Biyahe, ni Roberto T. Añonuevo

Biyahe

Roberto T. Añonuevo

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Maniniwala ka sa sabi-sabing
may nakaabang na halimaw
sa kaliwa’t kanang panig,
humahabol ang mga multo,
at ang manatili sa gitna’y
luwalhati at pagpapatiwakal.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan, anila,
kung paakyat ng bundok
at tikatik ang ulan.
Matarik at mapanganib,
ang lalandasin mo
ay sindulas ng mga ahas
at sinlambot ng mga lumot.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Matanaw man ang dulo’y
parang tuldok itong naglaho,
o kung hindi’y putol na guhit 
at buradong sulat sa karatula.
Naililihim ng baha ang lubak
at usad-pagong ang trapik.

Pinakamahirap lakbayin,
anila, ang tuwid na daan—
walang puwang sa biglang
liko at layaw ng katawan.
Ang humarurot ay paghinto
sa nakagawiang takbo
ng búhay, iiwan mo ang lahat
hanggang maupos sa wakas.
Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Pixabay on Pexels.com

Wika ng Simoy sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Símoy sa Mánlalakbáy

Roberto T. Añonuevo

Sumisíkat ang mga íbon, tawágin man yaóng kanáway o tarát o balángkawítan, nang língid sa kaniláng kaaláman. Masásalúbong mo sa isáng panahón ang mga bagwís na tumátakíp sa áraw, ang mga bagwís na sumusúyod sa gílid ng lawà o púsod ng latìan, ang mga bagwís na magpápaliwánag sa grávedad, éspasyo, túlin, at magnétikong lárang. Sumisíkat ang mga íbon. Báwat matá, tukâ, balahíbo, at paá’y nagsásalaysáy ng pag-íral at ugát, at gáya ng iyóng músa ay tumátawíd sa mga bundók at dágat, sumusuóng sa líbong pangánib o súkal, ngúnit marúnong umíwas sa súngit ng bagyó at ngitngít ng bulkán, handâng lisánin ang tagsalát at maghanáp ng natitiráng paraíso, pára sa kinábukásan ng sálinlahì. Ang ibá sa kanilá’y párang mga bakwét na hinahárang ng ibáng ibóng mandaragít; ang ibá sa kanilá’y párang réfuhiyádong itinátabóy ng mga bála ng mérsenáryo. Sakalì’t mabítag ng mangangáso, at ikulóng sa háwla, asáhang marúnong din siláng magpátiwakál sa lábis na págdaramdám. At bákit? Hindî silá nakátadhanà úpang panoóring nakákulóng, at hindî pára sa iilán ang kaniláng pagkáilahás. Káwan-káwan siláng tumatákas sa nakápapasòng taglamíg, mághahanáp warì ng sinaúnang púgad, mángingitlóg ang ilán sa ibáng báyan, lilikhâ ng panibágong alamát, mag-áagáhan sa poók na natátandâan ng ínstinto at kutób, magpápalakás ng katawán, hihiyáw na párang lulúsob sa digmâan, hanggáng ipágpatúloy nilá ang paglipád túngo sa támang timplá ng klíma at kaligtásan. Uulít-ulítin nilá ang síklo ng páglalakbáy, pólo sa pólo, manínimbáng o magtítiniklíng sa ékwador, tagláy ang kung ánong mápa at paralúman, mangíngibáng báyan at isasádulâ ang pagbabalík-báyan, sapagkát ang pagpirmí ay kamatáyan gáya ng panahóng isinilíd sa bólang kristál.  Angkín nilá ang daigdíg, itúring mang paliít nang paliít ang tínig nilá sa daigdíg. Sumisíkat ang mga íbon, at kung mínsan, sumásampáy sa mga káwad ng koryénte, na párang súgat na binúbuksán sa pisngí ng lambák at nagíging kathâ ni Farid ud-Din Attar. Sumisíkat ang mga íbon, nakátutunóg sa pámbihiràng alunigníg at símoy, humuhúni na tíla makágagamót sa malubhâng sakít ng banyagàng lupàin, ngúnit hindî nilá kailánman mabábatíd na silá’y hináhangàan, o pinaháhalagahán, sa pinakámatáyog na paraán.

Alimbukad: Poetry Filipinas engulfing the world. Photo by Nikita Khandelwal on Pexels.com

Wika ng Laot, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Láot

Roberto T. Añonuevo

Kapág sinuwérte ka, sásagipín ka ng barkó sa gitnâ ng maunós na láot at tátanggapíng pasahéro sa ngálan ng úmanidád, kayâ dápat magíng alísto sa mga termíno ng maríno. Makátatagpô mo roón ang Uwák na párang may-arì ng karagatán at iba pang tubigán; ang Bitóy na dalá-dalá ang kaniyáng impéryo at puntó; ang Alimángo na dirétso at mahigpít sa témpo, gáya sa musíka ni Bach; ang Kuratóng na maárte gáya sa mga dulâ nina Marin at Hanibal; ang Okra na maliksî’t seryóso, gaya ni Ivanchuk, at kumakáyod na tíla iyón ang pangwakás na áhedres. Kapág hindî mo maúnawàan ang mga wikà nilá, mapálad kapág nakatagpô ang sumísigáw na “Amígo, síno ang nagbúgaw sa iyó?” Magugúlat ka dáhil ang totoó’y nagbibirô lámang siyá kung saáng ahensíya ka nanggáling, at kung anóng kabáyo ang dáti mong sinakyán. Bágo ka pa man makásagót ay nakaratíng na ang balità sa Tanò—ang kapitán ng barkó—at pahihíntulútan niyá ang iyóng akómodasyón. Sa sandalî ng ágam-ágam at paninibágo, walâ ka nang pakialám kung humáwak ng estópa at linísin ang kubyérta; o kayâ’y magíng guwardiyá sa píling ng mga baták na makinísta o segúnda opisyál. Hindî mo mapápansín kung matúlog man sa kabína o gumílid sa baráka; kung magíng utusán ng maestro ámo o mayór, at humalíli sa sinúmang pagúlong na warìng palípat-lípat sa babór at estribór; kung magíng tagatáwag ng koryénte sa hatìnggabí, o kayâ’y magíng estíba at angkoráhe. Tátanungín ka ng Kamóte kung saán ka patúngo, at doón mo mababatíd kung nasisirâan ka na ng úlo, gaya ng tuliróng timonél at nalulúnod na submaríno. Kung saán nakaharáp ang prówa ay hindî pára sa iyó, bagkús ang hinaharáp ng pópa. At saánmang pantalán ka mápunta ay lálong magpapásabík sa iyó na hanápin mulî ang ibinúbulóng ng loób, hábang nagpápahinóg sa iyóng sélda o kuwárenténa, at nauuliníg ang pagwawakás ng musíka na hinihímig ng iyóng músa.

Alimbúkad: Poetry in silence. Photo by Jan-Rune Smenes Reite on Pexels.com

Wika ng Parola sa Panauhin, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Paróla sa Panaúhin

Roberto T. Añonuevo

Isang tuldók ang lundáy sa láwak ng bugháw; isáng tuldók na untî-untîng nagíging línya ang káwan ng kanáway na sumásayáw palapít. Humáhampás ang mga álon sa dalámpasígan, at tangìng ikáw ang mabíbingí, kayâ walâ akóng pakíalám. Sumásalpók, at malímit humáhagunót ang hángin, na ikáyayaníg mo, ngúnit walâ akóng pakíalám. Paroó’t paríto sa palígid ang mga bapór at yáte, umiíwas sa pangánib na sumadsád sa págang o bahúra, at kung gabí’y akó ang tinátanáw. Kapág lumambóng ang úlop at dágim lálo’t takípsílim, hindî kitá makikíta; at maráhil, hindî mo rin akó makikíta kundî ang ináakálang bituín. Anó kung magsílundág ang mga lúmba-lúmba? Ano kung habúlin ng patíng ang mga dúgong o pengguwín? Anó kung sisingháp-singháp si Íkaro na hindî nápansín ng dumaáng barkó? Kailángang maníwalà ba sa mga kuwénto ng magdaragát na nakáriníg sa pamatbát hinggíl sa siréna, o sa áwit ni Amánsináya? Hahabà ang listáhan ng tánong kapág naríritó ka, at makíkiníg kina Homer at Vyasa. Magbibiláng ka ng mga bagyó at buhawî sa panganórin; magbibiláng ng mga ármada at digmâ na panónoórin. Pagkaraán, titingkád na éskarláta ang batuhán sa mga lulútang-lútang na bangkáy. Susukátin ng mga mánlalakbáy ang layò ko at ang layò nila, tumáog man o kumáti. Makábubúti kung párang adwána itóng kinálalagyán ko na mágkakaltás ng buwís sapagkát nágbubuwís-búhay. Lumúluhà sa halúmigmíg ang áking salamín, at áakalàin mong nalulungkót akó pára sa iyó. Hindî. Pagód lang maráhil ang mga talibà ng liwánag. Higít pa sa unós itóng dumáratíng—ang mga humihíngal na bálangkawítan mulâ sa ibáng bansâ—na warì’y sasakúpin ang mga latìan, at mag-iíwan ng trangkáso sa mga bahayán. Itúring mo akóng paralúman, o ílaw ng sángkataúhan, subálit walâ akóng pakíalám. Hindî akó ang iyóng músa; ang músa mo, gaáno man karikít, ay hindî mapapásaákin kailánman. Walâ siyá ríto. At walâ ákong pakíalám.

Alimbúkad: Poetry breaking barriers. Photo by Michael Judkins on Pexels.com