Biyahe, ni Roberto T. Añonuevo

Biyahe

Roberto T. Añonuevo

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Maniniwala ka sa sabi-sabing
may nakaabang na halimaw
sa kaliwa’t kanang panig,
humahabol ang mga multo,
at ang manatili sa gitna’y
luwalhati at pagpapatiwakal.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan, anila,
kung paakyat ng bundok
at tikatik ang ulan.
Matarik at mapanganib,
ang lalandasin mo
ay sindulas ng mga ahas
at sinlambot ng mga lumot.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Matanaw man ang dulo’y
parang tuldok itong naglaho,
o kung hindi’y putol na guhit 
at buradong sulat sa karatula.
Naililihim ng baha ang lubak
at usad-pagong ang trapik.

Pinakamahirap lakbayin,
anila, ang tuwid na daan—
walang puwang sa biglang
liko at layaw ng katawan.
Ang humarurot ay paghinto
sa nakagawiang takbo
ng búhay, iiwan mo ang lahat
hanggang maupos sa wakas.
Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Pixabay on Pexels.com