Sa Pulo ng Atay, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Pulô ng Atáy

Roberto T. Añonuevo

Kapág nakipágsapálarán ka sa poók na itó, ang mga puslít na láson ay hihigúpin mula sa iyóng bangkâ, at lilinísin ng mga trabáhadór ang sapátos mo’t kataúhan. Gagaán ang iyóng pakiramdám, at maiíwan sa putíng pantalán ang lahát ng kimkím mong ágam-ágam. Maglálandás sa paningín mo ang mga naglalakô ng sarì-sarìng prútas, may hihíla sa bráso mo túngo sa terminál ng mga sasakyán, at may kargadór na handâng magpaúpa ng kaniyáng lakás úpang pasanín ang mga bagáhe mo nang makáratíng sa minimithîng daigdíg. Kailángan mong magíng alísto, hindî dáhil sa kung sínong mandurúkot o manggagántso, kundî hinihingî ng sandalî na ituón mo ang pansín sa nararápat: ang mápa, ang pasalúbong, ang binálot na hapúnan. Walâ rítong Internet, at umása na lámang sa díreksiyón ng mga salitâ na magmumulâ sa despátsadóra. Makábubúting dumaán ka múna sa panáderyá o almasén, ibaligyâ ang mga bagay sa mga íbig kamtín, at pagkáraán ay tumulóy sa dyíp na mágsasakáy sa iyó tungóng Hayáhay. Huwág magpátumpík-tumpík. Umáalís sa takdâng óras ang mga dyíp o hábal-hábal, nang tapát sa tungkúlin nitó at walâng nilúlustáy na pagkakátaón, at kung hindî ka maágap ay maiíwan ka, wikà ngà, sa pansítan. Sa Pulô ng Atáy, kailángang limútin mo ang pinágmulán. Iwaksî sa ísip ang mga ináasáhan, gáya ng marangyâng hotél o dambúhalàng simbáhan. Díto, ang mga kasalánan mo ay kusàng nalulúsaw sa alimbúkad ng madalîng-áraw, at hindî ka tatanúngin kung anó-anó ang mga titúlo ng pinag-aralan. Tatánggapín ka ng mga táo sapagkát dinalísay ka na sa kaniláng pananáw, at may sustansíya kang maídudúlot sa kanilá kahit hindî mo álam. Tandâan mo ang isinásaád ng bitbít na mápa: ang kanlúran ay silángan sa puntó ng mga panaúhin, kayâ ipágpalagáy na isá ka sa mga tagapulô na kabesado ang daán. Ang diréksiyón ng hángin ay patímog gayóng ang darátnan mo ay hilagà ng mga batuhán, na ang palátandâan ay isang huklubang paróla. Ang pasalúbong mong dála-dála ay maáarîng magbunyág ng iyong layúnin o pakanâ sa isáng tahánang bukás ang mga bintanà at pintô, gáya ng malínis na loób; at ang binálot mong hapúnan ay isáng pigíng pára sa iyó, lalò’t nagsísimulâ nang umúlan-úlan. Huwág kumáin nang mag-isá. Makisálo sa pamílyang kumakáin din ng kaniláng hapúnan. Sa Pulô ng Atáy, ang pagkáin ay hindî bastá pagkáin. Ang pagkáin mo ay magigíng kataúhan mo na magiging kaligirán; at ang pagkáin na kináin ng kasálo mo ay magigíng kataúhan din nilá na magigíng kaligirán mo rin. Ang lumábis na úlam sa hapág o mahúlog na múmo sa sahíg ay sandalî ng pagninílay sa mamúmuông láson o mikróbyo sa iyóng guníguní—balikán mo man ang saríling bangkâ kinabukasan, o mamangkâ sa dalawáng tubigán.

Alimbúkad: Yes to poetry. No to war. No to Chinese invasion. Yes to Philippine sovereignty. Photo by Crizaldy Diverson on Pexels.com