko nitóng pagkátotoó, bagkús sa pagigíng sapát din nitó bílang pangkáisipáng posibilidád (JaTS:5-27). Bagamán isinusukò ng salitâ sa ibáng salitâ ang ílang bahagì ng kaniyáng awtónomíya, na nakábabáwas sa kalayàan nitó, sa yugtông itó lumalagô ang salitâ, at nangánganák ang mga káhulugán nitó, at nilálampasan ang hanggáhan ng dáting pagkakabúkod.  Bílang bahagì ng tulâ, ang salitâ’y nagbabanyúhay sa maraming tulâ. Idinidiin itó ng mga tulâng mapagbanyuhay[27], dáhil kahit ang intelektuwál at estetíkong kontradiksiyón ay mabibigông pabulaánan ang katotohánan na sa báwat tulâ ay may mga potensiyál na tulâ na handâng maiproséso túngo sa pagigíng nakapágsasaríling entidad; na handâ, samakatwíd, na mapabílang sa pangmátagaláng pakikísangkót na makapágpapágaán sa pambansâng kahirapan, at sa pagsusuri ng mga indibidwal na krisis. Sa ganitóng pangyayári, permanenteng iwinawaksi nitó ang kawalang-pakialam at nakagaganáp nang sangkaterba ang katauhan. Halimbawà, ang tatlong tulâng nagsasánib sa pagiging isá ay sadyâng isáng tulâ lámang na may tatlóng tínig na nagsasalitâ nang magkákasabáy. Báwat isá’y pumupunô sa puwáng sa pagítan ng mga hanggáhan ng mga láwas nitó, ang mga gílid ng di-sinasadyang “pagkásintunádo”—ang bangín ng kawalán—na may mga káhulugáng posible dáhil ang mga hanggáhan, ang mga gilid, ay mapagtatagnî. Gáya sa mga tulâ nina Leonard Cohen, Douglas Barbour, at Cirilo F. Bautista, na isinulat nang tatlong úlit sa magkakaibáng poók, báwat isá’y língid sa ibá pang kasáma, hanggáng ang paghihínang ng kamalayáng gumagámit ng estalísta at pángkaisipáng taktíka ay mapágdikít ang tatlóng tínig túngo sa isáng kataúhan (Tingnan “Transpormasyon,” mababása ito sa dúlo ng seksiyong ito). Ang politíka, sa bisà ng bentáha ng lugár nitó sa mapanupíl na estádo, ay maaarìng marínig lámang ang isáng tinig, at isántabí ang dalawá pang tínig, at mailihís ng ikatló, at kayâ magpapátaw ng parúsa sa tatlo. Yámang hindî garantisádo ng pinunong sukdúlan ang kapángyaríhan ang walâng pagkíling na pagpápatupád ng batás—na pára sa kaniyá’y isáng larûan lámang iyón na magagámit kung kaílan naísin—ang tulâ ng maráming tínig, bílang tulâ ng isáng tinig, ay kailángang salungahín ang tirgas, batutà, bála, kanyóng-túbig, at pananggâng metál kung ibig nitóng makalákad sa mga kalsáda at maipamálas ang mga karapatán nitó. Subalit tanging pinunò ang may mga karapatán; monopolyádo niyá kahit ang supláy ng alpabéto, at nananáhan ang kaniyáng kaluluwá sa ngusò ng baríl. Paáno makáliligtás ang tulâ? Usapín itó ng mga bihása sa retorika. (Itutuloy. . . )

Transpormasyon / Tulang Banyuhay

Salin ng “For Annie” ni Leonard Cohen 
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ngayóng si Annie ay lumisan
Kaninong mata ihahambing
Ang alab ng bukang-liwayway?

Di dahil ako’y mapaghambing;
Ngunit siya’y biglang lumisan
At dápat lang ngayóng maghambing.

Salin ng “Anger Poem” #1 ni Douglas Barbour 
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ni walâng babalâ, ang gabí pára kay
Annie ay lumambóng.  Párang áwit, walâ iyong
melodíya, kumukúpas sa alaála ang mga salitâ, at
ano ba itong kalibúgang sinasábi. Kumikisláp
ang kaniyang mga matá, kung isasatítik  
ng Romantikong kompositór,
umusál ng walâ ukol sa kaniyáng mga mánlilígaw,
na lahát silá’y iniháhambíng ang kisláp
sa mga bituín, siyempré,
ang gabíng nagníningníng, hanggáng
paputîin ng umága ang lángit, at ang áraw 
ay mulîng tumírik gáya ng pagnanása. Diyós ko!
Hindî iyón isang gasgás na kalaswâan
na walâ sa lugár, at paháging kay Annie.
Hindî ko maintíndihán; 
walâ bang nakápansín sa pagkawalâ ni Annie?
Ihambíng ang búhay niyá’t di ang paningín, ani ko,
pero áyaw makiníg ng mga laláking iyón sa ákin.
Madalî namáng lumabás sa TV, dumakdák, kung ano
ba ang dápat ipáyo sa kanilá, pero
ngayón, ipagpápalagáy kong
walâ namán talagá siláng pakíalám sa kaniyá.
Hindî siyá ang laráwan na hinahánap, walâ lang
siyá, at pagpalàin nawâ. Higít ang bágay sa kaniyá.


Salin ng “Anger Poem” #2 ni Cirilo F. Bautista 
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ni walâng babalâ, ang gabí pára sa átin ay umaapóy 
hábang palusóng si Annie. Párang áwit, matamís 
ang melodíya pero walâ, kumukúpas sa alaála 
ang mga salitâ, at napaiyák táyo; pero síno ba’ng 
nakaísip ng kalibúgang sinasábi. Nalungkót akó
sa kaniyá, na ang mga matá’y kumikisláp noón,
kung isasátitík ng Romántikong kompositór, oo,
magsábi ng walâ sa kaniyáng mga manlilígaw, na lahat
ay inihambíng ang kaniyáng paningín sa nakásisílaw
na pagkabalíw, isang pangitàin,
na siyempré’y may mga bituín. Mga bituíng walâ 
sa lugár, ay, pagkabalíw,
nagníningníng ang gabí hanggáng matúpok 
ang pagkabáliw at paputîin ng umága ang lángit, 
at magbabalík ang mundó gáya noón bagamán sisíkat mulî 
ang áraw gáya ng pagnanása.
Diyós ko! Maburá nawâ itong pílat,
na hindî isang gasgás na kalaswâan na bumibigtí 
sa pusô at walâ sa lugár, at hinahánap-hánap si Annie, 
Diyós ko!
Hindî ko maintíndihán: paáno táyo nagíng bulág lahát?
Walâ bang nakapansín nang mawalâ si Annie? Bulág 
    na bulág ang áting mga pusò!
Ihambíng ang búhay niyá’t hindî ang mga matá, ani ko,
hindî siyá dápat na mamatáy,
pero hindi nakiníg ang mga laláking iyón sa ákin, 
   alám ko,
madalî akóng lumabás sa TV, dumakdák, ano pa bang dúnong
ang dápat kong sabíhin sa kanilá. Maabúting makasibát,
bagamán káya kong ihambíng silá sa kung anong bágay, 
pero pára sa gayóng pusò,
	pára ano pa?
Ngayón, ipagpápalagáy ko na lámang na nakíta nilá 
     ang multó niyá,
at walâ talagá siláng pakialám sa kaniyá, mga balíw 
kasi silá.
Hindî siyá ang laráwan na hinahánap nilá, isá lámang siyáng 
multó na nawalâ, at pagpalàin nawâ. Nararápat sa kaniyá’y 
  higít pa saán man siyá naroroón.

Mula sa tagasalin: Mapapansin sa salin na nabágo ang padron ng tugmâan sa tula ni Cohen, ngunit sinadya ang ganitong taktika upang ipamalas na likás na magkaiba ang estruktúra, testura at dalumatan ng Ingles at Filipino, bukod sa pinanaig ang tunguhang wika. Ang kakatwa’y tinangka rin ang tumbasan kahit sa repetisyon at bilang ng mga salitâ sa bawat taludtod. Ang ganitong salin ang tinatawag kong “paglipad,” na halos pagsisílang ng bágong teksto. Kung iuugnay pa rito ang “Anger Song #1” ni Douglas Barbour at ang “Anger Song #2” ni Cirilo F. Bautista, na kapuwa lumulukob sa tulâ ni Cohen, ang pagsasalin sa Filipino ay magkakaroon ng polifonikong himig dahil sa pagpasok ng tinig na likha ng tagasalin.

Mga Tala


[15] Mula sa Latin, tumutukoy  itó sa “paninigas ng katawan makaraang mamatay ang isáng táo.”

[16] Ginamit ito bilang panumbas sa “mental construct,” ang bagay na nabubuo sa ísip, gaya ng diwàin, hulagway, o teorya.

[17] Mula sa Frances, at katumbas ng “Mahigpit ipinagbabawal ang pagbabawal,” binigkas itó ng aktor na si Jean Yanne sa radyo, at naging islogan sa Aklasang Mayo 1968 sa France.

[18] Mula sa Frances, at katumbas ng “katwiran sa pag-iral.” Samantala, mapasusubalian ang pahayag na hindî makatà si Bonifacio, kung isásaalang-alang ang ilang tulâng isinulat niyá, gáya ng “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” na nagpapamalas ng kaniyáng pagkamakatà. Ang salin ni Bonifacio sa tulâ ni Rizal ay patúnay din na alam ni Bonifacio kung paanong sumulat ng tulâ, na lumilihis sa padron ng Español, at iginigiit wari ang padron ng awit na ginamit ni Balagtas. Katuwang din ni Bonifacio si Emilio Jacinto, na maituturing na kabalikat sa pagbubuo ng ideolohiya ng Katipúnan, at nabuo ang diskurso ng Katipúnan sa pamámagítan ng paggamit ng mga terminong Tagalog, gáya ng “Inang Báyan,” “himagsik,” “kalayàan,” “báyan,” “liwanag,” “dilim,” at ibá pa, at matutunghayan sa mga pag-aaral ng batikang istoryador na si Dr. Zeus Salazar at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Ngúnit maituturing na pagbabalatkayô-sa-likod ng kasaysayan itó ni Bautista, at hindî maituturing na pangwakas ang hatol kung makatà nga o hindî si Bonifacio. Ang taktika ni Bautista ay hindî malalayo sa malikhaing panghihimasok sa kasaysayan na ginawa rin ni Jorge Luís Borges, na gumamit ng mga alusyon at tauhan sa kasaysayan sa kaniyáng mga akda, at niláhukán pa ng talababa, úpang maging kapani-paniwala sa pagiging bágong realidad, at nang maganáp ang malikhaing kabulaanan. Samantala, maaaring tama si Bautista pagdating kay Aguinaldo, ngúnit masasagot itó ng gáya ni Apolinario Mabini, kung nagkatáong buháy pa siyá hangga ngayón.

[19] Ibinatay sa salitâng “budóng” ng wikàng Kalinga, at katumbas ng tradisyonal na pakikipagkasundo na ihinto ang digmang namumuo sa magkalábang tribu.

[20] Mula sa Latin, at matutumbasan itó ng “nabágo ang rabáw [na anyô], ngúnit hindî ang kalayàan,” na nagpapahiwatig na “panlabas lámang ang pagbabágo ngúnit nananatiling sikíl ang kalayàan.”

[21] Itó ang Cúpang sa Bulakan. Ginamit ang salitâng “Kúpang” sapagkát itó talaga ang tumpak na baybay ng salitâ na pangálan ng isáng uri ng punongkahoy (Parkia javanica) na katumbas ng “tree bean” sa Ingles. Ang “cúpang” ay ispanisádong baybay kung isásaalang-alang ang Ortograpiyang Pambansa na isinusulong ng Komisyon sa Wikàng Filipino.

[22] Mula sa Latin, at tumutukoy sa “subók na paraán ng paggawa ng isáng bágay.”

[23] Mula sa Latin, at may literál na katumbas na “walâng makahahadlang,” tumutukoy itó sa “pahayag na walâng pagtutol para lapatan ng sensura ang isáng lathalain, gáya ng aklat.”

[24] Ginamit dito ang salitâng “Katagalugan” alinsunod sa diskurso ng Katipúnan, at tumutukoy sa buong bansa.

[25] Mula sa wikàng Bisaya, at katumbas ng “imagination.”

[26] Ginamit ang salitâng “tagumpay” dito bílang katumbas ng “victory song,” alinsunod sa pakáhulugáng ng sinaúnang Tagalog, at matutunghayan sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar.

[27] Itinumbas ito sa “transformational poem” o “transformation poem” na ginamit ni Cirilo F. Bautista.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.